PATULOY na pinalalakas ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang digital infrastructure ng bansa upang mapahusay ang cybersecurity at makapagbigay ng mas mabilis at mas ligtas na digital services sa mga Pilipino.

Dahil dito, bumisita si Pangulong Marcos sa Angeles Data Center sa Angeles City, Pampanga, isang ultra-secure at mataas ang kalidad na data facility na makatutulong sa pagpapalakas ng digital infrastructure ng bansa.
Ang 12-megawatt na pasilidad ay idinisenyo upang suportahan ang high-performance computing, kabilang ang artificial intelligence (AI), at magamit ng mga bangko, financial institutions, malalaking negosyo, at mga ahensya ng pamahalaan.
Nauna nang nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 119 na nag-a-update sa mga patakaran ng pamahalaan sa digital transactions.
Layunin nitong palakasin ang cybersecurity at tiyakin ang ligtas na digital transformation ng gobyerno sa pamamagitan ng malinaw na mga patakaran sa data classification, data residency, at cross-border data transfers.
“Building a secure digital government requires robust infrastructure right here on Philippine soil. Facilities like this ensure that sensitive citizen data remains protected under Philippine law while allowing us to deliver faster, safer, digital services to our people,” ayon sa Pangulo.
(Ang pagbuo ng isang ligtas na digital na pamahalaan ay nangangailangan ng matatag na imprastraktura dito mismo sa Pilipinas. Ang mga pasilidad na tulad nito ay titiyak na mananatiling protektado sa ilalim ng batas ng Pilipinas ang sensitibong datos ng mamamayan habang naibibigay ang mas mabilis at mas ligtas na digital services sa ating mga kababayan.)
Sinabi naman ni Converge CEO at co-founder Dennis Uy na mahalagang hakbang ang EO 119 para sa digital infrastructure ng pamahalaan.
“EO 119 marks a defining moment for the digital backbone of our government,” said Dennis Uy, Converge CEO and co-founder. “We built this data center and our entire national digital infrastructure for this exact purpose to meet the strict demands of highly regulated sectors where absolute control over data is non-negotiable.”
(Ang EO 119 ay isang mahalagang yugto para sa digital backbone ng ating pamahalaan. Itinayo namin ang data center na ito at ang aming pambansang digital infrastructure upang matugunan ang mahigpit na pangangailangan ng mga sektor na nangangailangan ng ganap na proteksyon at kontrol sa datos.)
Pinuri rin ni Uy si Pangulong Marcos sa pagsusulong ng naturang polisiya na aniya ay magpapalakas sa digital development ng bansa at makahihikayat ng mas maraming pamumuhunan sa data center sector.
Sa pag-iimbak ng data sa loob ng bansa, mababawasan ang panganib sa cybersecurity, masisiguro ang tuloy-tuloy na koneksyon sa internet, at mapoprotektahan ang mahahalagang datos ng mga mamamayan sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Kasama ni Pangulong Marcos sa pagbisita si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda at iba pang mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan.lPND

