32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Legarda, kinilalang ika-83 Lee Kuan Yew Exchange Fellow, ikalimang Pilipino mula 1991

- Advertisement -
- Advertisement -

KINILALA si Senador Loren Legarda bilang ika-83 Lee Kuan Yew Exchange Fellow, at naging ikalimang Pilipino na tumanggap ng prestihiyosong pagkilalang ito mula nang itatag ang Fellowship noong 1991. Ang Fellowship ay isang pribado, non-political at non-profit na organisasyon na nagbibigay-pugay sa unang Prime Minister ng Singapore, na si Ginoong Lee Kuan Yew.

Inaanyayahan ng Fellowship ang mga natatanging indibidwal mula sa iba’t ibang panig ng mundo na ang mga gawa ay nagsusulong ng pambansang kaunlaran at pandaigdigang pagkakaisa. Layunin nitong lumikha ng makabuluhang talakayan, pagbabahagi ng kaalaman, at pagpapalalim ng ugnayang internasyonal sa pagitan ng Singapore at iba pang mga bansa.

Bilang bahagi ng Lee Kuan Yew Exchange Fellowship, bumisita si Legarda sa Singapore at nakipagpulong sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang sina Deputy Prime Minister at Minister for Trade and Industry Gan Kim Yong; Minister for Foreign Affairs Dr. Vivian Balakrishnan; at Minister for Sustainability and the Environment and Trade Relations Grace Fu. Nagbigay rin siya ng public lecture sa ISEAS-Yusof Ishak Institute, sa ilalim ng Philippine Studies Programme at Climate Change in Southeast Asia Programme.

“Lubos kong ikinararangal ang mapabilang sa hanay ng mga lider na nag-ambag sa pambansang kaunlaran at pandaigdigang pagkakaisa,” pahayag Legarda. “Ang Fellowship na ito ay pagkakataon upang magpalitan ng kaalaman ukol sa pamahalaan, pagpapanatili ng kalikasan, at katatagan. Bitbit ko ang mga kwento ng sambayanang Pilipino, at sabik akong matuto mula sa bisyon ng Singapore habang ibinabahagi rin ang ating karanasan sa aksyon sa klima at katatagan ng kultura.”

Bilang four-term na Senador, kinikilala si Legarda bilang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng kapaligiran, aksyon sa klima, kultura, at katatagan sa Pilipinas. Sa ilalim ng Fellowship, inaasahan siyang makibahagi sa mga talakayan ukol sa climate resilience, sustainable development, edukasyon, at rehiyonal na kooperasyon, na mag-aambag sa layunin ng Asean para sa isang mas inklusibo at matatag na kinabukasan, habang pinapalalim ang ugnayan ng Pilipinas at Singapore.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -