MULING nanawagan si Senadora Loren Legarda ng agarang aksyon para labanan ang gutom sa Pilipinas sa paraang may malasakit, malasang komunidad, at pangmatagalang solusyon.
Sa kabila ng yaman ng ating lupa at likas na yaman, milyon-milyong Pilipino pa rin ang nagugutom. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, isa sa bawat apat na pamilyang Pilipino, katumbas ng humigit-kumulang 7.5 milyong kabahayan, ang nakararanas ng “involuntary hunger” nitong nakaraang tatlong buwan. Ito na ang pinakamataas na bilang simula ng pandemya.
Ayon naman sa Global Hunger Index, “moderate” o katamtaman ang antas ng gutom sa bansa, kung saan nagpapakita pa rin ito ng tuluyang problema sa probisyon natin ng pagkain.
“Nakalulungkot isipin na maraming pamilya ang natutulog at tinitiis ang gutom kahit na labag ito sa kanilang kagustuhan,” ani Legarda.
“Ang pagkain ay karapatan, hindi pribilehiyo.”
Matagal nang tagasuporta ng sustainable living si Legarda. Sa kanyang bakanteng oras, nagtatanim siya ng gulay at iba pang halamang pagkain sa kanilang tahanan. Ibinahagi rin niya ang inspirasyon mula sa mga tagumpay ng mga lokal na komunidad–tulad ng Barangay Holy Spirit sa Quezon City, kung saan ang gulayang naitayo pa noong dekada ’90 ay patuloy na nagbibigay ng sariwang gulay, eco-products, at kabuhayan sa mga residente.
“Maliliit man ang mga proyektong ito, malaki ang epekto. Patunay na kapag sama-sama at may malasakit ang bawat isa, kayang solusyunan ang kagutuman,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Legarda ang kahalagahan ng ganap na pagpapatupad ng mga batas na may direktang epekto sa pagkain at agrikultura, kasama na dito ang mga isinulat o sinuportahan niya gaya ng:
1. Agri-Agra Reform Credit Act (RA 10000) – para masigurong may pondo at pautang ang mga magsasaka at benepisyaryo ng agrarian reform;
2. Organic Agriculture Act (RA 10068) – na nagtutulak sa ligtas, natural, at sustainable na pagsasaka;
3. Food and Drug Administration Act (RA 9711) – para masigurong ligtas at maayos ang kalidad ng mga pagkain at gamot sa merkado.
Bukod sa mga batas, patuloy rin ang suporta ni Legarda sa mga programang pangkomunidad tulad ng Gulayan sa Paaralan, edible landscaping, at community composting — kung saan naituturo sa mga pamilya kung paano magtanim ng sariling pagkain at makaiwas sa mataas o hindi ligtas na bilihin.
Si Legarda ay nagsasagawa rin ng rescue buys mula sa mga magsasakang nahihirapang maibenta ang kanilang ani, na layuning maiwasan ang pagkasayang ng pagkain at matugunan ang kagutuman.
Noong Pebrero, bumili si Legarda ng isang toneladang cauliflower mula sa mga magsasaka sa Santa Catalina, Ilocos Sur, sa pamamagitan ng RuRi, na ipinamahagi sa 700 residente ng Tatalon, Lungsod Quezon, karamihan sa kanila ay kapus-palad.
Inilunsad din niya ang inisyatibong Bayong-All-You-Can (BAYC) sa Senado noong 2023, kung saan tonelada ng sariwang ani mula sa mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa ang binibili at dinadala sa Senado. Inaanyayahan ang mga empleyado ng Senado na punuin ang mga tradisyonal na bayong na gawa ng mga manghahabi mula sa Laguna ng mga sariwang prutas at gulay na kung hindi ay masasayang lamang.
Ipinanawagan din niya ang pagpasa ng Zero Food Waste Bill, na layuning isalba at ipamahagi ang mga sobrang pagkaing pwede pang kainin mula sa mga negosyo papunta sa mga komunidad na nangangailangan.
“Hindi natin kailangan ng magarbong solusyon–ang kailangan natin ay tapat at dedikadong pagtugon,” ani Legarda.
“Nakita ko kung paano kayang baguhin ng isang simpleng gulayan ang buhay ng isang pamilya. Paano pa kaya kung sama-sama tayong kikilos–mula sa ating tahanan, sa ating barangay, at, harinawa, sa buong bansa,” dagdag niya.