ANO ang deficit na palaging sinusubaybayan ng credit rating agencies, lenders at investors? Bakit ito mahalaga?
Dalawa ang deficit na minamanmanan ng mga analysts sa iba’t ibang institusyon. Ang mga ito ay:
- Current account deficit; at
- Public sector deficit (PSD) o central government deficit o general government deficit.
Ang current account deficit (CAD) ay ang sukatan ng paggamit ng foreign savings. Ito ay ang difference ng gross national saving (GNS) at gross domestic investment (GDI). Ang ibig sabihin nito ay nagi-invest ang ekonomiya ng mas malaki kaysa sa itinago nitong national savings; kasama rito ang overseas Filipino (OF) remittances at Filipino investor income galing sa ibang bansa. Gumagamit tayo ng foreign savings na maaaring inutang natin o kaya foreign investment na pumasok sa ating bayan.
Ang CAD ay minamaneho dahil ito ang unang maglalaho kapag nagkakaroon ng economic shock. Kapag may banta ng recession o may napipintong malaking pagbagsak ang ekonomiya, ang current account inflows ay biglang maglalaho, lalo na kung ito ay portfolio investment o mga savings na na-invest sa stock at bond markets. Mas matibay naman ang foreign direct investment (FDI) na naka-invest sa mga kumpanya na itinayo ng foreign investors dahil kabilang sila sa pagmamaneho sa mga operations nito. Hindi madaling aalis ang mga FDI dahil kailangan ng panahon para ito ay maipagbili at mailipat ang investment sa bagong may-ari.
Sa mga analysts, ang danger signal ng CAD ay kung lalagpas sa 5% ng GDP ng ilang taon. Maaaring di aalis ang investors kapag mangyari ito ng isa o dalawang taon. Kaya lang, kapag tumagal na lagpas 5% ang deficit ng isang bansa o mas mahaba kaysa tatlong taon, malaki ang pag-asang mada-downgrade ang credit rating ng isang bansa at dadalang ang mga papasok na FDI at portfolio investment.
Ang public sector deficit (PSD) o central government deficit o general government deficit ay ang kakulangan ng public sector revenues kumpara sa public sector expenditures. Ang ibig sabihin ay gumagasta nang mas mataas ang pamahalaan kaysa sa buwis at non-tax revenues na nakokolekta nito. Kapag malaki ang deficit ng public sector, magkakaroon ng tinatawag na “crowding out”. Sa sitwasyong ito, maaaring mabawasan ang kapasidad ng pribadong sector na palaguin ang kanilang investment at lumikha ng trabaho. Tataas ang interest rates ng pautang, dadalang ang mga bangkong magpapautang at babagal ang usad ng negosyo ng pribadong sektor. Malaki ang PSD kapag lalagpas ito ng 3% ng GDP base sa standards ng European Economic Community (EEC). Kapag lumagpas sa 3% ng GDP ang PSD hanggang tatlong taon, maaaring ma-downgrade ang sovereign credit rating ng bansa. Hindi ito mangyayari kapag mataas ang GDP growth ng bansa (mga 5-6%) at mataas ang investment rate nito. Ang ibig sabihin, ang PSD ay pupunta sa pagpapalaki ng kapasidad ng infrastructure at pagpapalago ng ekonomiya. Dahil di available ang PSD hanggang sa 1 o 2 taon pagsara ng taon, gagamitin muna natin ang estadistika ng central government (sa deficit) o general government (sa debt) na siyang available kaagad.
Bago nagkaroon ng COVID pandemic noong 2020, tinaasan sa 4% ang PSD ng PIlipinas. Dahil napunta sa infrastructure ang 1% na additional deficit, umakyat pa ang GDP growth ng bansa, lumago ang FDI at na-upgrade pa ang ating sovereign credit rating sa BBB+ mula sa BBB-. Mataas kasi ang economic internal rate of return (EIRR) ng infrastructure; umaabot ito sa 47.6% mula 1980 hanggang 2024. Ang ibig sabihin, bawat pisong additional investment sa infrastructure, lumalago ang ekonomiya ng additional P0.476. Ang dahilan nito ay ang infrastructure ay nakakapagpalago ng private investment. Dumarami ang mga negosyo ng pribadong sector sa mga lugal na kung saan itinatayo ang mga kalsada, tulay, airport, seaport atbp. Na-dokumento na ito ng mga studies ng Asian Development Bank (ADB), World Bank at International Monetary Fund (IMF).
Bakit ayaw nating lumaki nang matagal ang mga deficits na ito? Kapag nagtatagal ang deficit, lumalaki ang utang ng bansa. At kapag malaki ang utang ng bansa o lalagpas ito ng 60% o 70% (tinaasan ng IMF noong panahon ng pandemya) ng GDP, madali itong mabiktima ng economic shocks. Kapag bumaba ang exports of goods and services, kahit sa anumang dahilan, magkakaroon ng crisis of confidence ang mga investors at lenders. Lalabas sa bansa ang mga portfolio investments. Ipagbibili nila ang mga stocks at bonds na hawak nila at lilipat sa ibang bansa. Kapag nagtagal ito, susunod na ang mga FDIs. Ipagbibili ang mga kumpanya at ililipat sa mother country. Nangyari ito nang malakihan noong tequila crisis noong 1984-1985, Asian financial crisis noong 1997-1998, at noong global financial crisis o subprime crisis noong 2008. Ayaw natin ng krisis dahil lumalala ang poverty o karahupan at kagutuman kapag nagkakaroon ng krisis. Isang ehemplo ay ang tequila crisis kung saan bumagsak ang GDP per capita ng bansa ng lagpas 17% at inabot ng 11 years o 1996 bago tayo nakabalik sa GDP per capita noong 1983. Ang ibig sabihin, walang paglago ang bulsa ng bawat Pilipino mula 1983 hanggang 1996. Aabot sa 530,000 ang nawalan ng trabaho at ginutom noong 1985.
Ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon tayo ng fiscal consolidation pagkatapos bakahin ng bansa ang mga krisis na dumadating sa atin. Kapag maganda ang economic weather o panahon ng taglago, kailangang bawasan ang deficit. Nagbabawas tayo ng mga gastusing hindi kailangan o kaya ang mga proyektong mababa ang EIRR. Paunti-unting binabawasan ang PSD ng bansa para dahan-dahan ang epekto sa mamamayan.
Ganoon din ang CAD. Kapag mataas ang CAD ng ilang taon, tinataasan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang interest rates at hinahayaang mag-depreciate ang piso para mabawasan ang CAD.
At kapag bumaba na ang debt ratio ng bansa at ng public sector, maaari na uling mag-expand ang ekonomiya para pataasin ulit ang GDP growth at lumikha ng mas maraming trabaho.
Base sa pinaka-latest na estadistika (nasa Table 1), mas mababa ang mga deficits ng ASEAN-6 (Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Philippines at Vietnam) kaysa Pilipinas. Ang CAD ng Pilipinas ay 3.8% ng GDP samantalang may surplus na 3% ang ASEAN. Ganoon din ang National Government (NG) Deficit na 6.86% sa Pilipinas noong 2024 samantalang -1.98% lang ang ASEAN-6. Ngunit mas mababa naman ang general government debt at external debt as % of GDP ng Pilipinas kaysa sa ASEAN-6. Ang general government debt sa Pilipinas ay 53.3% ng GDP noong 2024 kumpara sa 71.4% ng ASEAN-6. Ganoon din ang external debt as % of GDP na 29.8% noong 2024 samantalang 37.84% naman sa ASEAN-6. Maaari pang hindi maghigpit ang Pilipinas sa deficit position nito dahil malakas pa rin ang GDP growth ng Pilipinas na nasa antas na 5.69% noong 2024.
Table 1. PHILIPPINES vs ASEAN: DEFICITS & DEBT | |||||
(% OF GDP) | ASEAN-6 AVERAGE | ||||
2022 | 2023 | 2024 | 2023 | ||
CURRENT ACCOUNT DEFICIT | -4.35% | -2.61% | -3.80% | 3.00% | |
INVESTMENT RATE | 23.10% | 23.18% | 23.57% | 26.40% | |
SAVINGS RATE | 18.75% | 20.57% | 19.77% | 29.40% | |
NATIONAL GOVERNMENT DEFICIT | -7.33% | -6.22% | -6.86% | -1.98% | |
REVENUES | 16.10% | 15.73% | 15.56% | 15.92% | |
EXPENDITURES | 23.42% | 21.95% | 22.41% | 17.90% | |
GENERAL GOVERNMENT DEBT | 54.19% | 53.60% | 53.30% | 71.40% | |
EXTERNAL DEBT | 27.57% | 28.69% | 29.80% | 37.84% | |
GDP GROWTH | 7.58% | 5.52% | 5.69% | 5.46% (2024) | |
Sources: ASEAN, World Bank |