27.7 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

Sen. Raffy sinabon si Curlee Discaya kaugnay ng ₱30M unfinished UP Manila project

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABON ni Senator Raffy Tulfo si Pacifico “Curlee” Discaya kaugnay ng umano’y palpak na renovation ng Rizal Hall sa UP Manila College of Arts and Sciences, na nakuha ng kompanya nila, ang St. Timothy Construction Corp, noong 2018.

Mga larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Setyembre 8, sinabi ni Tulfo kay Discaya na hindi katanggap-tanggap ang pitong taong pagkaantala ng proyekto na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos, dahilan upang hindi magamit ng mga estudyante ang pasilidad.

“Ano na ang nangyari sa UP Manila Rizal Hall Project na ibinigay sa St. Timothy Construction Corporation para ayusin? ₱30 milyon na pera ng taumbayan ang inilaan diyan pero pitong taon na ang lumipas, hanggang ngayon hindi pa rin matapos-tapos ‘yan,” giit ng senador.

“Huwag mong sabihin na hindi mo alam ito. Eskwelahan ito at hindi basta-basta mga gusali lamang. Para ito sa mga estudyante,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Sen. Raffy na ang ganitong kapabayaan ay hindi lamang pagsasayang ng pera ng taumbayan kundi pagde-deprive din sa mga estudyante ng mga mahahalagang pasilidad, lalo na’t sapat naman ang pondong inilaan para sa proyektong ito.

Bukod sa inisyal na ₱30 milyon na pondo, natuklasan ni Tulfo na may nakalaang ?100 milyon sa General Appropriations Act (GAA) 2021 para sa rehabilitasyon ng mga umiiral na silid-aralan at mga common area ng Rizal Hall, College of Arts and Sciences, University of the Philippines-Manila.

Sinubukan pa ni Discaya na ituro ang Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang dahilan, dahil umano sa mga suspension, extension, at kakulangan ng pag-apruba mula sa ilang opisyal ng paaralan. Subalit iginiit ni Tulfo na hindi maaaring maantala nang ganito katagal ang proyekto lalo na’t nailabas na ang pondo.

Kinuwestiyon din ng senador kung maayos bang naipakita ni Discaya ang feasibility studies at mga plano ng proyekto sa UP Manila at DPWH bago simulan ang konstruksyon–isang tanong na hindi nito nasagot nang maayos.

Inatasan kalaunan si Curlee Discaya na magsumite ng kumpletong ulat at lahat ng kaukulang dokumento sa komite upang ipaliwanag kung bakit hindi pa rin natatapos ang proyekto kahit ito ay lubusan nang nabayaran.

Gayunpaman, napabalita na ipinasa kalaunan ang pagsasaayos at pagpapaganda ng gusali sa ibang kontratista.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -