LUMAGO ang balance-of-payments (BOP) deficit mula sa surplus na balance noong first quarter ng 2024 sa deficit na $609 milyon noong 2025 sa deficit na $5.29 bilyon noong unang quarter ng 2026. Ano ang ibig sabihin ng mga numerong ito? Namimiligro na ba ang ekonomiya sa gitna ng mga kaguluhan sa buong mundo?
Noong unang quarter ng 2026, nagkaroon ng balance-of-payments (BOP) deficit ang bansa na umabot sa $5.29 bilyon na nagkakahalaga ng 2.05% ng GDP, mas malago kaysa sa deficit na $2.958 bilyon na nagkakahalaga ng 1.16% ng GDP. (Table 1)
Ang dahilan nito ay ang economic shock ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa giyera ng Iran at Estados Unidos na lumala at kumalat sa buong Middle East na kung saan nanggagaling ang pinakamalaking export volume ng langis at abono.
Mula sa $68.36 bawat bariles noong Pebrero 2026, lumukso ang presyo ng Dubai crude na siyang karaniwang ini-import ng mga bansa sa Asya kasama ang Pilipinas sa $91.88 bawat bariles noong Marso at lalo pang umakyat ito sa $126.71 bawat bariles noong Abril 2026 noong kasagsagan ng giyera.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, umakyat ang imports ng petroleum products mula sa $4.5 bilyon sa $4.8 bilyon noong first quarter ng 2026, 6.1% na paglago. Nahila ang first quarter average ng mababang presyo noong Enero at Pebrero; noong Marso, saka lang ito umakyat ng 40.8%. Samakatwid, di pa gaanong naramdaman sa balance of payments ang malaks na sipa ng imports noong unang quarter. Sa kabuuan, umakyat ito ng 8.7%, kaparehas lang noong unang quarter ng 2025.
Dahil sa paghawi ng ulap sa kaguluhan ng taripa at ang pag-depreciate ng piso kontra dolyar, sumipa ang exports noong unang quarter ng 2026. Umakyat ito ng 5.9% kumpara sa 4.6% noong unang quarter ng 2025. Pinakamalaking ambag dito ay galing sa exports of goods na sumipa paitaas ng 13.6% halos doble sa 7.0% na paglago nito noong unang quarter ng 2025. Tumulong din ng bahagya ang exports of services na lumago ng 5.2% kumpara sa pag-urong ng -2.4% noong nakaraang taon.
Sa mga exports of services, malaki ang naiambag ng turismo kahit na magulo ang Middle East. Lumago ang numero ng turistang dayuhan ng 10.4% sa 1.83 milyon noong unang quarter. Umakyat ang tourist receipts ng 10.1% sa $3.2 bilyon mula sa $2.9 bilyon noong nakaraang taon. Na-offset ng tourists mula Tsina ang pagbaba ng turista galing Korea.
Mas banayad ang naiambag ng mga exporters ng services na maliliit pa ang volume pero malaki ang kanilang paglago. Kasama dito ang financial services na lumago ng 86.5% (sa $131 milyon) at construction na lumago ng 59.8% (sa $22 milyon).
Sa kabuuan, ang imports naman ay nanatiling matatag; kapareho lang nito ang 8.7% na paglago noong unang quarter ng nakaraang taon. Ngunit bumaba nang bahagya ang paglago ng imports of goods na 9.0% kumpara sa 9.3% noong nakaraang taon. Ang dahilan nito ay ang pagbaba ng investment ng Pilipinas; naging matumal ang pagbili ng makinarya dahil sa -3.3% na pag-urong ng domestic capital formation.
Dahil sa economic shock, tumigil ang inaasahan sanang pagbaba ng interest rates sa buong mundo. Ang pag-akyat ng inflation at pagsiklab ng uncertainty na nakaapekto sa capital flows ang mitsa ng pag-depreciate ng mga currencies ng emerging economies kasama ang Pilipinas, at kasabay nito ang muling pagtaas ng interest rates. Sa Pilipinas, itinaas ng Bangko Sentral ang policy rates ng 25 basis points (bp) ng dalawang beses—noong Abril 23 at Hunyo 18; itoý ginawa para bakahin ang pagsiklab ng inflation na umakyat sa 7.2% noong Abril.
Sa pnagkalahatan, mataas pa rin ang paglago ng income ng mga Pilipinong mangangalakal at manggagawa mula ibang bansa. Ang balance nito ay umakyat ng 5.0%, mula sa $8.2 bilyon sa $8.7 bilyon.
Naapektahan adversely ang primary income receipts na dumausdos ng 13.5% mula sa $4.6 bilyon sa $4.0 bilyon. Bumaba ang mga dibidendo ng maraming kumpanyang Pinoy na may investments sa labas ng bansa gaya ng SM, Jollibee, at International Container Terminal Systems, Inc. Ngunit bumaba rin ang bayad ng dibidendo sa mga dayuhang investor na nasa Pilipinas ng 21.0% mula sa $4.1 bilyon sa $3.2 bilyon.
Sa kabuuan, rumatsada ang balance ng primary income ng 46.2% noong unang quarter ng 2026, mas banayad kumpara sa 86.6% na paglago noong nakaraang taon. Umabot ito ng $756 milyon kumpara sa $517 milyon noong nakaraang taon.
Patuloy din ang pagratsada ng secondary income receipts mula sa $8.0 bilyon sa $8.2 bilyon, 3.1% na paglago. Kita ito na ipinapadala ng 2.2 milyong OFWs at 10.8 milyong Filipino migrants sa iba’t ibang bansa.
Ngunit mas malago ang secondary income payments na rumatsada ng 29.3%; maliit pa ang kabuuan nito na $322 milyon para magiging suliranin.
Kahit na nasa deficit BOP position ng bansa noong unang tatlong buwan ng 2026, patuloy na namayagpag ang Gross International Reserves (GIR) na bumaba nang bahagya ngunit mataas pa rin sa $104.0 bilyon na antas nito noong huling araw ng Mayo 2026. Ang halagang ito ay kasya sa 6.9 buwan na imports ng goods at services, lagpas sa minimum standard na 2-3 buwan.
| Table 1. BALANCE OF PAYMENTS ACCOUNT | |||||
| 2024 | 2025 | 2026 | Growth (%) | Growth (%) | |
| First Quarter | 25 vs. 24 | 26 vs. 25 | |||
| I. BALANCE OF PAYMENTS | |||||
| OVERALL BALANCE | 237 | (2,958) | (5,290) | -1348.1% | 78.8% |
| % of GDP | 0.13% | -1.16% | -2.05% | ||
| CURRENT ACCOUNT BALANCE (US$M) | (2,071) | (4,200) | (5,663) | 102.8% | 34.8% |
| CURRENT ACCOUNT BALANCE (% OF GDP) | -1.9% | -3.6% | -4.7% | ||
| EXPORTS | 38,453 | 40,239 | 42,619 | 4.6% | 5.9% |
| IMPORTS | 40,899 | 44,439 | 48,283 | 8.7% | 8.7% |
| A. TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCE | |||||
| TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCES, US$M | (11,005) | (13,378) | (14,324) | 21.6% | 7.1% |
| % OF GDP | -9.9% | -11.4% | -12.0% | ||
| TRADE IN GOODS, BALANCE (US$M) | (14,678) | (16,373) | (17,138) | 11.5% | 4.7% |
| TRADE IN GOODS, BALANCE (% of GDP) | -13.2% | -13.9% | -14.3% | ||
| EXPORTS | 14,491 | 15,510 | 17,625 | 7.0% | 13.6% |
| IMPORTS | 29,169 | 31,883 | 34,763 | 9.3% | 9.0% |
| TRADE IN SERVICES, BALANCE (US$M) | 3,673 | 2,995 | 2,814 | -18.5% | -6.0% |
| TRADE IN SERVICES, BALANCE (% of GDP) | 3.3% | 2.5% | 2.4% | ||
| EXPORTS | 12,444 | 12,151 | 12,786 | -2.4% | 5.2% |
| IMPORTS | 8,771 | 9,156 | 9,972 | 4.4% | 8.9% |
| B. INCOME BALANCE | |||||
| TOTAL INCOME | 7,882 | 8,246 | 8,661 | 4.6% | 5.0% |
| PRIMARY INCOME, BALANCE (US$M) | 277 | 517 | 756 | 86.6% | 46.2% |
| PRIMARY INCOME, BALANCE (% of GDP) | 0.2% | 0.4% | 0.6% | ||
| RECEIPTS | 4,231 | 4,599 | 3,980 | 8.7% | -13.5% |
| PAYMENTS | 3,954 | 4,082 | 3,224 | 3.2% | -21.0% |
| SECONDARY INCOME BALANCE (US$M) | 7,605 | 7,729 | 7,905 | 1.6% | 2.3% |
| SECONDARY INCOME, BALANCE (% of GDP) | 6.8% | 6.6% | 6.6% | ||
| RECEIPTS | 7,844 | 7,978 | 8,227 | 1.7% | 3.1% |
| PAYMENTS | 239 | 249 | 322 | 4.2% | 29.3% |

