31.8 C
Manila
Lunes, Hunyo 29, 2026

P1.5B proyekto para sa sektor ng agrikultura at pangingisda, inilunsad ng pamahalaan

- Advertisement -
- Advertisement -

KASUNOD ng pagbuo ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) — ang inisyatiba ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng nararanasang krisis sa enerhiya bunsod ng tensyon sa Middle East — inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ₱1.5 bilyon convergence project para sa mga sektor ng agrikultura at pangingisda, katuwang ang Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA).

Magbibigay ang inisyatibang ito ng panandaliang trabaho at tulong pangkabuhayan sa mga manggagawa sa agrikultura at pangingisda sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (Tupad), at Adjustment Measures Program (AMP). Layunin din nito na isulong ang seguridad sa pagkain, tiyakin ang maayos na daloy ng mga kalakal, at itaas ang produktibidad sa agrikultura at pamamahala ng yamang-tubig sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga imprastraktura at pasilidad, gaya ng mga sekondaryang daluyan ng tubig o irigasyon at pagtatayo ng mga imprastrakturang matatag laban sa pagbabago ng klima.

Kasalukuyan nang ipinatutupad ang proyekto sa Region IV-A, 9, at Caraga. Lumahok ang mga benepisyaryo sa paglilinis at pag-aalis ng bara sa mga irigasyon, gayundin sa pagtatanim ng gulay sa paligid nito. Ipapatupad din ito sa Region III, Mimaropa, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Bago pa ang proyektong ito, simula noong Enero ng taong ito, may kabuuang 6,920 magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng mahigit ₱148.9 milyon. Ang programang pangkabuhayan ay nagbigay sa mga benepisyaryo ng mga kagamitan at suplay para sa iba’t ibang negosyong pang-agrikultura, kabilang ang pag-aalaga ng manok at baboy.

Bukod dito, ilang benepisyaryo ang tumanggap ng tulong para sa mga pangkabuhayang nakabase sa pagkain gaya ng pagtitinda ng bigas at frozen food, gayundin sa pagproseso ng peanut butter at kamoteng kahoy. Ang iba naman ay nagbukas ng mga negosyong serbisyo, tulad ng water refilling station at general merchandise. Sinuportahan din ng programa ang mga inisyatiba sa produksyon tulad ng paggawa ng mga gamit mula sa kawayan at pagpapatubo ng kabute.

Sa ilalim ng programang Tupad, may 91,457 magsasaka at mangingisda ang nabigyan ng emergency employment na may kabuuang pondong mahigit ₱655.4 milyon. Kabilang sa mga naging proyekto sa TUPAD ay ang paglilinis ng mga pampublikong pasilidad, coastal clean-up, pagtatanim ng puno, communal gardening, at pagtatanim ng bakawan.

Reintegrasyon ng mga OFW

Dahil sa layuning palawakin ang suporta para sa mga Pilipinong naapektuhan ng gulo sa Middle East, nagpaabot din ang Kagawaran ng tulong sa mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa trabaho at tulong-pangkabuhayan sa ginanap na Bayanihan Para sa Balikbayang Manggagawa, na pinangunahan ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Abril 15, 2026 sa Leyte National High School Gymnasium.

Ang nasabing kaganapan ay dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung saan inialok ang 664 lokal na trabaho at 1,904 trabaho sa ibang bansa, kung saan dalawang OFW ang agad na natanggap sa trabaho mula sa 76 aplikanteng nagparehistro.

Bukod dito, may 52 repatriated OFWs ang nabigyan ng emergency employment sa ilalim ng programang Tupad, samantalang 12 iba pa ang sumailalim sa pagsusuri at pagproseso para sa Kabuhayan Program.

Nagsagawa rin ng katulad na aktibidad ang Quezon City Public Employment Service Office (PESO) noong Abril 6 sa Quezon City Hall, kung saan mahigit 8,000 bakanteng trabahong lokal at sa ibang bansa ang inialok sa 500 OFW. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -