NAGBABALA si Senador Imee R. Marcos na posibleng sumiklab ang panibagong krisis sa agrikultura dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng abono at bantang kakulangan sa suplay nito—na direktang tatama sa produksyon at presyo ng bigas.
“Tumataas na nga ang presyo, may posibilidad pang kapusin ang suplay. Kapag nangyari ito, babagsak ang produksyon at tataas lalo ang presyo ng bigas,” ani Marcos.
Iginiit din ng senador na may mga grupong muling pumoposisyon upang samantalahin ang sitwasyon. “Kapag may krisis, nariyan din ang mga oportunistang kumikita. Hindi na ito nagkataon lang—ginawang negosyo na!”
Binalikan ni Marcos ang inisyatiba noong 2023 na itulak ang paggamit ng biofertilizer bilang praktikal na paraan upang mapababa ang gastos sa produksyon, kasabay ng layuning maabot ang ₱20/kilo na bigas.
“May dalawang distributor sa Kadiwa na kayang magbenta ng ₱25/kilo na bigas noon, walang subsidya, tamang paggamit lang ng biofertilizer,” diin niya.
Ngunit aniya, may mga pumigil dito mula mismo sa loob ng pamahalaan. “May umatras sa DA at Kongreso dahil ayaw mawala ang malalaking importer ng abono na sanay sa bilyon-bilyong pondo.”
Kinuwestyon din ni Marcos ang patuloy na pagdepende sa imported na abono. “May sarili tayong solusyon—bakit hindi ito pinapalakas? Anong nangyari sa biofertilizer na gawang lokal?”
“Import pa more,” pasaring pa ng senadora, habang patuloy ang hinaing ng mga magsasaka sa mahal ng abono at krudo.
Batay sa datos mula sa sektor, maaaring umabot sa ₱17–₱20/kilo ang presyo ng palay, na posibleng magtulak sa bigas sa ₱55–₱60 kada kilo o higit pa.
“Kapag hindi inayos ang suplay at hindi binawasan ang gastos ng magsasaka, pagkain natin mismo ang malalagay sa alanganin. Palakasin ang lokal na solusyon tulad ng biofertilizer, huwag hayaang pagkakitaan ang krisis na nagpapahirap sa mga Pilipino,” ani Marcos.



