INIUTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes, Abril 14, 2026, sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang pantay na distribusyon ng tulong para sa lahat ng naapektuhan ng sigalot sa Middle East.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang ikatlong pagpupulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee sa Malacañang Palace, kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
“Upang mas lalo pang mapalakas ang suporta sa mga kababayan nating naaapektuhan ng mataas na presyo ng langis, pinangunahan ngayong umaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ikatlong UPLIFT Committee Meeting sa Malacañang,” ayon kay Castro.
Dagdag pa niya, “Ang utos ni Pangulong Marcos Jr. sa UPLIFT Committee ay siguraduhin na maaabot ang lahat ng mga maaapektuhan at tiyakin na equal distribution ang tulong na maibibigay sa mga nangangailangan.”
Ayon kay Castro, inatasan din ng Pangulo ang mga miyembro ng UPLIFT committee na maglatag ng pangmatagalang solusyon sa mga suliranin, lalo na sa usapin ng suplay ng langis at gasolina sa bansa.
Sinabi pa ni Castro na mas pinalakas din ng pamahalaan ang ilang programa upang maibsan ang epekto ng sigalot sa Middle East sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga tinalakay at ipinatupad ngayong Martes ang pagbibigay ng PhP10 kada litro na subsidiya sa krudo para sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs).
Iniutos din ng Pangulo na gamitin ng pamahalaan ang pondo nito sa pinakamabilis at pinakamabisang paraan.
Binigyang-diin din ni Castro na inatasan ng Pangulo ang mga kaukulang ahensya na tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng langis upang mapanatili ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. | PND



