NANGAKO si Senador Win Gatchalian na susuportahan ang mga programa na magpapalakas sa kakayahan ng Commission on Audit (COA) na pigilan ang mga ghost at substandard infrastructure projects sa gitna ng pag-aalma ng publiko laban sa korapsyon.
“Para maibalik ang kumpiyansa ng taong-bayan, bigyan natin ng kapangyarihan ang COA, bigyan sila ng tools, ng pondo para mapigilan natin ang mga ganitong pangyayari sa 2026,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang budget ng ahensya para sa 2026, kaugnay ng mga isyu ng korapsyon sa mga peke at mababang kalidad na flood control projects.
Isa sa mga inisyatibong pangungunahan ng COA na ipinangakong susuportahan ni Gatchalian ang karagdagang P2.7 bilyon para sa pre-audit program ng ahensya na eksklusibo para lang sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang panukalang pondo ay pangunahing ilalaan para sa suweldo at kompensasyon ng mga karagdagang tauhan. Ang pre-audit ay isang preventive process na sinusuri ang mga transaksyon bago ito maisagawa, samantalang ang post-audit ay corrective process na sinusuri ang mga ito matapos maisakatuparan.
Binigyang-diin ng senador na dapat suportahan ang isinasagawang fraud audit ng COA sa mga flood control projects upang matiyak ang pananagutan. “Dyan papasok kung sino talaga ‘yung may mga kinalaman,” dagdag pa niya.



