27.9 C
Manila
Lunes, Hunyo 15, 2026

Asembliya at iba pang mga ‘maling’ salita

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Hulyo 19, isang pambansang samahang pangwika ng mga guro at mananaliksik sa wikang Filipino ang nagdaos ng kapulungan at talakayan tungkol sa bagong kurikulum sa Filipino. Isa sa mga regular na gawain ng samahang ito ang pagdaraos ng mga libreng seminar/webinar para ma-update ang mga gurong myembro. Mangyari pa, bago ang aktwal na pagdaraos ng online na kapulungan, ang nasabing organisasyon ay naglabas ng patalastas sa Facebook tungkol sa gawain. Ganito ang sinabi sa patalastas:Asembliya at Talakayan Hinggil sa Bagong Kurikulum sa Filipino.

Isang kilala at iginagalang na propesor sa isang prestihiyosog unibersidad ang nagbigay ng ganitong reaksyon: “ASEMBLIYA? Nasaan na ang samahang dapat na modelo ng kawastuan sa wika?”

Samantalang pinupuri ng nasabing propesor ang organisasyon sa dati nitong rekord bilang “modelo sa kawastuan sa wika,” kinukwestiyon naman nito ang kasalukuyang pamunuan na tila wala na at nawawala na sa ngayon, dahil sa paggamit ng maling salitang ASEMBLIYA.

Ano ba ang ASEMBLIYA at bakit itinuring itong mali ng mabunying propesor? Take note lang, ha, isa lang ang nagkwestiyon sa kamalian ng salitang ito. Ibig kayang sabihin ay isang tao lang ang tama at mali tayong lahat?

Lininis, linugaw, linabhan, linuto?


Bumalik tuloy sa alaala ko ang sariling karanasan sa kawastuan sa wika maraming-maraming taon na ang nakararaan.

First year high school pa lamang ako noon. Sabi ng guro namin sa Wikang Pambansa (ito pa ang tawag noon sa sabjek na ito), mali raw ang nakagawian naming gamit ng NILINIS, NILUGAW, NILABHAN, NILUTO. Wala raw kasing panlaping NI- kaya ang tama ay LININIS, LINUGAW, LINABHAN, LINUTO at iba pang katulad.

Nagimbal ako. Diyata’t mali ang mga salitang natutuhan ko sa aking mga magulang? Mali pala ang lahat naming kapitbahay at lahat ng taong nagsasalita ng wikang Tagalog sa aming buong bayan? Noon ko lamang narinig ang mga salitang LININIS, LINUGAW, LINABHAN, LINUTO. Ang gamit namin ay NILINIS, NILUGAW, atbp.

Tumayo ako at nagtanong: “Titser, hindi naman ho yata tamang sabihin na mali ang isang buong bayan, na mali ang buong bayang Malabon. Sino ho ba ang Lope K. Santos na iyan, na nagsasabing mali kami, baka galing lamang sa kung saang malayong probinsya.”

- Advertisement -

Ang nasa isip ko ay ang asawa ng aking ate, na tubong Cavite, at ibang klase ang pananalita kaysa sa amin. Halimbawa,ganito siya kung magtanong: “NAKAIN ka ba ng bagoong? NAKAIN ka na ba ng agahan?” Sa amin kasi, ang tama ay KUMAKAIN ka ba ng bagoong? KUMAIN ka na ba ng agahan/almusal? Kung NAKAIN ay para bang ikaw ang tumanggap ng kilos ng pandiwa, ikaw ay NAKAIN, at kung gayon ay patay na ako dapat dahil nga NAKAIN ako.

Noong mga panahong iyon, bawal na bawal sa isang estudyante ang magsalita ng mga sinabi ko. Bawal na tanungin o magpahiwatig man lamang na kinukwestiyon ng estudyante ang awtoridad ng titser. Mabuti na lamang at mabait ang guro kong iyon. Hindi man siya nakapagbigay ng katanggap-tanggap (para sa akin) na paliwanag, hindi naman niya ako pinaghigantihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagsak na grade. Nakapasa pa rin ako nang may mataas na marka, sa kabila ng aking kalapastanganan.

Natutuhan ko na lamang pagkaraan ng ilang taon, na tama ngang sinabi ni Lope K. Santos sa kanyang Balarila ng Wikang Pambansa na ang LININIS, LINUTO, atbp. ang regular na anyo, ganito dapat ang anyo ng nasabing mga salita, pero nasa kasunod na pahina (na hindi na nabasa ng aking guro) ang paliwanag: nagkaroon ng pagbabago sa anyo ng salita para maging madali sa dila ang pagbigkas. Wala ngang panlaping NI- pero kapag ang salitang ugat ay nagsisimula sa L, R, at Y, ang gitlaping -IN- ay nagiging NI dahil sa pagpapalit/paglipat ng mga tunog.

Pero kahit sa murang gulang ko pa lamang noon, tama ako na hindi pwedeng sabihin na mali ang pagbigkas ng isang buong bayan dahil lamang sa tuntuning ipinapataw ng isang tao. Ang totoo, si Lope K. Santos mismo ang nagsabi ng ganitong aral: ang dila ng bayan ang mananaig.

Balik sa ASEMBLIYA

Balik tayo sa ASEMBLIYA. Bakit ito mali? Ang kahulugan nito ay kapulungan o pagtitipon para sa layuning panrelihiyon, pampolitika, pang-edukasyo, atbp. Sa Ingles, ASSEMBLY. Sa Kastila, ASAMBLEA. Hindi Ingles, hindi Kastila, saan galing ang ASEMBLIYA? Ito ang sariling bersyon nating mga Pilipino, mula sa Ingles, pinagtunog-Kastila dahil ang Kastila ay mas malapit sa ating sariling mga tunog, kaya ang ASEMBLI ay dinagdagan ng YA, naging ASEMBLIYA.

- Advertisement -

Ganyan naman talaga ang panghihiram ng mga salita. Ang hiram na salita ay iniaangkop natin sa sarili nating palatunugan at palabaybayan. Ganyan ang sistema ng panghihiram ng mga salita ng iba’t ibang wika sa buong mundo. Kaya dumaraan sa pagbabago ang salita kapag hiniram na ito ng ibang wika.

ASEMBLIYA? Hindi Ingles (assembly), hindi Kastila (asamblea), kundi Filipino. Taglay ang ating sariling tatak.

Ayon sa isang kilalang tagapagtanggol ng Filipino mula sa DLSU-Manila, “kung kawastuan lang din, walang makapagsasabi ng wasto dahil wala [pang] aktwal na standardized spelling. Ang mahalaga ay ang consistency sa same pubmat. Ang asembliya rin ang MAS GAMITIN.” Napakahalagang banggitin ang idinagdag naman ng isang taga-UP Diliman: “Bakit naman ituturing na mali ang variant? At ano ba ang standard? Nauunawaan naman ang pagtatakda ng standard dahil mahalaga ito pero kung lilimitahan ang pananaw sa ipinapalagay na standard at paparatangang mali ang hindi niya/nila gamit, makitid na pananaw naman ito sa wika.”

Mas gamitin, mas malawak na pananaw sa wika. Tama sila. Lawakan natin ang ating pananaw. Tanggapin ang mas gamitin, tanggapin at ginagamit ng bayan, hindi hadlangan ang pagsibol ng mga bagong salita o bagong imbentong salita, na sa totoo lang, ay maaaring siya palang tunay na nagpapahayag ng ating kalikasan bilang tagapagsalita ng isang wikang natatangi sa atin.

Retrato, Aspekto, Kontemporaneo?

Retrato, aspekto, kontemporaneo. Ito ang mga tamang salita, ayon sa awtoridad. Mali ang nakagawian na at daang taon nang ginagamit sa buong kapuluan na LITRATO, sapagkat RETRATO ang orihinal na Espanyol. Mali ang salitang KASTILA, ESPANYOL dapat. Iwasto dapat ang pasaway na dila ng aking mga magulang na malaon nang yumao nang hindi naitama ang mga bigkas. Di ba ito ang tinatawag na REVISIONISM?

Mali ang ASPETO dahil ASPEKTO ang orihinal na Kastila, KONTEMPORANEO ang tama, at hindi ang mas popular na KONTEMPORARYO. PRIYORIDAD, hindi ang mas gamiting PRAYORIDAD. Bakit hindi rin ibalik sa PARED ang PADER, ang SIBUYAS sa CEBOLLAS, ang BINTANA sa VENTANA, at iba pang mga salitang hiram na nabago na ang bigkas at baybay, dahil tayong mga nanghiram ay iniangkop ang mga salitang ito sa ating palatunugan, palabaybayan at preperensya?

Pagbabago ng wika

Nagbabago at patuloy na nagbabago ang alinmang wikang buhay. Dahil sa mga pagbabagong ito, ano’ng malay natin, baka ang MALI ngayon, maging TAMA bukas? Tanggapin natin ang mga pagbabagong ito – sa bandang huli, ang dila ng bayan pa rin ang mangingibabaw. Naririto tayong mga linggwista at tagamasid sa wika para ilarawan ang mga pagbabagong ito. Iyan ang tungkulin natin, hindi ang ipataw sa sambayanan ang ating pansariling pananaw.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -