IGINIIT ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na bawal nang makasama sa kahit anong procurement projects ng gobyerno ang mga kontraktor sa likod ng mga maanomalyang flood control projects.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na i-blacklist ang mga contractor na mapapatunayang guilty sa pagkakasangkot sa maanomalyang mga flood control projects, kinansela na ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) ang Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) membership ng siyam na kumpanyang nauugnay kay Sarah Discaya. Naka-high alert din ang PS-DBM para kanselahin ang PhilGEPS membership ng iba pang kumpanya, tulad ng SYMS Construction Trading at Wawao Builders, oras na maglabas ng official blacklisting order ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Kung matatandaan n’yo po, ipinag-utos ng ating Pangulo na i-blacklist ang mga contractor na sangkot sa ma-anomalyang flood control projects. Nakasaad po ‘yan sa ating New Government Procurement Act na ang implementing agency ang kayang mag-blacklist ng contractors nila. Malinaw po ‘yan, may proseso po ‘yan. At kami naman po, sa PS-DBM, handa kaming ikansela ang iba pang kumpanyang ito sa PhilGEPS para hindi na sila makasali sa procurement activities ng gobyerno,” ayon kay Sec. Amenah.
Ayon sa Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act (NGPA) at Implementing Rules and Regulations nito, binibigyang bisa ng blacklisting ang kanselasyon ng PhilGEPS membership. Sa pagkakataong ito, mabubura din sa PhilGEPS registry ang impormasyon tungkol sa blacklisted companies, dahilan upang tuluyan silang hindi makalahok sa mga procurement projects ng gobyerno.
Mula mismo kay DPWH Secretary Vince Dizon ang deklarasyon na gawing diskwalipikado ang nasabing contractors na may mga pinakamalalaking flood control projects matapos niyang personal na makita ang kawalan o kababaan ng kalidad ng mga ito gamit ang pondo ng bayan.
Sa patuloy na pag-usad ng imbestigasyon, mariing isinusulong ng PS-DBM, sa ilalim ng pamumuno ni Executive Director (ED) Genmaries “Gen” Entredicho-Caong, ang paninindigan sa katotohanan.
“Batid po namin sa PS-DBM ang aming responsibilidad na umagapay sa ibang sangay at kawani ng pamahalaan na tiyaking walang korapsyon sa gobyerno, lalong-lalo na sa aspeto ng public procurement,” saad ni ED Gen kaugnay ng pinalawig na mandato ng PhilGEPS sa ilalim ng bagong batas sa procurement.
Kamakailan lang ay nakipagpulong din si Sec. Amenah kay Sec. Vince Dizon upang komprehensibong siyasatin ang panukalang budget ng DPWH para sa taong 2026—patunay sa adhikain ng gobyerno na ibalik ang tiwala at kumpyansa ng mamamayan na buong-loob na sinusuportahan ng PS-DBM.



