26.6 C
Manila
Linggo, Hulyo 26, 2026

Estado ng bansa ayon sa mga ulat ngayong 2026

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling bahagi

MARAMING ulat na ang ating nabasa at napakinig tungkol sa ekonomiya, employment rate, mga reporma ng pamahalaan at iba pa ngayong 2026. Narito ang ilan sa mga nakalap ng Pinoy Peryodiko.

Ekonomiya ng bansa

Ibinaba ng International Monetary Fund (IMF) ang forecast nito sa ekonomiya ng Pilipinas na aangat lamang ng 3.9 porsyento mula sa naunang taya nitong 4.1 porsyento sa unang bahagi ng taon.


Ayon pa sa talaan na nakapaloob sa World Economic Outlook ng IMF, tataas ng 5.5 porsyento ang ekonomiya sa taong 2027. Gayunman, mas mababa pa rin ito sa itinaas ng ekonomiya ng taong 2024 na nasa 5.7 porysento.

Malaking sanhi ng pagbaba ng ekonomiya ang paghihigpit at pagbabago ng badyet para sa mga ipinapatayong imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa kontrobersya ng mga flood-control project.

Ang paggasta para sa mga imprastraktura ang isa sa mahahalagang istratehiya ng pamahalaan para palakasin ang ekonomiya.

Sa ulat ng The Manila Times , sinabi ritong inaasahan ng Development Budget Coordination Committee na mas mabibilis ang ekonomiya pagdating ng 2027 hanggang 2028.

- Advertisement -

Nauna rito, inihayag ni  Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan nito ring nakaraang Hunyo na ang pinababa ang gross domestic product (GDP) growth goal ngayong taon sa 3.5-4.5 porsyento mula sa 5.0-6.0 porsyento.

“The current macroeconomic conditions and geopolitical developments have increasingly undermined the credibility and relevance of the growth targets and fiscal projections,” pahayag ni Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon sa isang national budget memorandum.

Mas mababa ang target ngayong 2026 kaysa sa updated goal para sa 2027 na 5.5-6.5 percent at 6.0-7.0 percent para sa 2028 na sinabi ng DBCC noong nakaraang Disyembre. Mas mababa rin ang mga ito kumpara sa 6.0-8.0 percent matapos madiskubre ang malaking iskandalo ng flood-control project.

“The issues surrounding alleged anomalies in flood control projects last year and, more recently, the conflict involving the United States, Israel and Iran made a drastic impact on the country’s macroeconomic fundamentals,” ayon kay De Leon.

Kung kaya, ayon pa sa opisyal, hindi maabot ng pamahalaan ang mga revenue target, mas mapalakas ang ekonomiya, solusyunan ang mga mahahalagang development gap at makita ang kinalabasan ng mga nakaraang structural reforms at poverty reduction efforts.

Pagbaba ng employment rate

- Advertisement -

Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 12.2 porsyento noong Mayo 2026 ang underemployment rate ng bansa, ngunit tumaas ang unemployment rate mula sa 3.9 porsyento noong Mayo 2025 sa tinatayang 4.8 porsyento ng Mayo 2026.

Sa parehong buwan, bumaba rin ang labor force participation rate mula sa 65.8 na naging 63.8  at employment rate na 96.1 na naging 95.2.

Nakalagay sa talaan ng PSA na mga pagtataya pa lamang ang rekord nito sa taong 2026 at maaari pang magbago, samantalang pinal na ang sa 2025.

Tuloy ang reporma

Tiniyak ni Pangulong Marcos nitong nakaraang Hulyo 22 ang matatag na paninindigan ng kanyang administrasyon na ipagpatuloy ang mga repormang magpapabuti sa buhay ng bawat Pilipino, magpapalakas sa ekonomiya, at titiyak na walang komunidad ang maiiwan sa pag-unlad.

Inihayag nya ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa paglulunsad ng Bawat Bayan Makikinabang at National Government–Bangsamoro Government Convergence Program sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Hinikayat din ng Pangulo ang mga Pilipino na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng kalusugan, kabuhayan, at patuloy na pag-unlad ng kanilang mga komunidad.

Tampok sa programa ang paglulunsad ng National Government–Bangsamoro Government Convergence Program, kung saan isinagawa ang simbolikong turnover ng humigit-kumulang P3.4 bilyong halaga ng mga proyekto at tulong na magpapalakas sa ugnayan ng pambansang pamahalaan at ng Bangsamoro Government, magpapahusay sa paghahatid ng serbisyo, at magsusulong ng inklusibong kaunlaran sa BARMM, ayon sa pahayag ng Palasyo.

20 pesos kada kilo ng bigas

Kabilang sa ipinangako ni Pangulong Marcos sa panahon ng kanyang kampanya ang pagpapababa sa halaga ng bigas sa halagang P20 kada kilo.

Bagama’t umaabot sa mahigit isang libong piso kada 25-kg na sako ang magandang klase  ng bigas sa pamilihan, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigit 12 milyong Pilipino na ang nakinabang sa Php20 kilo ng bigas.

Ito ay sa pamamagitan ng “Benteng Bigas, Meron Na!” na flagship program ng Department of Agriculture.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mas pinalawak pa ng pamahalaan ang programa at mabibili na ang P20 kada kilo ng bigas sa may 800 tindahan sa buong bansa.

Target ng Department of Agriculture (DA) na madagdagan ito sa 1,500 outlet bago matapos ang taon upang mailapit ang abot-kaya at de-kalidad na bigas sa mas maraming pamilyang Pilipino, kasabay ng patuloy na pagsuporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.

“Ang target natin ay yung mga lower income lalo na ang mga PWD, 4Ps, single parents at seniors. Target natin is 15 million households,” ani Secretary Tiu Laurel.

Sa kasalukuyan, nasa 15,000 hanggang 20,000 metriko tonelada ng PhP20 na bigas ang ipinamamahagi bawat buwan, ayon sa pahayag ng Malakanyang.

Layunin ng DA na madoble ito sa 40,000 metriko tonelada kada buwan pagsapit ng Disyembre upang mas maraming pamilyang Pilipino ang makinabang sa murang bigas.

Sa kabila ng epekto ng El Niño, tiniyak ng DA sa publiko na nananatiling matatag ang suplay ng pagkain sa bansa at binigyang-diin na walang dapat ikabahala dahil patuloy na nagpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain.

“Marami naman tayong supply, ample, walang cause for any alarm, we are food secure,” sabi pa ni Tiu Laurel.

Bukod sa pagpapababa ng presyo ng bigas, nagbibigay rin ang programa ng matatag na pamilihan para sa lokal na ani ng palay, na nakatutulong upang mas kumita ang mga magsasaka habang nakikinabang naman ang mga mamimili sa mas mababang presyo ng pagkain.

“Masayang-masaya ang farmers, nakakatulong talaga sa kanilang kabuhayan,” dagdag ni Tiu Laurel.

Patuloy namang namumuhunan ang DA sa mga pangmatagalang programa tulad ng solar-powered irrigation systems, farm-to-market roads, pautang sa agrikultura sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), mga programang nagpapalakas sa kakayahan ng mga magsasaka at mangingisda laban sa epekto ng climate change, at mga hakbang upang maiwasan ang fish kill sa panahon ng tag-init at epekto ng climate change.

Pinalalakas din ng DA ang pamumuhunan sa imprastraktura sa pamamagitan ng public-private partnerships, kabilang ang target na pagtatayo ng 10,000 kilometro ng farm-to-market roads sa loob ng dalawang taon at isinusulong ang pagtatayo ng unang tatlong mega hatcheries sa bansa upang mapataas ang produksiyon sa aquaculture at mapabuti ang kabuhayan ng mga komunidad ng mangingisda.

Kasabay nito, itinutulak din ng DA ang mga reporma upang makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa mga pasilidad para sa rice milling, pagpapatuyo, at imbakan ng palay, na magpapalakas sa lokal na industriya ng bigas, magpapababa sa pagdepende sa imported na bigas, at lilikha ng mas maraming oportunidad para sa mga magsasakang Pilipino sa pangmatagalan.

Para kay Secretary Tiu Laurel, hindi lamang pagpapataas ng produksiyon ang layunin ng kagawaran kundi ang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda na magkaroon ng matatag at napapanatiling kabuhayan.

“Tanging hangad ko ay kumita ‘yung ating mga farmers and fisherfolks. While in office, one of my main missions is to create the atmosphere and give them the infrastructure for them to be able to make money,” dagdag ng Kalihim.

Hinikayat din ng Kalihim ang iba’t ibang sektor na patuloy na makipagtulungan sa pamahalaan upang higit pang mapaunlad ang sistema ng pagkain sa bansa.

“Kung meron kayong gustong paratingin at mga ideas, it is very welcome and we have an open structure. Ang utos po ng Pangulo ay tutukan nang maayos ang agrikultura, hopefully maayos namin lahat ng mga problema ninyo,” ani Tiu Laurel.

Pinatibay ang alyansa sa US

Pinaigting ng Pilipinas ang pakikipag-alyansa sa US ilang araw matapos ang tensyon sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Navy at China Coast Guard sa karagatang malapit sa Ayungin shoal, isang teritoryo ng Pilipinas na inaangkin ng China.

Nito lamang Hulyo 22, nagkasundo sina Pangulong Marcos at US Secretary of State Marco Rubio na palakasin pa ang kolaborasyon ng Pilipinas at US upang matugunan ang mga kasalukuyan at paparating na mga pagsubok na kanilang kinakaharap.

Sa isang pahayag ng Malakanyang, sinabi ng Pangulo ang kanyang kasiyahan sa suporta nina US President Donald Trump at Secretary Rubio para sa partnership na ito ng Pilipinas at US.

Nag-courtesy call sa Pangulo si Rubio na nasa Manila para makibahagi sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) Foreign Ministers” Meetings and Related Meetings.

Kabilang sa mga napag-usapan ng dalawa bilang areas of cooperation ang enerhiya, seguridad sa pagkain, bago at emerging technologies gaya ng artificial intelligence (AI), defense and security, at economic cooperation.

Ayon pa sa Pangulo, ipagpapatuloy pa ng Pilipinas at US ang alyansa lalo na sa pagtugon sa mga isyu gaya ng kapayapaan at katahimikan sa Indo_pacific, kalakalan at pagnenegosyo, at disaster response.

“This is a country that has deep ties with the United States for many, many years. And it’s a partnership that is only growing. And in light of recent events, I think more important than ever,” ayon sa opisyal ng US. “And so we’re glad to be with you here today and to reaffirm that relationship and our commitment to the U.S.-Philippines relationship,” dagdag pa nya.

Nitong Hulyo 20 lamang, nagkaroon muli ng girian ang mga tauhan ng China Coast Guard at Philippine Navy na nagdulot ng pagkakasugat sa dalawang Pilipinong sundalo.

Sinita, base sa pinapairal na rules of engagement, ng mga Pilipinong Navy ang mga Tsino na ilegal na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas at nagmamatyag sa may Ayungin shoal malapit sa BRP Sierra Madre.

Sa halip na umalis, binatuta ang mga tauhan ng Philippine Navy ng mga tauhan ng China Coast Guard.

Nagtamo ng sugat sa ulo at kamay ang dalawa sa mga myembro ng Philippine Navy.

Mariin itong kinondena ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -