UPANG matiyak ang agarang rehabilitasyon at mabilis na pag-ahon ng mga naapektuhan ng lindol sa Davao Oriental, binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga nasalantang pasilidad sa probinsya.

Sa Davao Oriental Provincial Hospital–Manay District, kinumusta ng Pangulo ang mga pasyenteng pansamantalang nagpapagaling sa field hospital.
Pinuntahan niya rin ang mga sirang silid-aralan sa Manay National High School, maging ang isinarang Regional Evacuation Center sa Tarragona upang alamin ang lawak ng pinsala at masigurong agad na maipatutupad ang mga hakbang para mapatatag ang mga apektadong gusali.

Namahagi rin ang Office of the President ng mahigit P140 milyon na tulong pinansyal sa Lalawigan ng Davao Oriental, kabilang ang mga lungsod at bayan na labis na naapektuhan ng kalamidad. Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng tulong upang matiyak ang mabilis na pagbangon ng mga naapektuhang residente.

Nagbigay din ang DSWD ng P10,000 cash assistance sa mga pamilyang may totally damaged houses, pati na rin ng hot meals mula sa Mobile Kitchen Program at family food packs. Personal ding kinumusta ni PBBM ang mga pamilyang evacuees sa Brgy. Central, Tarragona upang alamin ang kanilang kalagayan.
Sa isang situation briefing kaugnay ng lindol sa Davao Oriental, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. sa mga ahensya ang patuloy na pagsuporta sa mga apektadong pamilya.
Binigyang-diin din ni PBBM ang pamamahagi ng P298 milyong halaga ng tulong pinansyal para sa Davao at Caraga Region, at ang mahalagang papel ng mga LGU sa pagtukoy at pagtugon sa pangangailangan ng kani-kanilang komunidad.
Inihayag ng Pangulo na magbibigay din ang DHSUD ng modular shelters at raw materials, maglalabas ang DBM ng Local Government Support Fund para makatulong sa recovery, at gagamitin ng DPWH ang kanilang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga napinsalang imprastraktura.

Samantala, upang matulungan ang mga pamilyang matinding naapektuhan ng 7.4-magnitude na lindol sa Davao Oriental, nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos Jr. sa DHSUD na magpatayo ng 150 modular shelter units para sa mga nasalantang residente.
Personal na pinangunahan ng Pangulo, kasama ang mga kalihim ng DHSUD, DSWD, DPWH, MinDA at SAP Secretary Antonio Lagdameo Jr., ang inspeksyon at pagtitiyak ng ligtas na tirahan para sa mga mamamayan.



