24.5 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Ang AI sa pagtuturo at pananaliksik

DALUMAT AT SAYSAY

- Advertisement -
- Advertisement -

(Unang bahagi)

NAGLIPANA na ang iba’t ibang AI sa digital na mundo natin. Naka-integrate ang AI sa halos lahat ng digital platform ngayon. Sa Facebook, puwede kang mag-Ask AI o kaya’y iedit ang mga larawang naka-post sa Messenger. Sa Google, may AI mode sa search box. Sa Zoom video conferencing, ang kulit ng AI na nagtatanong kung nais mo bang i-summarize niya ang naging pulong ninyo. Nakababahala rin na hindi na natin matukoy kung ano ang totoo at ang AI-generated na imahe at video. Kung kaming nasa akademya, nahihirapang tukuyin ito, paano na kaya ang mga ordinaryong tao? Kailangan talaga ng AI literacy at isang hakbang para magkaroon nito’y alamin at gamitin ang kakayahan ng AI. Mahirap iyong tutol ka nang tutol, pero hindi mo naman alam kung paano ito gamitin. Sa pagtuturo at pagkatuto, talamak ang paggamit nito kahit hindi parehong umaamin ang mga guro at estudyante. Kailangang pinag-uusapan na ito ng guro at mga estudyante sa simula pa lamang ng klase. Kailangang nakalagay ito sa silabus. Ano ang pamantayan ng klase sa paggamit at hindi paggamit ng AI?

Noong kasisimula pa lamang sumikat si ChatGPT noong 2022, nag-set na ako ng pamantayan sa klase. Naging paksa na rin ito sa ilang panayam at kumperensiya kung saan ibinahagi ko ang kakayahan ng AI at limitasyon nito, kasama pati ang mungkahing patakaran o pamantayan sa klase. Apat ang pamantayang ibabahagi ko. Una, ang Gen AI ay isang kasangkapan, isang ekstensyon ng indibidwal, upang makatulong sa mas episyenteng gawain. Ang AI ay isang tool. Ikaw, ako, tayo ang tao. Hindi tayo ang kasangkapan ng AI. Isa itong ekstensyon na bunga ng teknolohiya at inobasyon. Halimbawa, ang salamin sa mata’y ekstensyon ng paningin natin para makakita tayo nang malinaw. Ang sasakyan ay ekstensyon natin para makapaglakbay tayo. Ang prosthetics na paa’y ekstensyon natin para makalakad ang may kapansanan sa paa. Isipin natin na ang pakay ng AI ay para maging mahusay tayo sa ating mga gawain. Katuwang natin.

Ikalawa, ang AI ay hindi pamalit sa atin. Ibig sabihin, hindi dapat ito ekstensyon ng utak natin. Tayo pa rin dapat ang nag-iisip. Tayo pa rin ang gumagawa at nagpapasya. Dahil sa ikatlong pamantayan, hindi dapat saklawin ng AI ang “kritikal at malikhaing pag-iisip” ng tao. Sapagkat, kung magkagayon, hindi na ang estudyante ang nag-iisip kundi ang AI. Ang ikaapat at huling pamantayan ay kailangang maging matapat tayo sa paggamit ng AI. Isa-isahin natin ang mga ito.

Ang ginagamit kong modelo ay mula sa Arene ng Finnish Universities of Applied Sciences. Mas kilala itong traffic light model ng paggamit at di-paggamit ng AI sa pagkatuto ng mga estudyante. Noong una ko itong narinig sa isang kumperensiya, tatlo ang malalaking prinsipyo batay sa kulay ng traffic light. Green light—maaaring gamitin sa pagkatuto at pagsasanay. Yellow light—pinapayagan ang AI subalit kailangang iulat o kaya’y may superbisyon ang guro. Red light—hindi maaaring gamitin ang AI. Sa Arene, mayroon nang blue light na “required” ang paggamit ng AI at kailangang iulat ito. Sa pamantayang aking irerekomenda, tatlo lamang ang kulay ng traffic light.


Simulan natin sa konteksto ng mga mag-aaral. Sa red light, bawal gamitin ang AI sa sumusunod na gawain—sa panahon ng pagsusulit; pagsulat ng sanaysay, tesis, at disertasyon; sa naratibong pagsusuri ng mga datos; paglutas ng mga suliranin; at sa malikhaing pagsulat ng kuwento, nobela, tula, at iskrip.

Ang yellow light ay kailangang may superbisyon ng guro. Itinakda niya ito sa mga estudyante at iuulat nila ito kapag natapos na ang gawain o proyekto. Kasama rito ang paghahanap ng RRL at tematikong rebyu ng literatura. Ang Consensus na additional tool mula sa OpenAI Enterprise/ChatGPT ay may kakayahang magbigay ng mga RRL batay sa hinihingi mong impormasyon. Gayundin ang function ni Scopus AI na dating libre sa aming Scopus database, ngunit ngayon ay may bayad na. May subscription na. Kapag nagre-rely lamang sa iluluwal na RRL ng Consensus at Scopus AI o anumang AI-generated RRL tool, limitado ang mahahanap ng mga estudyante. Gawaing tamad ang ganito. Ang ibang lehitimong sanggunian ay nasa mga silid-aklatan. Nagmumula mismo sa mga aklat. Hindi ito kayang saklawin ng AI dahil hindi ito naka-upload sa internet. Ang mga pisikal na aklat ay naglalaman ng mga interesante at makabuluhang kaalaman. Kailangang pa ring magbasa ang mga estudyante ng mga aklat para sa kanilang RRL. Isa pa, ang mga microfilm ay nasa archives ng mga silid-aklatan. Nakatutuwang magbasa ng mga lumang kopya ng diyaryo at magasin na nasa microfilm. Sa mga guro, huwag nating hikayatin na maghanap lamang sila sa online database. Hindi magiging masaklaw ang pananaliksik ng mga bata kung hindi nila hahalukayin ang mga datos, impormasyon, at kaalaman na nasa library ng mga paaralan o unibersidad nila.

Kasama sa yellow light ang pagsusuri ng mga datos para sa organisasyon at deskripsyon ng mga ito. Tulad ito ng ginagawa ng Excel o Google Sheets para sumahin ang mga numero at pigura upang makabuo ng chart. Tulad din ito ng ginagawa ng NVIVO, isang software para sa qualitative research, para alamin ang frequency count ng mga research term, word cloud ng mga tematikong termino, at pagsasalansan ng mga magkakatulad na tugon mula sa transkripsyon ng interbyu o focus group discussion. Maaari itong ipagawa sa Gen AI na may kondisyong iuulat ito ng estudyante sa kanyang papel. Hindi kasama rito ang malalimang pagsusuri ng mga datos. Kailangan ng kritikal at analitikal na pag-iisip upang maisulat ito ng estudyante. Ito ang sinasanay sa kanya. Kung ang AI rin ang gagawa nito, wala nang kakayahan ang estudyante na matuto gamit ang kanyang matalinong pag-iisip. Hindi magiging ekstensyon ang AI ng estudyante kundi magiging alipin siya nito.

Itutuloy

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -