26.2 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

May passive voice ba sa Tagalog?

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAAALALA pa ba ninyo ang aralin sa wikang Ingles tungkol sa active at passive voice ng mga pangungusap?

Nasa active voice ang pangungusap kapag ang subject ng pangungusap (ang tao o bagay na pinag-uusapan) ang gumaganap ng kilos ng pandiwa. Halimbawa: The boy ate the apple. Ang BOY ang subject at siyang nagsagawa ng kilos na ATE. Samantala, nasa passive voice naman kapag ang subject ang tumatanggap ng layon ng pandiwa. Halimbawa: The apple was eaten by the boy. APPLE na ang subject at ito ang tumanggap ng kilos ng pandiwa na WAS EATEN.

May gamit ang passive voice at ito ang pinipili kapag hindi kilala o hindi kayang matukoy ang gumawa ng kilos ng pandiwa. Halimbawa: The OFW was killed in Lebanon. Hindi malaman o hindi matutukoy kung sino ang nakapatay sa OFW. Maaaring tinamaan siya ng ligaw na bala o ng kumalat na mga bubog na siya niyang ikinamatay.

May mga pagsasanay pa tayo noon na: gawing active ang pangungusap kung ito ay nasa passive voice at vice versa. Madali naman itong gawin. Ang passive voice ay may salitang BY na tumutukoy kung sino ang nagsagawa ng kilos. Sa ganitong palatandaan natin nakikilala ang pangungusap na nasa passive voice.

Ang tanong ay: MAY PASSIVE VOICE BA SA TAGALOG? Kung mayroon, ano ang katumbas ng BY sa Tagalog?


Mayroon. Hindi nga lamang kapareho ng sa Ingles ang estruktura ng pangungusap. Walang BY o katumbas nito. Pero pareho pa rin ng depinisyon na nasa passive voice ang pangungusap kapag ang simuno ng pangungusap ang tumatanggap ng aksyon ng pandiwa.

Halimbawa:

Aktiba: Kumain ang bata ng mansanas. (Ang BATA ang simuno/subject of the sentence), MANSANAS ang tumanggap ng kilos ng pandiwang KUMAIN.

Pasiba: Kinain ng bata ang mansanas. (Ang MANSANAS ang simuno, pero hindi ito ang aktor o tagagawa ng kilos, kundi ito ang tagatanggap ng kilos ng pandiwa, na ang nagsagawa ay ang bata). Samakatwid, ang marker ng nagsagawa ng kilos ay NG. ANG naman ang marker ng simuno. (Bagama’t sa isang naunang kolum, ipinaliwanag ko na ang tunay na marker ng pangngalan ay hindi ANG kundi IYON/’YON/YUN/.)

- Advertisement -

Sa ngayon, FOCUS/POKUS na ang ginagamit na termino para tukuyin kung ano ang role/papel ng simuno kaugnay ng pandiwa – kung ito ba ay aktor o tagagawa ng kilos, layon o tagatanggap ng kilos, instrumento, direksyon, atbp.

Upang ipaliwanag ang kayariang AKTIBA at PASIBA, tunghayan ang paliwanag ni Dr. Ricardo Ma. Duran Nolasco. Si Dr. Nolasco ay nagretirong propesor ng linggwistika sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman at ko-awtor ng aklat (kasama si Dr. Resty M. Cena) ng gramatika, ang BALANGKASAN. Nililinaw ni Dr. Nolasco ang konsepto ng aktiba at pasiba sa tulong ng isa pang linggwista, si Dr. Curtis McFarland. Sa huli, muling ipinaaalala ni Dr. Nolasco na dapat nating tingnan ang ating mga wika batay sa sarili nating mga pananaw; sa gayong paraan natin lalong mauunawaan kung bakit ganito tayo magsalita at mag-isip.

Ilang paglilinaw sa gamit ng kayariang “aktiba” at “pasiba” sa ating mga wika

Ni Ricardo Ma. Duran Nolasco

Ang mga prayleng Espanyol ang unang sumulat ng gramatika ng wikang Tagalog at ng mga wika sa Pilipinas. Ang kanilang paglalarawan at lapit sa pagsusuri ay tiyak na naimpluwensyahan ng mga constructs (o yaring-isip) sa kanilang wika. Tampok dito ang nosyon na “aktiba” at “pasiba,” na angkop para sa tipong pangwika ng Ingles at Espanyol subalit hindi para sa ating wika. Gayunman, ang ganitong mga termino ay patuloy kong gagamitin sa artikulong ito dahil ito ang nakasanayan ng marami.

Sa pp. 45-46 ng Arte de La Lengua Tagala y Manual Tagalog (1745) ay inihayag ni P. Sebastian de Totanes kung kailan ginagamit ang pangungusap na “aktiba” at “pasiba.”

- Advertisement -

Kung ang pinag-uusapan daw ay di tiyak (o indeterminado), “aktiba” ang gamit.  Narito ang ilang halimbawa ni Totanes (orihinal ang baybay) ng “aktibong” konstruksyon sa Tagalog.

(1) Matayca nang isang manuc.

(2) Magdalaca nang tubig.

(3) Tumawagca nang isang bata.

Pansinin na ang mga pandiwa sa (1)- (3), matay, magdala at tumawag ay pawang nasa “aktiba.” Samantala, ang kani-kanilang pansemantikang layon na “manuc”, “tubig” at “bata” ay pawang indepenido o di tiyak.

Kapag ang pinag-uusapan naman ay tiyak o determinado, “pasiba” raw ang bagay.  Kaya:

(4) Patainmo ang manuc.

(5) Dalhinmo yaong tubig.

(6) Tawaguin mo yaong bata.

Pansinin na ang mga pandiwa sa (4) – (5) ay nasa “pasiba” (di umano) at minamarkahan ng -in na panlapi.  At ang mga layon naman nila ay tiyak o depinido.

Mula noon ay ganito na ang naging standard na paliwanag sa kaibhan ng umano’y “aktiba” at “pasiba.” Ang mga terminong ito ay namamayani pa rin hanggang ngayon kahit sinikap na itong palitan noong dekada 1960 at 1970 ng “actor focus” at “goal focus.”  Sa mga sulatin ko, tinutumbasan ko ng “intransitibo” ang “aktiba” at ng “transitibo” ang “pasiba.”

Noong 1978, sa kanyang pag-aaral sa Bikol ay nagpakilala ng pasubali si Curtis McFarland sa pagsusuring ito ng mga prayleng Kastila.  Iginiit niya na maaaring samahan ang pandiwang “aktiba” ng tiyak (definite) na layon. Iyan ay kung “relativized” ang pandiwa, i.e., kapag markado ito ng pantukoy na “ang,” “ng” o “sa.”   Ani McFarland:

“As a general rule, an object complement with definite reference cannot occur in immediate construction with an unrelativized verb.” (Akin ang pagdidiin.)

Bilang pruweba, ipinrisinta niya ang sumusunod na datos sa Bikol:

(7)       a. Nagbakal siya ki sinihan. `He bought a movie theatre.’

  1. *Nagbakal siya kan Rizal Theatre. *`He bought the Rizal Theatre.’
  2. Siya an nagbakal kan Rizal Theatre. `He is the one who bought the Rizal Theatre.’

( 8 )     a. Nakahiling siya ki Amerikano. `He saw an American.’

  1. *Nakahiling siya kan Amerikano/sako. `*He saw the American/me.’
  2. Siya ang nakahiling kan Amerikano/sako. `He was the one who saw the

American/ me.’

Pansinin na sa 7a at 8a,  ang pandiwang “aktiba” (nagbakal at nakahiling) ay tumatanggap lamang ng di tiyak na layon (ki sinihan `a theater’ at ki Amerikano `an American’ ).  Bawal dito ang tiyak na layon (kan sinihan `the theater’,  at kan Amerikano `the American’), gaya ng makikita sa di gramatikal na konstruksyon sa 7b at 8b.  (Ang * ay nangangahulugang di katanggap-tanggap.)  Kung gusto raw nating ipahayag ang depinidong layon katuwang ng pandiwang nagbakal  at nakahiling ay kailangan daw i-relativize ito (markahan ng “ang”), gaya ng 7c at 8c.  Kung gusto naman nating manatiling unrelativized ang pandiwa at tuwangan ito ng depinidong layon,  walang pagpipilian kundi gamitin ang pandiwang “pasiba”.  Kaya:  “Binakal niya su sinihan. (Binili niya ang sinihan/He bought the theater,)  at “Nahiling niya su Amerikano. (Nakita niya ang Amerikano/He saw the American.)

Ang panukalang ito ni McFarland ay sinusuportahan ng matitibay na ebidensya, ngunit gaya ng maraming paglalahat ay may kataliwasan.  Maghaharap ako ng ilang kontra-halimbawa — sa Tagalog — na tila sumusuway sa general rule ni McFarland.  Tila, sapagkat may paliwanag kung bakit pinapayagan ito ng ating gramatika.

(9)       A: (Pista, may handa sa mesa.) O, parang hindi ka kumain, a.  `Hey, ‘looks like you didn’t eat, ha.’

B: Hindi po. Kumain po ako nitong leche plan. `No, Mam. I tried a piece of this leche flan.’

Ang pangungusap na (9) ay naglalaman ng “aktibong” pandiwa na unrelativized pero sinasamahan ng tiyak na “layon.”  Ano kaya ang dahilan para dito?

Ang (9) ay may -um- na pandiwa at may semantikong layon (nitong leche flan). Dahil sa pamatlig (nito) ay nagmimistulang tiyak ang leche flan. Ito’y sa biglang tingin lamang  dahil ang isang punsyon ng -um- na pandiwa ay magpahayag ng partitive na kahulugan. Ibig sabihin, ang semantika ng pangungusap ay nagsasaad ng bahagya at hindi lubos na pag-apekto sa semantikong layon, gaya ng nitong leche flan sa (9).  Ang kahulugan ng (9) ay hindi naubos ang leche flan.  Hindi lang ito.  Ang kumain ay nagsasaad ng walang kahirap-hirap (effortless) na pagganap. Kung ang pakay ng nagsasalita ay ipahayag na inubos ng taga-kain ang leche flan o nag-effort siyang gawin ito, nababagay ang kinain (o di kaya’y nilantakan.)   Dahil bahagya lamang at hindi ganap ang epekto ng “aktibong” pandiwa sa leche flan sa (9), hindi ito maituturing na tunay na layon.

Maaari nating ibuod ang diskusyon sa sumusunod.  May kataliwasan sa tuntunin ni McFarland na nagbabawal sa pandiwang “aktiba” na samahan ng tiyak na layon maliban kung ito’y relativized.  Payak ang paliwanag ko sa kataliwasan:  ang hinahakang layon ay hindi tunay na layon.  Kaya tama pa rin si Kuya Curt.

Hindi matatagpuan sa pangungusap na (9) ang sangkap ng isang tunay na layon, gaya ng sadya vs. di sadyang kilos, pinaghirapan vs. di pinaghirapan,  ganap vs. bahagyang pagkaapektado, paiba vs. pasarili, tukoy vs. di tukoy, atbp.  Hindi lang katiyakan o di katiyakan ng layon ang nagpapasya kung anong klase ng pangungusap  ang pipiliin ng taal na tagapagsalita upang ipahayag ang kanyang mensahe.

Binibigyang-diin ng sulating ito ang pangangailangan na magkambyo ng pananaw sa pagsisiyasat sa ating wika. Ang mga teorya sa linggwistika ay gabay lamang sa ating pagsusuri.  Kung hindi umaayon ang datos sa teorya, kailangang baguhin ang teorya, hindi ang kabaligtaran. Tuklasin natin kung anong constructs o yaring-isip ang tunay na mahalaga sa ating Pilipino.  Saka lamang nating lubos na mauunawaan kung bakit tayo ganito magsalita at mag-isip.

Sanggunian:

McFarland, Curtis Daniel.  1978.  Definite objects and subject selection in Philippine languages. In Edrial-Luzares, C. and Hale, A. (eds.), Studies in Philippine linguistics, 139-182.  Manila:  Linguistic Society of the Philippines.

Totanes, Sebastian de. 1865 [1745]. Arte de la Lengua Tagala y Manual Tagalog. Binondo: Miguel Sanchez. viii+131+166pp.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -