PINURI ni Senadora Loren Legarda ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12288, o ang Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act, isang panukalang batas na siya ang may-akda at co-sponsor, bilang isang mahalagang hakbang sa pagkilala sa kakayahan, dedikasyon, at mahalagang papel ng mga gurong Pilipino.
“Sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa ating panahon, ang pangangailangan ng 21st-century learners ay ang edukasyong makabago at tumutugon sa hamon ng panahon. Habang itinataas natin ang antas ng pamantayan sa edukasyon, hindi lamang ang kinabukasan ng ating mga mag-aaral ang dapat nating isulong, kundi pati na rin ang ating mga guro na siyang gumagabay at nag-aalaga sa kanila sa bawat hakbang,” ani Legarda.
Sa ilalim ng RA 12288, bubuo ng isang malinaw na balangkas para sa propesyonal na pag-unlad at pagsulong sa karera na layong makaakit, makapagpaunlad, at makapanatili ng pinakamahusay na mga guro sa bansa. Dalawang tiyak na career tracks para sa mga guro at pinalawak ang teaching ladder ang lilikhain ang batas sa pamamagitan ng mga bagong matataas na posisyon gaya ng Master Teacher IV, V, VI, at VII. Higit pa rito, ang promosyon ay ibabatay hindi lamang sa pagkakaroon ng bakanteng posisyon kundi sa merito, kakayahan, at pagiging karapat-dapat.
“Habang itinataas natin ang kalidad ng edukasyon para sa ating mga mag-aaral, kailangan ding iangat ang katayuan ng ating mga guro. Sa pagbibigay sa kanila ng malinaw at makatarungang landas para sa pagsulong, pinagtitibay natin na ang gurong Pilipino ang patuloy na nagliliwanag ng ating kinabukasan,” dagdag ni Legarda.



