TATLONG araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr., nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na magkaisa ang bansa sa isang “national agenda” na tutugon sa mga problemang na kinakaharap ng mga Pilipino.
Sa kanyang online broadcast nitong July 24, 2026, sinabi ni Cayetano na panahon na upang pagtuunan ng pansin ang mga isyung direktang nararamdaman ng mga mamamayan at hindi ang bangayan sa politika.
“I heard from some host of a news channel na ‘SONA vs Sana.’ What do you think SANA should mean? [For me, it’s] Stewarding A National Agenda. [It] means nag-a-agree tayo as a nation. Y’un ang agenda,” wika niya.
Ayon sa senador, dapat nakatuon ang national agenda sa mga problemang pare-parehong kinakaharap ng mga Pilipino, anuman ang kanilang paniniwala o kinabibilangang partido. Kabilang dito ang pagpapababa ng singil sa kuryente at gastusin sa pamumuhay.
Inihayag din ni Cayetano na maghahain ang Senate Minority Bloc ng kanilang tugon sa SONA ng Pangulo. Hinikayat niya ang publiko na magbigay ng mga isyung nais nilang talakayin sa magiging Kontra-SONA ng minorya.
“Trabaho ng minority leader sa Senado, o anyone sa opposition, ay magbigay ng ‘kontra-SONA,’” sabi ni Cayetano.
“But I want to crowdsource it. Napakarami niyo na rin na bahagi ng aking Facebook page. Ano ang mga dapat nating pag-usapan sa ‘kontra-SONA?’,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Cayetano na mahalagang bahagi ng isang national agenda ang accountability ng mga opisyal ng gobyerno.
“Trabaho ko rin [is to] hold everyone, including myself and people close to me, accountable. And fight for a national agenda,” sabi ng senador.
Binigyang diin niya na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa disiplina at tamang pag-uugali kahit walang nagbabantay.
“Ang nangyayari sa atin, ‘pag walang bantay, bahala na. Pero ‘pag may bantay, susunod tayo. Dapat kahit walang nakatingin, tama y’ung ating ginagawa,” sabi niya.
Umaasa si Cayetano na makakamit ang tunay na pagbabago kung magtutulungan ang mga Pilipino at magtutuon sa mga layuning makabubuti para sa buong bansa.
“We all pray for a nation that is transformed… napakaraming options na ating kailangan gawin at atupagin or bigyan ng pansin,” sabi ni Cayetano.

