NAGHAIN si Sen. Raffy Tulfo upang ipa-cite in contempt si Pacifico “Curlee” Discaya dahil sa pagsisinungaling nito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes, Setyembre 18. Agad naman itong sinegundahan ni Senador Erwin Tulfo.
Dahil dito, nagpasya ang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Ping Lacson na ipa-cite in contempt si Curlee Discaya.
Sa nasabing pagdinig, hiningan ng paliwanag si Discaya hinggil sa hindi pagdalo ng kanyang asawa na si Cezarah “Sarah” Discaya sa imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Iginiit ni Curlee na hindi nakadalo ang kanyang asawa dahil sa karamdaman sa puso–na taliwas naman sa sulat na ipinadala mismo ni Sarah sa komite kung saan idinahilan niya na may naka-iskedyul itong pagpupulong kasama ang kanyang mga empleyado.
Sinubukan pa ni Curlee na magpalusot at idinagdag na may diabetes at hypertension ang kanyang asawa, na lalo lamang nagpatibay na nagsisinungaling siya.
“Very inconsistent ang pinagsasabi nito. Mag-asawa sila at imposibleng hindi sila nag-uusap sa health condition ng misis niya. Pinagloloko tayo ng mga ‘to!” pahayag ni Sen. Raffy.
Dagdag pa ni Sen. Raffy, ilalabas pa niya ang karagdagang datos na magpapatunay sa iba pang kasinungalingan ng mag-asawang Discaya.



