29.3 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

May kaakibat na kuwento ang bawat pagkakasakit: Ang ‘Panitikan at Lunas’ sa UST Paz Latorena Memorial Lecture

- Advertisement -
- Advertisement -

NAANYAYAHAN ako ng University of Santo Tomas (UST) na maging tagapagsalita para sa kanilang taunang pagdaraos ng Paz Latorena Memorial Lecture. Ito’y bilang pag-alala sa naging kontribusyon ng manunulat na si Paz Latorena sa panitikang pambansa. Pinangunahan ito ng dalawang kagawaran ng UST Faculty of Arts and Letters: ang Department of Literature (na pinamumunuan ni Dr. Allan Dave Arboleda) at ang Department of Creative Writing (na pinamumunuan naman ni Dr. Joselito Delos Reyes). Kaagapay nila sa aktibidad na ito ang UST Literary Society at ang UST MaKatha Writers Circle.

Ang tuon ng 2026 Paz Latorena Memorial Lecture ay ang interseksiyon ng ‘Panitikan at Lunas’

Nang pinansin ko na hiwalay pala ang Department of Literature sa Department of Creative Writing, ipinaliwanag sa akin ni Dr. John Jack Wigley, isang kilalang book author at propesor sa Pamantasan, na ang UST lamang sa buong Pilipinas (so far) ang may sariling departmento na nakalaan para sa Creative Writing. Sa ibang malalaking pamantasan sa bansa (kabilang na ang UP), ang Creative Writing ay nasa ilalim ng Literature Department o ng alin mang course department. Bakas ang pagmamalaki sa tinig ni Dr. Wigley.

Napagigitnaan si Dr. Gatmaitan nina Dr. Joselito Delos Reyes (Tagapangulo ng UST Department of Creative Writing) at Dr. Allen Dave Arboleda (Tagapangulo ng UST Department of Literature)

Panitikan at Lunas. Gayon ang paksang ibinigay nila sa akin para sa naturang lektura. Malaya akong talakayin ang anumang ugnayang namamagitan sa Panitikan at Medisina. Bilang manggagamot na aktibong nagsusulat ng panitikan (maikling kuwentong pambata, personal na sanaysay, nobela), nais nilang malaman kung paano nagtatagpo at nagiging kapaki-pakinabang sa isa’t isa ang dalawang magkaibang disiplina. Kailangan bang bitawan ang isa upang mapagyaman ang isa pa? O maaari namang pagsabayin at balansihin ang dawalang ito?

Ang may akda ng kolum na ito na si Dr. Luis Gatmaitan,sa kanyang lekturang ‘Panitikan at Lunas’ para sa Paz Latorena Memorial Lecture

Sa aking paghahanda para sa lektura, lalo kong napagtanto na hindi naman pala gaanong magkalayo ang panitikan at medisina. Bilang manggagamot, mataman akong nakikinig sa kuwento ng mga pasyente kaugnay sa kanilang pagkakasakit at paghilom mula sa sakit. Bilang manunulat naman, nakikinig din ako sa mga kuwento ng iba’t ibang tao at sinusubukang bigyan ang mga ito ng kahulugan sa pamamagitan ng pagsusulat.

Paano nga ba pinagbibigkis ang Panitikan at Panggagamot?

Sa parehong larangan, mahalaga ang kakayahang makinig nang may malasakit. Bago makapagbigay ng lunas ang isang doktor, kailangan muna niyang maunawaan ang mga sintoma at pinagdaraanan ng pasyente. Ganoon din ang isang manunulat. Bago makalikha ng makabuluhang akda, kailangan muna niyang maunawaan ang puso at karanasan ng tao. Ang karamdaman ay hindi lamang tungkol sa diagnosis o pagtingin sa resulta ng laboratoryo at X-ray. May kaakibat na kuwento ang bawat pagkakasakit. Kapag natutunan ng manggagamot na pakinggan ang mga kuwentong ito, mas nagiging makatao at mas epektibo ang kanyang panggagamot.

Kasama ng inyong lingkod ang dalawang batikang manunulat ng UST: sina Dr. Joselito ‘Jowie’ Delos Reyes at Dr. John Jack Wigley.

Aaminin kong hindi ko masyadong kilala si Paz Latorena. Kailangan kong manaliksik tungkol sa buhay niya at sa mga akdang nasulat niya. Hindi yata makatwirang magde-deliver ako ng memorial lecture alay sa isang taong hindi ko naman kilala. At ito ang ilang bagay na nalaman ko tungkol sa taong pinag-aalayan ng aking lektura. Tubong-Boac, Marinduque,  kabilang si Paz Latorena sa unang henerasyon ng mga Pilipinong nagsulat sa wikang Ingles. Isa siyang makata, kuwentista, editor, awtor, at guro.

Pagpaparangal sa nagwagi sa On-the-Spot Essay Writing Contest kaugnay sa pagdiriwang ng Paz Latorena Memorial Lecture

Kumuha siya ng kursong Education sa University of the Philippines kung saan siya nag-aral ng pagsusulat ng maikling kuwento sa ilalim ni Paz Márquez-Benítez, ang may-akda ng klasikong kuwentong “Dead Stars.” Noong 1927, kasama ang iba pang kabataang manunulat, tumulong siyang itatag ang UP Writers’ Club. Sa huling taon niya sa kolehiyo ay lumipat siya sa UST upang tapusin ang kanyang degree sa Education. Dito ay naging literary editor siya ng Varsitarian. Kalaunan ay nagtamo siya ng masterado at doktorado habang nagtuturo ng panitikan sa UST.

Kasama ng inyong lingkod ang ilang mga opisyal at guro ng UST Faculty of Arts and Letters (Dept of Creative Writing at Dept of Literature)

Hindi lamang siya mahusay na manunulat kundi mahusay ding guro. Kabilang sa kanyang mga naging estudyante ang ilan sa mga haligi ng panitikang Pilipino tulad nina F. Sionil Jose (na naging Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan), Genoveva Edroza-Matute, Ophelia Dimalanta, Eugenia Duran Apostol, Zenaida Amador, Alice Colet-Villadolid, at iba pa. Isa itong patunay na ang impluwensiya niya ay hindi lamang nasusukat sa mga akdang kanyang naisulat kundi maging sa mga manunulat na kanyang nahubog.

Isang karangalang magpugay sa alaala ng isang iginagalang na kamanunulat sa pamamagitan ng isang panayam (lektura)

Matapos ang lektura, habang kami’y kumakain kasama ang mga butihing guro ng dalawang departamentong nagtampok sa Paz Latorena Memorial Lecture, gaya nang inaasaha’y naging sentro ng aming kuwentuhan si Paz Latorena. Ayon sa kanila, doon inabutan ng kamatayan si Latorena sa loob mismo ng silid-aralan sa UST habang nagpo-proctor ng eksaminasyon. Napaka-dedicated daw nito sa kanyang pagtuturo ng panitikan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.

Napag-usapan namin ang dalawa niyang mahalagang akda na umagaw ng aming pansin. Una ay ang “The Small Key,” kung saan tampok ang tauhang si Soledad, ang pangalawang asawa ni Pedro. May isang maliit na baul na naglalaman ng mga alaala at gamit ng unang asawa ni Pedro na yumao na. Mahigpit na ipinagbabawal ni Pedro kay Soledad na buksan ang baul kaya’t palagi niyang dala ang susi nito. Ngunit isang araw ay naiwan niya ang susi sa kanyang damit. Dahil sa selos at pag-usisa, binuksan ni Soledad ang baul at kalaunan ay sinunog ang mga laman nito (mga bagay na pag-aari ng naunang asawa). Ang kanyang ginawa ay nagdulot ng matinding pagsubok sa kanilang pagsasama. Hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin ng mga mambabasa kung tama ba o mali ang naging pasya ni Soledad.

Pangalawa ay ang kuwentong “Desire.” Tungkol ito sa isang babaeng naghahangad na mahalin dahil sa kanyang pagkatao at hindi lamang dahil sa kanyang pisikal na anyo. Bagama’t hindi siya pinagpala sa kagandahan ng mukha ayon sa pamantayan ng lipunan, taglay naman niya ang isang kaakit-akit na katawan na pinagnanasaan ng maraming lalaki. (Sa kasalukuyang panahon, “hipon” kung ilarawan ang tauhang kagaya nang nilikha ni Latorena). Dahil dito, naging mahirap para sa tauhang ito na makatagpo ng pag-ibig na tunay at tapat. Ang paghahanap ng pagtanggap at pagmamahal ay nananatiling makabuluhang tema hanggang sa kasalukuyan.

Bakit nananatiling mahalaga ang panitikan sa anumang panahon? Ito’y sapagkat isa itong mabisang kasangkapan upang maunawaan natin ang ating sarili at ang ating kapwa. Sa pamamagitan ng mga tauhang nilikha ng mga manunulat tulad ni Paz Latorena, nakikita natin ang mga damdaming minsan ay hindi natin maipahayag sa sariling buhay. O kaya’y nananalamin tayo sa mga damdaming inihahayag ng mga tauhang ating binabasa. Ang selos na naramdaman ni Soledad sa “The Small Key”, at ang pananabik ng pangunahing babaeng  tauhan sa “Desire” na mahalin nang totoo, ay mga damdaming patuloy na nararanasan ng tao hanggang ngayon. Nagbabago man ang panahon, hindi nagbabago ang mga pangunahing emosyon ng tao—pag-ibig, pangungulila, takot, at pag-asa.

Isa rin sa mga kahanga-hangang ambag ni Paz Latorena ay ang pagbibigay niya ng tinig sa mga kababaihan sa panahong hindi pa ganoon karami ang kinikilalang babaeng manunulat sa bansa. Sa kanyang mga kuwento, ang mga babae ay hindi lamang mga tauhang nasa gilid o laylayan ng salaysay. Sila ang sentro: may may sariling pag-iisip, pangarap, at mga pasyang humuhubog sa kanilang kapalaran. Dahil dito, patuloy na pinag-aaralan ang kanyang mga akda sa mga klase sa panitikan at maging sa mga pag-aaral hinggil sa kababaihan (feminist studies).

Salamat, Paz Latorena, sa iyong mga pamanang kuwento. Hindi ito naluluma. Patuloy na pinag-uusapan at pinagdedebatehan ng maraming propesor at estudyante ng panitikan ang mga piniling tahakin ng iyong mga tauhan. Nangungusap pa rin ang iyong mga akda sa kasalukuyang panahon kahit napakatagal na nitong naisulat at nailathala.

At marahil, ito rin ang pinakamahalagang bagay na aking baon mula sa Paz Latorena Memorial Lecture – na ang ‘panitikan’ at ‘lunas’ ay parehong nakaugat sa malasakit sa tao. Ang isa ay nagpapagaling ng pisikal na katawan, samantalang ang isa naman ay maaaring maghilom ng isip, damdamin, at kaluluwa. Kapag pinagsama ang dalawang ito, mas nagiging buo ang ating pag-unawa sa pagiging tao. At sa isang mundong hindi nawawalan ng sugat—pisikal man o emosyonal—ang isang kuwento ay maaari ring magsilbing isang uri ng lunas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -