27.7 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

Kapangyarihan sa bilihan at kalakalang global

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG presyo ng mga produktong kinakalakal sa bilihang internasyonal ay nakaugnay sa estruktura ng bilihan. Sa sanaysay na ito ay tatalakayin ko ang tatlong uri ng monopolyo at kung papaano ang mga ito ay nakikipag-ugnayan sa kalakalang global. Ang tatlong ito ay ang ganap na monopolyo, nagtatanging monopolyo at ang monopolistikong kompetisyon.

Ang monopolyo ang isang estruktura ng bilihan na may malawak na kapangyarihan sa bilihan upang itakda ang presyo. Ang kapangyarihang ito ay nagmumula sa iba’t ibang sanhi tulad ng pagiging nag-iisang suplayer ng produkto, control sa suplay ng mga hilaw na materyal sa kanilang produksiyon, malaking gastos sa malawak na operasyon, kakayahang baguhin ang produkto, prankisang ibinibigay ng pamahalaan, pagmamay-ari ng yamang intelektwal at marami pang iba.

Sa isang ganap na monopolyo na may operasyon lamang sa bilihang local, naitatakda ng nag-iisang suplayer ang mataas na presyo sa pamamagitan ng pagbabawas ng dami ng produksyon sa layuning matamo ang pinakamataas na tubo. Ang kapangyarihan sa bilihan ng monopolyong kompanya ay napananatili bunga ng mga nabanggit na dahilan sa itaas.

Ngunit kung papayagan ng pamahalaan na buksan ang bilihang local sa bilihang internasyonal maraming murang produktong inaangkat ang maaaring humamon sa nag-iisang domestikong suplayer. Dahil sa kompetisyon, mapipilitang ibaba ng monopolyong kompanya ang mataas na presyo nito sa presyong internasyonal at itaas ang produksiyon nito upang mabawasan ang nawalang tubo sa pagbababa ng presyo. Masasabing makabubuti ang liberalisasyon o pagbubukas ng ekonomiya sa malayang kalakalan dahil pinahihina nito ang monopolyong kompanya sa pamamagitan ng pagbaba sa presyo ng produkto, pagdami ang suplay ng produkto, pagkawala ng pag-aaksaya ng monopolyong kompanya sa di episyenteng paggamit ng mga sangkap sa produksiyon. Dahil dito ang kagalingang panlipunan ng mga mamamayan ay tumataas.

Samantala, ang isang nagtatanging monopolyo ay isang uri ng monopolyo na kayang hatiin ang bilihan o demand sa produkto nito ayon sa elastidad ng demand sa presyo. Ang paghahating ito ay nagbibigay ng kakayahan sa nagtatanging monopolyo na magtakda ng magkaibang presyo sa ipinaghiwalay na bilihan na nakabatay sa elastidad ng demand sa presyo.


Sa bilihang may di elastikong demand o ang pagbabago sa dami ng demand ay hindi matugon sa pagbabago ng presyo nagpapataw ito ng mataas na presyo dahil maliit lamang ang pagbabawas sa dami ng demand kapag itinaas nito ang presyo. Sa kabilang dako, ang mababang presyo ay ipinapataw sa bilihang ng may elastikong demand.

Ang isang kompanyang may monopolyo sa bilihang domestiko at nagbebenta rin ng kanyang produkto sa bilihang internasyonal ay nagtatakda ng mataas na presyo sa local na bilihan at mababang presyo sa bilihang global. Sa domestikong bilihan, hindi sensitibo ang mga mamimili sa pagtaas ng presyo kaya’t makitid lamang ang pagbaba ng dami ng demand. Ang dahilan ng pagiging di matugon sa pagtaas ng presyo ng mamimili sa local na bilihan ay bunga ng halos walang alternatibo sa nagsusuplay produkto maliban sa monopolistikong kompanya.

Samantala, mababa ang presyo ng ipinapataw nito sa bilihang global dahil ang kompanyang nabanggit ay humaharap sa maraming kakompetensiya. Sa bilihang global matugon o sensitibo ang mga mamimili sa pagbabago ng presyo. Kaya’t mawawalan ng mga mamimimili at demand ang isang kompanya kung itatakda nito ang mataas na presyo sa bilihand global na kapantay sa presyo mula sa kanyang pinagmulang bayan. Makikita ito sa mga kompanyang elektroniko mula sa Japan at mula sa Taiwan na matataas ang presyo ng kanilang produkto sa loob ng bansa ngunit sumusunod sa mababang presyong internasyonal sa bilihang global.

Ang ikatlong uri ng monopolyo ay tinatawag na monopolistikong kompetisyon. Ang estrukturang ito ay may magkahalong katangian ng ganap na kompetisyon at monopolyo. Dahil maraming suplayer, at mabilis ang pagpasok sa bilihan masasabing may katangian ito ng bilihang kompetisyon. Samantala, kahit magkakatulad ang produktong ipinagbibili, napag-iiba nila ang produktong ibinebenta. Kapag ang isang kompanya ay kakayahang mapagbago ang kanilang produkto kahit mahal ang presyo nito ay may bibili pa rin sa kanila dahil hindi ang presyo ang nangingibabaw sa kalakalang internasyonal ngunit ang panlasa.

- Advertisement -

Sa European Union may iba’t ibang uri ng kotse na pinoprodyus sa iba’t ibang ekonomiya na may iba’t ibang presyo. Sa Germany, mayroong Volkswagen, Audi, BMW, Mercedes-Denz at Porsche. Sa France nagpoprodyus sila ng Renault, Peugeot at Citroen, Sa Italy, Fia, Alfa Romeo at Lamborghini at Ferrari. Ang kalakalan sa mga napag-iibang magkakatulad ng produkto ay hindi na batay sa mababang presyo. Ang batayan ng kalakalan ay ang panlasa. Kahit mataas ang presyo ng BMW, Posche, Lamborghini at Ferrari, naikakalakal pa rin ito sa iba’t ibang panig ng EU at buong mundo dahil matimbang ang panlasa sa mga produktong luxury kaysa mumurahing kotse.

Sa ating diskuyson naipakita natin kung papaano ang malayang kalakalan ay nakokontrol ang kapangyarihan ng local na kompanyang monopolyo at kung papaano nagagamit ng mga monopolyong kompanya ang bilihang global upang mapatingkad ang kanilang kapangyarihan sa bilihan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -