ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad ang pagpapaunlad ng imprastruktura, naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P46.22 bilyon upang pondohan ang kabuuang 1,743 public work projects sa buong bansa, ayon sa Malakanyang nitong Martes.
Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na layunin ng pagpapalabas ng pondong ito na matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon ng mga proyekto sa imprastruktura at maiwasan ang anumang pagkaantala.
“Bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Marcos Jr. na gawing prayoridad ang pagtatayo ng mga mahahalagang infrastructure projects sa bansa, aprubado na ng Department of Budget and Management, sa pangunguna ni Secretary Rolando Toledo, ang pag-release ng P46.22 billion na pondo para sa 1,743 infrastructure projects sa buong bansa,” ani Castro.
Bahagi rin ang hakbang na ito ng pagsisikap ng administrasyon na pabilisin ang pagpapaunlad ng imprastruktura at pasiglahin ang paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Castro, naipamahagi na ang pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga proyektong magpapahusay sa konektibidad ng mga kalsada at galaw ng transportasyon sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ang Davao City Bypass Construction Project na may nakalaang higit sa P288 milyon para sa taong piskal 2026, ayon kay Castro.
Sa sektor ng edukasyon, sinabi ni Castro na iniutos din ni Pangulong Marcos ang pagpapalabas ng P17.27 bilyon upang makapagtayo ng 4,960 silid-aralan sa buong bansa. Layunin nitong tugunan ang kakulangan sa mga classroom at matiyak na makapag-aaral ang mga estudyante nang maayos, ligtas, at may dignidad.
Inaprubahan na rin ng Kalihim ng DBM ang nasabing pondo para sa Department of Education (DepEd), dagdag ni Castro.
Samantala, iniutos din ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensya na tiyakin na ang pamamahagi ng tulong pinansyal at iba pang ayuda sa publiko ay naaayon sa umiiral na batas.
Binanggit din ni Castro na kinilala ng Open Government Partnership International—isang organisasyon ng mga repormista sa loob at labas ng pamahalaan—ang Pilipinas sa pagsusulong ng transparency, accountability, at pakikilahok ng mamamayan sa paggasta ng pamahalaan.
Sa isang social media post, tinukoy ng organisasyon ang mga repormang ipinatutupad ng pamahalaan bilang “isang hakbang ng pagsusulong sa pagsasabuhay ng open government standards sa Pilipinas.”
Bilang suporta sa direktiba ng Pangulo, naglabas ang DBM ng Circular Letter No. 2026-6 upang palawakin ang paggamit ng mga prinsipyo ng open government sa lahat ng programa, aktibidad, at proyekto ng pamahalaan.
Sa ilalim ng naturang circular, inaatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno, government-owned -controlled corporations (GOCCs), state universities and colleges, at mga local government units (LGUs) na bigyang prayoridad ang mga mekanismong nagtataguyod ng transparency, partisipasyon ng mga stakeholder, at pananagutan. | PND



