NANANAWAGAN si Senador Win Gatchalian sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan ang mga local government units (LGUs) na magtatag ng mga lokal na literacy coordinating councils na siyang magpapatupad ng mga epektibong programa sa literacy o kakayahang magbasa, sumulat, at magbilang.
Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga LGU sa paglaban sa illiteracy, tulad aniya sa kanilang lungsod sa Valenzuela kung saan nagsasagawa ng house-to-house na pagsusuri upang matukoy ang mga out-of-school individuals na nananatiling functionally illiterate.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado kaugnay ng 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS), binigyang-babala ng senador na mahigit 18 milyong Pilipino ang nananatiling functionally illiterate, kahit na nakatapos na ng basic education.
Ang datos ay mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na sinuri ng opisina ng mambabatas, na nagsasabing 18.96 milyong Pilipino pa rin ang hindi marunong bumasa, sumulat, magkwenta, at umunawa.
“Hindi dapat ito mangyari. Ang pinakapayak na layunin ng basic education ay gawing functionally literate ang mga Pilipino. Hindi pwedeng palampasin na ang isang mag-aaral na magtatapos sa basic education ay hindi pa rin functionally literate, pero iyon ang realidad ngayon,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.