27.9 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Sen Erwin Tulfo suportado ang panukala ng DSWD na amyendahan ang 4PS Law

- Advertisement -
- Advertisement -

NANGAKO si Senador Erwin Tulfo nitong Huwebes na pangungunahan niya ang pagsusuri ng Republic Act No. 11310, ang batas na nag-institusyonalisa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ipinahayag ito ng senador sa isang pagpupulong kasama si DSWD Secretary Rex Gatchalian at iba pang opisyal ng ahensya dalawang araw matapos siyang italaga bilang chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development.

“Meron silang binigay sa amin na mga panukalang batas tungkol sa 4Ps na nabanggit nga ng Pangulo sa SONA. Kaya unahin naming pag-aralan iyon. May mga adjustments, maganda ‘yung mga suhestiyon ni Secretary na talagang makakatulong sa lahat,” ani Tulfo.

Isa sa mga isyu na susuriin ni Tulfo ay ang bilang ng mga benepisyaryo ng 4Ps na patuloy na tumatanggap ng cash grants mula sa gobyerno kahit gumanda na ang kanilang pamumuhay.

“Gusto ng Pangulo, pag-aralan na talaga. Kasi medyo naaabuso ‘yung 4Ps. Merong iba diyan na sobra-sobra na ang tagal nila. Pwede namang bigyan ng pagkakataon yung iba na pumasok, lalo’t may backlog pa tayo at may mga nasa waiting list,” sabi pa ni Tulfo, dating kalihim ng DSWD.

“Gagawa kami ng batas tungkol diyan sa 4Ps. Sa tingin ko, panahon na para pag-aralan ito. Kasi hindi naman patas dun sa iba na patuloy lang nating binibigyan itong grupo ng tao. Paano naman yung iba?” dagdag pa niya.

Bukod dito, iminungkahi ng DSWD na aalisin ang kasalukuyang pitong-taong limitasyon para sa pagtanggap ng tulong mula sa gobyerno sa ilalim ng 4Ps.

Ipinabatid ni Gatchalian kay Tulfo na kung hindi maaamyendahan ang 4Ps law, mayroong humigitkumulang 2.4 milyong benepisyaryo ang mapipilitang umalis sa programa kahit hindi pa gumaganda ang kanilang kalagayan.

Ang iba pang mga panukalang natalakay sa pagpupulong ay ang paglikha ng entrepreneurship program para sa mga low-income households, mga social intervention para sa mga matatanda, at ang pagsasabatas ng mga umiiral nang programa ng DSWD gaya ng Sustainable Livelihood Program at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KalahiCIDSS), at iba pa.

Ipinahayag din ni Tulfo ang suporta niya para sa rehabilitasyon ng gusali ng DSWD sa kanyang pagbisita sa dati niyang opisina, na labis namang ikinatuwa ni Gatchalian.

“Hindi ko na nga kailangan buksan yung bibig ko. Nang makita niya yung itsura ng opisina. Kasi alam naman natin na isa ito sa pinakamatandang departamento, pagbaba pa lang sinabi na ni Sen. Erwin, ‘Padala mo sa akin yung costing ng building,'” ani Gatchalian.

Kung madaragdagan ang budget para sa DSWD, sinabi ni Gatchalian na mas mapapalakas nito ang kakayahan ng kanilang mga social worker at mapapataas ang morale ng ahensya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -