MARIING pinabulaanan ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ang ulat ng China Coast Guard (CCG) na kanilang naagaw ang Sandy Cay, isang grupo ng sandbar sa loob ng pinagtatalunang bahagi ng South China Sea na kilala bilang West Philippine Sea.

Ayon sa National Security Council at iba pang mga ahensya ng gobyerno, ang ulat ay walang katotohanan at itinuturing na bahagi ng estratehiya ng China upang manakot, manggulo, at palakasin ang kanilang maling pag-aangkin.
Ano ang Sandy Cay?
Ang Sandy Cay ay isang grupo ng maliliit na sandbar o buhanging bahura na matatagpuan sa loob ng West Philippine Sea, partikular sa paligid ng Pag-asa Island, na bahagi ng Kalayaan Island Group (Spratly Islands).
Ang Sandy Cay ay nasa apat na nautical miles (7.4 kilometro) lamang ang layo mula sa Pag-asa Island, na kontrolado at aktwal na tinitirhan ng mga Pilipino.
Hindi ito isang permanenteng isla — isa itong bahura na lumilitaw lamang kapag low tide (hindi palaging kita sa ibabaw ng dagat). Tradisyonal itong ginagamit ng mga mangingisda bilang pahingahan habang nasa laot, kung kaya’t mahalaga ito sa usapin ng soberanya ng Pilipinas dahil bahagi ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Walang katotohanan — ayon sa Palasyo
Sa isang press briefing noong Lunes, tahasang itinanggi ni Jonathan Malaya, tagapagsalita ng National Security Council, ang pag-angkin ng China sa Sandy Cay.
“Walang kahit anong katotohanan sa pahayag ng China Coast Guard na naagaw nila ang Sandy Cay sandbanks,” ayon kay Malaya.
Dagdag pa niya, ginagamit ng China ang “information space” o ang larangan ng impormasyon tulad ng social media at state-run media upang “manakot at mangharas” ng mga Pilipino. Tinawag niya ang ulat bilang isang imbentong kwento na “walang ingat na ipinakalat.”
Kinumpirma rin ng Presidential Communications Office (PCO) sa pamamagitan ni Undersecretary Claire Castro, na base sa ulat ni Malaya, nagkaroon ng lehitimong pagbisita sa Sandy Cay ang mga awtoridad ng Pilipinas noong Abril 27 — isang araw matapos ang sinasabing paglapag ng China Coast Guard.
“Isang team mula sa Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at PNP-Maritime Group ang nagtungo sa Sandy Cay bilang bahagi ng isang rutinado at lehitimong operasyon sa ating sariling karagatan,” ani Castro.
“Ganap nilang naisakatuparan ang operasyon at matibay ang kanilang pahayag na hindi ito totoo na nasakop ng China ang Sandy Cay.”
Isang pekeng distraction?
Ayon naman kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, may mas malalim na motibo ang China.
Ang sinasabing pagkuha ng China sa Sandy Cay ay isang tangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga alegasyon ng paniniktik ng mga Chinese spies sa Pilipinas at ang umano’y troll farm na tinustusan ng Chinese Embassy sa Maynila noong 2023 upang makialam sa midterm elections,” pahayag ni Trinidad.
Pagpapakita ng bandila: Sagutan sa imahe
Isang larawan ng apat na miyembro ng China Coast Guard, na nakataas ang watawat ng Tsina sa puting buhangin ng Sandy Cay, ang inilabas ng CCTV, ang pangunahing istasyon ng gobyerno ng China. Tinawag itong “panata ng soberanya.”
Bilang tugon, naglabas naman ng larawan ang Philippine Coast Guard na nagpapakita ng mga sundalong Pilipino na nagwagayway rin ng watawat ng Pilipinas sa parehong lugar — isang araw matapos ang paglaladlad ng watawat ng China.
Walang indikasyon sa ngayon na may permanenteng presensya o estrukturang itinayo ang China sa lugar.
Opisyal na pahayag ng China
Iginiit ni Guo Jiakon, spokesperson ng China na ang Sandy Cay ay bahagi ng teritoryo ng China at ang kanilang kilos ay bahagi ng proteksyon ng karapatan at pagpapatupad ng batas.
Layunin nito na kontrahin ang ilegal na paglapag at iba pang kilos ng Pilipinas na paglabag at tiyaking maipagtanggol ang pambansang teritoryal na soberanya.
Babala ng Eksperto: Paghahanda sa Mas Matinding Aksyon?
Ayon kay Ray Powell, isang retiradong kolonel ng US Air Force at direktor ng Sealight, isang transparency initiative na nagmo-monitor sa mga kaganapan sa South China Sea:
“Matagal nang may interes ang Tsina sa Sandy Cay kaya’t hindi nakakagulat ang kanilang pagpapakita ng bandila doon.”
“Maaaring ginagamit nila ang pagkolekta ng basura o debris mula sa bahura bilang video evidence ng umano’y ilegal na aktibidad ng Pilipinas, upang bigyang-katwiran ang mas matinding aksyon sa hinaharap at posibleng naghahanda sila na magtayo ng semi-permanenteng kampo roon.”
Dagdag ni Powell, kung tuluyang magtatayo ng permanenteng presensya ang Tsina sa Sandy Cay, ito ay magiging tahasang paglabag sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) — isang kasunduang nagpapagbawal sa mga bansang kasapi ng ASEAN at Tsina na okupahan ang mga bahura na walang laman bago ang 2002.
“Kung maglalagay sila ng tropa doon, kakailanganin nilang gumawa ng dahilan kung bakit hindi ito paglabag sa DOC. Malamang ipapakita nila ito bilang hakbang para ‘protektahan’ ang lugar mula sa Pilipinas.”
Pananaw ng mga Mambabatas
Mariin ang paninindigan ni House Speaker Martin Romualdez, na nagsabing ang Sandy Cay, na nasa loob lamang ng apat na nautical miles mula sa Pag-asa Island, ay malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. “Ang mga ginagawa ng Tsina ay desperado at murang pakulo upang linlangin ang publiko at palakasin ang kanilang mga pekeng pag-aangkin” ani Romualdez.
Si Senadora Risa Hontiveros ay umaasang kikilos ang Department of Foreign Affairs (DFA). Aniya, “Nagtitiwala akong maghahain ng diplomatic protest ang DFA, at na magsasagawa ang Philippine Coast Guard ng mas maraming pinagsamang pagpapatrolya sa lugar.”
“Dapat kumilos ang gobyerno upang protektahan ang ating karapatan. Kung hindi, baka pati ang presensya natin sa Pag-asa Island ay malagay sa alanganin at dapat tigilan ng Tsina ang paglikha ng drama. Ang pagtaas ng bandila ay isa lamang photo shoot gimmick.”
Sa karagdagan, sinabi nito na ang Sandy Cay ay pag-aari ng Pilipinas. Kahit gaano pa kadalas mag-island hopping ang China Coast Guard, hindi nila mababago ang katotohanan.
Samantala, ayon kay Senador Jinggoy Estrada:
“Dapat linawin ng gobyerno ng Pilipinas ang katotohanan sa likod ng pahayag ng Tsina. Ito ay seryosong banta sa ating pambansang soberanya at seguridad.”
Sinabi pa nito na kung mapatunayang peke ang claim, ito’y isa na namang pagtatangkang baluktutin ang katotohanan at magpakalat ng pekeng balita.
Dagdag pa nito na dapat tayong maging alerto at matatag sa pagtatanggol sa ating soberanya at mga karapatang pangkaragatan.
Diplomatikong protesta, limitado galaw
Bagamat naghain na ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa insidente, inamin ng ilang opisyal na limitado ang pisikal na kapasidad ng bansa upang hadlangan ang mas matitinding kilos ng China sa lugar.
Ayon kay Professor Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea:
“Ito ang pattern ng China. Una, inaakusahan nila ang iba ng paglabag, pagkatapos ay pumapasok sila para ‘protektahan ang kapayapaan’, at sa huli ay nananatili sila roon nang permanente.”
Ano ang susunod?
Nag-aalala ang mga eksperto at diplomat na ang nangyayari sa Sandy Cay ay maaaring magpabago sa takbo ng usapan sa Code of Conduct (COC) sa pagitan ng Asean at China — isang kasunduang matagal nang sinusubukang buuin upang magkaroon ng kapayapaan sa rehiyon.
Ayon pa kay Ray Powell:“Dapat tutukan ng buong mundo ang Sandy Cay. Ang susunod na mangyari roon ay maaaring magsabi ng marami tungkol sa tunay na layunin ng China sa South China Sea — at lampas pa rito.”
- Advertisement -