33.7 C
Manila
Miyerkules, Mayo 21, 2025

Legarda, pinangunahan ang pagtanggap sa mga delegado German media sa Pilipinas bilang paghahanda sa Frankfurter Buchmesse 2025

- Advertisement -
- Advertisement -

PINANGUNAHAN ni Senadora Loren Legarda, ang tagapagtaguyod at visionary ng proyektong nagluklok sa Pilipinas bilang Guest of Honour (GOH) sa Frankfurter Buchmesse 2025, ang pagtanggap sa mga delegado ng German media para sa isang linggong paglalakbay at paglilibot sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang pagbisitang ito ay bahagi ng opisyal na pangako ng Pilipinas bilang GOH sa pinakamalaki at pinakaimpluwensyal na book fair sa buong mundo. Nilalayon ng programang ito na mas palalimin ang ugnayan sa pandaigdigang media at ipakita ang lawak at lalim ng panitikan, pamana, at malikhaing kultura ng Pilipinas.

“Mula sa karunungang katutubo, sa alaala ng kolonyalismo, sa hiwaga ng kalikasan, at sa pakikipag-usap sa buong mundo, doon nagmumula ang ating panitikan,” ani Legarda.

“Ang Frankfurter Buchmesse ay isang pandaigdigang entablado kung saan maririnig, makikita, at mauunawaan ang ating mga manunulat, ilustrador, tagasalin, at tagapaglathala.”

Naranasan ng delegasyon ng Aleman ang Filipino hospitality mula sa makulay na Pahiyas Festival sa Lucban hanggang sa mga programang pangkultura at panitikan sa Bulacan, Baguio, La Union, Iloilo, Antique, at Boracay. Bumisita rin sila sa mga eksibit at sentrong pangkultura gaya ng Hibla ng Lahing Filipino textile gallery, mga sentro ng paghahabi, at mga pasilidad para sa cotton processing na naitatag sa pamamagitan ng mga programang pangkultura ni Legarda.

“Matagal nang bukas ang Alemanya sa panitikan ng Pilipinas,” wika ni Legarda.

“Noong 1887, inilimbag sa Berlin ni Dr. Jose Rizal, ang ating pambansang bayani, ang kanyang pinakamahalagang akda, ang Noli Me Tangere, na nagsindi ng unang rebolusyong anti-kolonyal sa Timog-Silangang Asya.”

Sa pamamagitan ng mga talakayan at interaksyon sa mga manunulat, tagapaglathala, indigenous artisans, at cultural workers ng Pilipinas, nasaksihan ng delegasyon ang masigla at sari-saring puwersang bumubuo sa matatag at malikhaing pagka-Pilipino.

Gaganapin ang Frankfurter Buchmesse mula Oktubre 15 hanggang 19, 2025, sa Frankfurt, Germany, kung saan ang Pilipinas ang magiging Guest of Honour, isang natatanging pagkakataon para sa pagpapalawak ng merkado, pagbebenta ng karapatang pampaglilimbag, pagsasalin sa iba’t ibang wika, at cross-media adaptations.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -