HINIMOK ng Malacañang ang mga mambabatas na pabilisin ang deliberasyon sa panukalang pambansang badyet para sa 2026 upang maiwasan ang paggamit ng reenacted budget.
Sa isang press briefing sa Palasyo nitong Martes, tinanong si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro hinggil sa iskedyul ng deliberasyon sa Kongreso kung may natitira na lamang na mahigit isang buwan bago matapos ang taon.
“Ayaw ng Pangulo ng reenacted budget, alam po natin iyan. So, hangga’t maaari bilisan natin. Kahit kapos ang panahon, sana po mas mapabilis natin,” ani Castro
Ayon kay Senador Win Gatchalian, chair ng Senate finance committee, nananatiling nasa tamang landas ang Senado upang maipasa ang 2026 General Appropriations Act sa kabila ng abala dulot ng sunog sa gusali ng Senado kamakailan.
Kasalukuyang nasa yugto ng mga amyenda ang panukalang badyet sa Senado, at nakatakdang isagawa ang ikatlo at huling pagbasa sa Martes, Disyembre 9.
Pagkatapos nito, may isang linggo lang ang Senado para tapusin ang mga dokumento bago ang bicameral conference committee kasama ang House of Representatives para pag-isahin ang kanilang bersyon ng pambansang programa sa paggastos para sa susunod na taon. PND



