IPINAHAYAG ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang kanyang pagkadismaya sa patuloy na pagdami ng mga reklamong natatanggap niya mula sa mga konsyumer kaugnay ng hindi maayos na serbisyo ng ilang water provider sa bansa, kabilang ang PrimeWater.
Sa isinagawang pagdinig ng kanyang komite ngayong Disyembre 3, sinabi ni Sen. Raffy na napag-usapan na ang isyu hinggil sa serbisyo ng PrimeWater sa pagdinig noong Setyembre 29. Sa kabila nito, batay sa patuloy na pagdagsa ng mga reklamo, tila wala pa ring makabuluhang pagbabago sa mga lugar na sakop ng kompanya.
“Today, our focus is on creating immediate, tangible solutions. Sana bago mag-Pasko, maayos na ang tubig ng milyon-milyon nating kababayan. And we can start by looking at the developments that took place since our first hearing. Lalo pang dumami ang natanggap naming reklamo. May mga kasuhan kaming nababalitaan, mayroong mga termination na ng JVAs, pero para sa maraming lugar, hindi pa rin nagbabago ang sitwasyon sa tubig,” saad niya.
Ibinahagi rin ni Tulfo na nagsagawa ang kanyang tanggapan ng isang survey kabilang ang mga local water district na may Joint Venture Agreements (JVA) sa malalaking water provider, kabilang ang PrimeWater, upang mas maunawaan at matugunan ang problema.
Sa 75 JVA ng PrimeWater, 70 local water districts ang tumugon sa survey at 61 sa mga ito ang nagpahayag ng dissatisfaction sa serbisyo ng PrimeWater. Higit pa rito, karamihan sa kanila ay nais nang putulin ang ugnayan sa kompanya.
“But only a minority have the capacity to actually take over. Among the 52 local water districts that are already in the pre-termination or termination track, only around 21 have both the technical and financial capability to resume full control. Ibig sabihin, marami ang gustong kumalas, pero karamihan ay walang sapat na kakayahan – kulang sa pondo, kulang sa tao, at nalilito pa sa legal na proseso,” aniya.
“From our survey findings, one issue stood out louder than the rest: PrimeWate’s failure to deliver on its promises,” dagdag niya.
Dagdag pa ni Tulfo, mula pa noong 2022 ay kumikita na ng bilyun-bilyon ang PrimeWater, ngunit hindi ito nararamdaman ng kanilang mga konsyumer.
“Taon-taon, patuloy na lumobo ang mga utang ng PrimeWater — mula ₱270 milyon noong 2014 hanggang halos ₱24 bilyon noong 2024. Ang tanong ngayon: saan napunta ang bilyun-bilyong pautang na ito?” tanong ng senador.
Habang patuloy pang tinatalakay ang isyu, ibinahagi ni Tulfo na ang kanyang komite ay patuloy na nakikipagtulungan sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), mga local water district, at iba pang kaukulang ahensiya upang maglatag ng mga panandaliang solusyon.
Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang pansamantalang pagsalo o pag-ako ng operasyon ng mga local water district, pag-claim sa mga performance bond, mutual na pagwawakas ng mga JVA,
arbitration, pagpapatupad ng mga catch-up plan, at pakikipag-ugnayan sa mga alternatibong water provider.
Sa huli, hinimok ni Sen. Raffy ang PrimeWater na makipagtulungan sa mga kasunduang may kinalaman sa mutual termination, ilabas ang mga valid performance bond, at bigyang-daan ang mga may kakayahang local water district na muling pamahalaan ang operasyon — alang-alang sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.
“PrimeWater, we ask you to meet us halfway. If you want this problem to go away, maybe it’s time to walk away. There’s still a chance for you to be the solution, allow for a smooth mutual termination for those JVAs that wish to terminate. Help them recover from your performance bond. Consider this option,” ani Tulfo.
“If not, hahaba lang ang usapan natin dito. Magpa-Pasko na at tubig parin ang nasa wishlist ng ating mga kababayan. Kaya handa akong mag hearing ng mag-hearing tungkol dito hangga’t may dumadaloy na reklamo tungkol sa tubig nila,” dagdag niya.



