26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

DSWD uumpisahan na ang pamimigay ng P5,000 sa mga PUV drivers

- Advertisement -
- Advertisement -

SISIMULAN na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng P5,000 tulong pinansyal sa mga driver ng public utility vehicle (PUV) na direktang naaapektuhan ng tumataas ng presyo ng petrolyo sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..

DSWD Secretary Rex Gatchalian Larawan mula sa PCO

Sa isang press briefing sa Malacañan Palace, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang tulong pinansyal ay ipamimigay simula sa susunod na Martes (Marso 17, 2026) na sisimulan para sa mga tricycle driver sa Metro Manila.

“Tulad ng nasabi ni Secretary Banoy (Giovanni Lopez) na ang direktiba ng ating Pangulo ay gamitin ang lahat ng mga programa ng DSWD para maprotektahan natin ang mga mahihirap, marginalized, the poor and the vulnerable,” sabi ni Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian ang budget ng DSWD sa 2026 ay umabot sa P60 bilyon, na may P30 bilyon na available gamitin kaagad kapag may krisis.

“So, naka-standby na iyong 30 billion, handang-handa na ang DSWD, nakakasa na rin ang mga mayor and this is a whole-of-government approach,” sabi ni Gatchalian. “Sa punto na ‘to, hindi na lang kasi sila public utility drivers kung hindi maituturing na natin silang mga individual in crisis situation dahil apektado na ang kanilang mga hanapbuhay – at diyan papasok ang AICS o the Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng DSWD.”


Ayon kay Gatchalian ang mga driver ng iba pang PUVs, katulad ng mga jeepney, taxi, UV Express, buses, at TNVS, kasama ang lahat ng apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ay itinuturing na nasa krisis at makatatanggap ng tulong pinansyal.

Sinabi ng DSWD Secretary na napagdesisyunan nila nina Executive Secretary Ralph Recto, Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez at mga mayor sa Metro Manila na sisimulan ang pamamahagi sa susunod na Martes.

“Tulad ng direktiba ng Pangulo, hindi na ‘to tatagal – as soon as Tuesday, tuluy-tuloy na ho ‘tong aarangkada hanggang sa matapos namin,” paliwanag ni Gatchalian.

Samantala sinabi ni Lopez, “So, ang utos po sa atin ng ating Pangulo, huwag na natin hayaang mas lumala pa ang sitwasyon at kailangan ng whole-of-government approach dito.”

- Advertisement -

Iniulat din ni Lopez na may mga programa ang DOTr upang makatulong sa sektor ng transportasyon,  tulad ng fuel subsidy at Service Contracting Program (SCP). Ang SCP ay inisyatiba ng pamahalaan na nagbibigay ng cash subsidies sa pamamagitan ng payouts sa mga apektadong driver ng mga public utility vehicle (PUV) para sa mga contracting public transport services.

Ipinaliwanag din ni Lopez na sinabi ng Pangulo na huwag nang hintayin pa ang kondisyon na umabot sa $80 per barrel para umpisahan ang tulong pinansyal.

“Although ang problema lang po dito, may mga kondisyon, mayroon po tayong sinasabi na kailangan ma-trigger muna iyong 80 dollars per barrel for one calendar month. At ang pinanggagalingan naman ng ating Pangulo, hindi na natin kailangang antayin pa ‘yan, kaya through the efforts of the President and the Executive Secretary, nakiusap na rin po kami sa DSWD, kay Secretary Rex,” sabi ni Lopez.

Sa kabilang banda, sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora, kasalukuyang National President ng League of Cities of the Philippines (LCP), na sinusuportahan nila ang programa ni Pangulong Marcos.

Ang iba pang mga opisyal na dumalo sa press briefing ay sina Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano. Halaw sa ulat ng Presidential News Desk

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -