27.8 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 15, 2026

Mga pahayag ng mga senador tungkol sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBIGAY ng kanya-kanyang pahayag sina Sen. Loren Legarda, Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, Sen. Bam Aquino at Sen. Risa Hontiveros. Narito ang kanilang mga pahayag nitong Hulyo 12, 2026 na inilathala ng website ng Senate of the Philippines.

Legarda: Pinangangalagaan ng Arbitral Award ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino, seguridad sa pagkain, at mga karapatan ng bansa sa karagatan

Sa paggunita ng bansa sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award ukol sa South China Sea, muling iginiit ni Senadora Loren Legarda ang matatag na paninindigan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa mga karapatan nito sa karagatan sa pamamagitan ng pandaigdigang batas, diplomasya, at isang pandaigdigang kaayusang nakabatay sa mga alituntunin ng batas.

Inilabas noong Hulyo 12, 2016 ng Arbitral Tribunal na binuo sa ilalim ng Annex VII ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos), idineklara ng Arbitral Award na walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China sa karagatan batay sa tinatawag nitong “historic rights.” Kinilala rin nito ang mga soberanong karapatan at mga karapatang pandagat ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.

“Para sa marami, ang Arbitral Award ay isang makasaysayang tagumpay sa larangan ng  batas. Ngunit para sa ating mga mangingisda, ito ay tungkol sa kakayahang makapangisda nang ligtas, makauwi sa kanilang mga pamilya, at marangal na maitaguyod ang kanilang kabuhayan mula sa karagatang bumuhay sa maraming salinlahi ng mga Pilipino,” ani Legarda.

Binigyang-diin niya na ang patuloy na sitwasyon sa West Philippine Sea ay may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, lalo na sa mga pamayanang umaasa sa karagatan para sa kanilang kabuhayan. Marami sa ating mga mangingisda ang nahaharap sa kawalang-katiyakan tuwing pumapalaot sa kanilang tradisyunal na pangisdaan. Dahil dito, napipilitan ang ilan na paikliin ang kanilang biyahe, umiwas sa masaganang pangisdaan, o gumastos nang mas malaki sa gasolina upang makapangisda sa mas malalayong lugar na mas ligtas.

“Ang usapin ng West Philippine Sea ay hindi nagtatapos sa ating mga baybayin. Kapag  kakaunti ang huling isda ng ating mga mangingisda, lumiit ang kita ng kanilang pamilya, nababawasan ang suplay sa mga pamilihan, at nararamdaman ito ng bawat Pilipino sa pagtaas ng presyo ng pagkain at sa ating seguridad sa pagkain. Sa bawat pagkakataong napipilitang umatras ang isang Pilipinong mangingisda mula sa mga katubigang pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming henerasyon, higit pa sa isda ang nawawala sa atin—nawawala ang kabuhayan, oportunidad, at bahagi ng ating kinabukasan,” ani Legarda.

Ayon sa senadora, ipinakikita ng mga katotohanang ito kung bakit nananatiling mahalaga  ang Arbitral Award sa buhay ng bawat Pilipino. Ang pangangalaga sa West Philippine Sea ay nangangahulugang pagprotekta sa kabuhayan ng ating mga mangingisda, pagtitiyak sa seguridad sa pagkain, pangangalaga sa yamang-dagat at marine ecosystem, at pagtiyak sa kinabukasan ng mga pamayanang nasa baybayin.

Inilarawan ni Legarda ang Arbitral Award bilang isa sa pinakamahahalagang tagumpay ng  Pilipinas sa larangan ng batas at diplomasya, na nagpapatunay na ang mga alitan sa pagitan ng mga bansa ay dapat lutasin sa pamamagitan ng tuntunin ng batas at hindi ng puwersa o pamimilit. Aniya, nananatiling pinal at may bisa sa batas ang naging pasya ng Tribunal sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa mga isyung tinalakay nito, at nagsisilbi itong matibay na pundasyon ng patuloy na pagsisikap ng bansa na palakasin ang pamamahala sa ating mga karagatan at ipagtanggol ang ating mga karapatan sa ilalim ng pandaigdigang batas.

“Ang kahalagahan ng Arbitral Award ay hindi lamang nakasalalay sa idineklara nito noong  2016, kundi sa kung paano ito isinabuhay ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga kongkretong hakbang,” ani Legarda. Bilang co-author at co-sponsor ng Philippine Maritime Zones Act (R.A. No. 12064) at ng Philippine Archipelagic Sea Lanes Act (R.A. No. 12065), sinabi niyang isinasalin ng mga batas na ito sa pambansang batas ang mga prinsipyong kinilala ng UNCLOS at ng Arbitral Award sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy sa mga sonang pandagat ng bansa at pagtatatag ng mga archipelagic sea lanes na naaayon sa pandaigdigang batas.

Binigyang-diin din ni Legarda na nakasalig sa matibay na legal at makasaysayang batayan ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea. “Bagama’t nilinaw ng Arbitral Award ang mga karapatan at mga karapatang pandagat ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS, lalo pa itong pinatitibay ng ating mahabang kasaysayan. Ang 1734 Murillo Velarde Map, ang Treaty of Paris ng 1898, ang Treaty of Washington ng 1900, ang UNCLOS, at ang 2016 Arbitral Award ay sama-samang nagpapatunay na ang paninindigan ng Pilipinas ay nakabatay hindi sa retorika kundi sa batast makasaysayang katotohanan,” aniya.

Sa paggunita ng Pilipinas sa isang dekada mula nang mailabas ang makasaysayang Arbitral Award, nanawagan si Legarda sa lahat ng Pilipino na manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa mga lehitimong karapatan ng bansa habang patuloy na itinataguyod ang kapayapaan, diplomasya, at isang pandaigdigang kaayusang nakabatay sa tuntunin ng batas.

“Ang ating mga karapatan sa West Philippine Sea ay hindi maaaring ipagkasundo o pasubalian sa pamamagitan ng pananakot. Tungkulin nating pangalagaan ang nararapat na para sa sambayanang Pilipino, alinsunod sa ating Konstitusyon at sa pandaigdigang batas. Ang pagtatanggol sa West Philippine Sea ay nangangahulugang matatag na paninindigan para sa ating mga lehitimong karapatan, kasabay ng ating hindi matitinag na pangako sa kapayapaan, diyalogo, at diplomasya. Atin ang West Philippine Sea, at pananagutan nating pangalagaan ito para sa susunod na henerasyon,” pagtatapos ni Legarda.

Pahayag ni Sen Francis ‘Kiko’ Pangilinan

Noong Mayo 14, isang araw matapos ang shooting sa Senado, nagtungo tayo sa Pag-asa Island — frontline island-barangay ng Kalayaan Island Group, bahagi ng maagang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng ating makasaysayang tagumpay sa arbitral ruling sa West Philippine Sea.

Nagdala tayo ng mga suplay at buháy na patunay na ang kalayaan at pag-asa ay hindi lamang mga abstraktong konsepto, kundi mga pasyang pinipili nating isabuhay araw-araw.

Sa Kalayaan Island Group, nasaksihan natin kung paano matatag na binubuo ng ating mga kababayan ang kanilang buhay sa bingit ng panganib, at kung paano nila ginagawang isang pamayanan, kabuhayan, at tahanan ang mga bahura at karagatan.

Sa pagbisitang iyon, sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng iba nating mga partner, tumulong tayong magtatag ng mga salt bed sa Pag-asa Island upang ang isang pamayanang dating umaasa sa mga padala ng asin mula sa Palawan ay makapag-ani na ngayon ng sarili nitong pampalasa.

Pinapakita ng simpleng gawaing ito — magkakasama ang tubig, sikat ng araw, at mga kamay ng tao — kung ano ang posible. Na balang araw, ang asin mula sa Pag-asa ay makikilala sa buong Pilipinas. Magiging tahimik na patunay ang asin na ito na hindi isinusuko ng mga Pilipino ang ating mga karagatan.

Sa halip, ipinagtitimpla sa pagkain at ipinagtataguyod sa pamilya nang may pag-asa at kalayaan. Na pwedeng balang araw ay buong pagmamalaking maipagbili bilang Asin ng Pag-asa o Asin ng Kalayaan.

Ngunit ang pag-asa, hindi bulag sa katotohanan. At ang kalayaan, hindi basta na lamang ibinibigay.

Sa Pag-asa, nakausap natin ang isang mangingisda na umaming sa tuwing pumapalaot, nakakaramdam siya ng matinding pangamba. Nakaabang sa abot-tanaw ang mga barko ng Chinese maritime militia, at ang dati niyang pamilyar na pangisdaan, ginagawang panakot laban sa kanya.

Alam niyang nasa panig natin ang batas. Ngunit dahil sa mga dayuhang sasakyang-dagat, pinapaalala rin sa kanya na ang mga tagumpay sa batas, kailangang tumbasan ng tapang at kahandaang ipaglaban ang ating karapatan.

Ngayong ika-10 anibersaryo ng panalo natin sa arbitral tribunal, sumasaludo tayo sa kanya at sa bawat residente ng Pag-asa at ng Kalayaan Island Group. Sa ating mga kababayang tahimik na ipinagtatanggol ang Republika sa simple ngunit pambihirang pasya na tumira sa isla.

Ang hamon natin sa lahat ng Pilipino: Ipakita natin ang ating pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagkilos. Bumisita. Sumuporta. Mamuhunan. Mag-organisa. Bumoto. Magturo. Ipagtanggol.

Ipagdiwang natin ang tagumpay na ito sa batas: Tumulong sa paglikha ng mga kabuhayan, ikwento ang kasaysayan ng Pag-asa at Kalayaan, at tiyakin na wala ni isang Pilipinong mangingisda ang muling makararamdam ng pag-iisa sa dagat.

Simula pa lamang ang ating tagumpay sa The Hague. Darating ang tunay na tagumpay kapag ang ating mga kababayan ay malaya at walang takot na nakakapamumuhay, nakakapangisda, at nakakapangarap sa West Philippine Sea; kapag ang Pag-asa at Kalayaan ay hindi na lamang mga pangalan ng mga isla, kundi isang katotohanang isinasabuhay ng bawat Pilipino.

Mabuhay ang Pag-asa! Mabuhay ang Kalayaan! Atin ‘to!

Pahayag ni Sen Bam Aquino

 

Sampung taon na ang nakalipas mula nang ilabas ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang makasaysayang arbitral ruling na nagpatibay sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea sa ilalim ng international law—isang tagumpay na isinulong ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa pamamagitan ng matatag na paninindigan at diplomasya.

Sa gitna ng mga patuloy na hamon sa West Philippine Sea, nananatiling malinaw ang ating paninindigan: atin ang West Philippine Sea, at patuloy nating ipaglalaban ang ating soberanya, ang ating mga karapatan, at ang ating pambansang interes.

Higit sa usapin ng teritoryo, usapin ito ng kabuhayan ng ating mga mangingisda, ng seguridad sa ating karagatan, at ng kinabukasan ng ating bansa. Sa bawat usapin tungkol sa West Philippine Sea, dapat mauuna ang Pilipino. Mananaig ang katotohanan, ang batas, at ang pambansang interes ng Pilipinas.

Pahayag ni Sen Risa Hontiveros

Ten years ago today, the Philippines showed the world what it means to stand up to a giant, and win. The 2016 Hague Ruling still stands, affirming that China’s nine-dash line has absolutely no basis in international law.

Mahalaga na ipagdiwang ang araw na ito dahil hindi tumitigil ang Tsina sa pang-aangkin ng hindi kanya.

Recently, Chinese academics have gone so far as to claim that Batanes belongs to China. This is a grave insult to every Ivatan, to every Filipino, and further proof of how deeply the Chinese government’s propaganda has taken root in its own people.

China’s disinformation campaigns are exactly why the Arbitral Award matters, not only as a landmark ruling etched in the annals of history, but as a shield against those who systematically spread lies.

Let us never forget this victory. Huwag nating kalimutan na lumaban tayo sa isang dambuhala nang mapayapa at may dignidad. Ipagmalaki natin sa buong mundo na ang Pilipinas ay isang bansa na tumindig para sa tama at sa totoo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -