NAGMUNGKAHI si Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo ng mga hakbang upang mabawasan ang mga pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang pagpapanatiling handa at nasa Senado ang mga testigong inaasahang haharap sa loob ng isang linggo.
Ayon kay Lacson, makatutulong ito upang lubos na magamit ang limitadong oras ng pagdinig ng Impeachment Court, habang iginagalang ang karapatan ng Bise Presidente sa isang mabilis na paglilitis nang hindi isinasakripisyo ang integridad ng proseso.
“Isa nga sa sinuggest ko, i-line up ng defense o prosecution para sa isang linggo (na witnesses), dapat nandiyan sa holding room para kung matapos kami ng maaga sa isang testigo, hindi masayang ang araw,” aniya sa panayam sa DZBB radio.
“Hindi pamadaliin para ma-compromise ang pag-present ng ebidensya, pero madaliin natin in such a way na huwag tayo magsayang ng araw,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacson na maagang natapos ang pagdinig noong nakaraang Miyerkules dahil wala pa sa Senado ang susunod na testigo, si NBI Regional Director Jeremy Lotoc. Aniya, kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo ng paglilitis na halos isang testigo lamang kada linggo, maaari itong umabot hanggang sa panahon ng Pasko at higit pa.
Dagdag niya na bukas si Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis Escudero sa naturang mungkahi.
“VP Duterte is also entitled just like any respondent in an ordinary court hearing sa speedy trial. So dapat mag-devise din kami ng pamamaraan para mapabilis,” ani Lacson.
Samantala, sinabi ni Lacson na maaari ring pag-usapan ng mga senator-judge sa caucus ngayong linggo ang hangganan ng kanilang pagtatanong sa paglilitis, lalo na ang mga tanong na nakatuon sa kapwa senator-judge. Aniya, may isang palitan ng pagtatanong na umabot ng hindi bababa sa isang oras, sa unang araw pa lang ng trial.
Aniya, maaaring pag-usapan at resolbahin ng mga senator-judge sa kanilang hanay ang anumang umano’y mga hindi angkop na kilos ng kanilang mga kasamahan, sa halip na ang Impeachment Court spokesperson na si Reginald Tongol ang hayagang sumita sa kanila.
Dagdag pa ni Lacson, mas angkop kung idaraan ni Tongol ang anumang paalala sa presiding officer o sa Senate President, sa halip na hayagang pagsabihan ang mga senator-judge.
“Analogy ko doon, hindi ko maimagine si Supreme Court spokesperson Camille Ting pagsabihan ng SC justices na basahin ang Rules of Court. Kaya ako nag-react at sana huwag na maulit yan. Kung may alleged indiscretions or kapabayaan ng individual senator-judges, pwede naming pagusapan sa caucus. O spokesperson remind niya ang presiding officer o SP na baka pwedeng masabihan ang kapwa senator-judge. Pero para manggaling sa kanya, sa akin hindi magandang pangitain,” aniya.
Sa kabilang banda, sinabi ni Lacson na hindi magpapadala sa mga batikos sa social media ang Impeachment Court, dahil hindi nito maaaring mapalugdan ang lahat.
“Sabi ko nga, hindi mo naman masa-satisfy lahat. May lalabas at may lalabas na pagbatikos, pagtatawanan, kung ano pa. Pero kami para di ma-distract sa minor issue na ganoon. Itutuloy lang namin ang trial at kung anong nakita naming fit na matuloy at maging maayos ang takbo ng trial,” aniya.
Threshold ng pagboto
Samantala, nagpahayag si Lacson ng pag-asang maaagapan ang pagresolba sa usapin ng kinakailangang threshold ng boto upang mahatulan ang Bise Presidente, bago matapos ang impeachment trial.
Aniya, magiging magulo kung makapaglalabas na ng desisyon ang Impeachment Court ngunit mababaligtad lamang ito ng Korte Suprema dahil sa grave abuse of discretion.
Nagbigay si Lacson ng halimbawa ng isang sitwasyon kung saan maaaring magpasya ang Impeachment Court na gumamit ng mas mababang batayang bilang para sa kinakailangang two-thirds na boto, kaya’t magiging sapat ang 14 na boto upang mahatulan ang Bise Presidente, ngunit kalaunan ay babaligtarin ito ng Korte Suprema dahil sa grave abuse of discretion.
“So mas mainam this early maresolve ang issue ng threshold na 2/3 at meron agad mag-bring up sa SC para mas maaga habang nagta-trial di pa kami nagdedecision ng conviction or acquittal based on the number e malinaw na sa amin ano ang threshold… At least guided kami,” aniya.

