26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Adult Learning 101

PAGBUBUO(D)

- Advertisement -
- Advertisement -

SA hangaring patuloy na matuto at umunlad bilang indibidwal at organisasyon, mahalagang mas maunawaan ang katangian ng adult learning bilang isang konsepto at ang aplikasyon nito sa larangan. Kritikal ito upang higit na tumugon ang pagtuturo at pagsasanay sa larangan ng higher education, lifelong learning, human resource development, professional growth at institutional development. Ang mga sumusunod na tala ay ilang gabay at paalala sa praksis ng adult learning.

·      Unawain ang pagkakaiba ng katuturan, karakter at proseso ng pagkatuto ng mga matatanda (andragogy) kumpara sa mga nakababata (pedagogy).

·      Gawing gabay ang mga kaisipan nina Malcolm Knowles ukol sa principle of andragogy at Jack Mezirow ukol sa transformational learning sa pagbalangkas at pagpapatupad ng training, curriculum and task design.

·      Gawing gabay ang adult learning theories sa konseptwalisasyon at pagbuo ng kurso, aralin at pagsasanay.

·      Unawain na ang mga adult learner ay may kakahayang maging mga independent at interdependent learner.


·      Ipaunawa sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng kanilang sariling pagkakakilanlan (self-concept) bilang lunsaran ng epektibong pagkatuto at pagsasanay.

·      Palakasin ang mentoring at coaching bilang estratehiya sa edukasyon at pagsasanay dahil mas lumilikha ito ng pangmatagalang epekto at transpormasyon.

·      Ikonteksto ang mga aralin sa nakaraan, kasalukuyan at mga inaasahang pagbabago sa hinaharap upang mas maging mabisa at lapat.
·      Bigyang-diin ang pangangailangang hamunin ang mga kinagisnang paniniwala ukol sa sarili, organisasyon at lipunan batay sa mga umiiral na kontradiksyon o tunggalian ng mga paniniwala, puwersa at panig.

·      Ituring na malalim na balon ng kaalaman at karanasan ang bawat mag-aaral sa klase na may natatanging ambag sa diskurso.

- Advertisement -

·      Ikonsidera rin ang kapasidad ng mga adult learner na gawing kotekstwalidado ang pagkatuto dahil sa kanilang mayaman at mahabang karanasan na nakapagpapalawig at nakapagpapalalim ng aralin.

·      Bigyang halaga ang kanilang kakayahang ilapat ang teorya at konsepto sa kanilang kahandaan, karanasan, konteksto, komunidad at kapaligiran.

·      Isaisip sa pagbabalangkas ng kurso o pagsasanay ang motibasyon at intensyon ng mga adult learner sa pag-aaral.
·      Unawain ang hangarin ng mga adult learner na tuwiran at agarang isapraktika ang mga natutunan sa kanilang empleyo at konteksto.

·      Ipaloob sa pagbuo ng kurikulum at paraan ng pagtuturo ang naisin ng mga adult learner na pakinabangan ang mga natutunang teorya at metodo upang tugunan ang mga suliranin at hamon sa kani-kanilang substantive area, field of practice o employment setting.

·      Tandaan na ang nagdudugtong sa teorya at praktika ay ang konteksto. Ang kontekstong ito ay nakabatay sa karanasan at kapaligiran ng mga mag-aaral.

·      Ibalangkas ang kurso, pag-aaral at pagsasanay bilang paghahanda at transisyon sa mga bagong gampanin at hamon na kakaharapin ng mga adult learner.

- Advertisement -

·      Tiyaking mag-aambag ang bagong karunungan sa personal at professional growth ng mga mag-aaral. Sumangguni sa dalawang kaugnay na artikulong ito bilang panimula: Human Resource Development 101 – Pinoy Peryodiko at Training Needs Analysis 101 – Pinoy Peryodiko

·      Tandaan ang kahalagahan ng critical stocktaking, critical position taking at critical action-taking sa larangan at lipunan.

·      Tiyakin na ang kritikal na repleksyon ay mag-aambag sa pagbabago ng pananaw at hahantong sa tunay na institusyonal at panlipunang pagbabago.

·      Bigyang-diin ang halaga ng teorya, ideolohiya at educational philosophy sa proseso ng repleksyon at pagbabagong-hubog ng mag-aaral.

·      Kilalanin ang ahensiya at awtonomiya ng mga mag-aaral bilang mga elemento ng kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

·      Gawing bahagi ng proseso ng pagkatuto ang kritikal na internalisasyon at introspeksyon.

·      Gabayan ang mga mag-aaral sa proseso ng kritikal na internalisasyon tungong personal na praksis hanggang kolektibong praksis.

·      Ilapat ang mga teorya at konsepto ng adult learning sa praktika ng pagtuturo sa akademya at pagsasanay sa empleyo.

·      Itampok ang malayunin, kontekstwalisado at pleksibleng katangian ng adult learning bilang pagkilala at konsiderasyon sa kanilang magkakaibang katangian, kapaligiran, karanasan, kasaysayan at kakanyahan.

·      Lumikha ng kondisyon sa klase na magpapayabong sa talakayan at aktibong partisipasyon ng bawat isa.

·      Ipasakonteksto ang mga teorya at konsepto sa klase sa iba’t ibang larangang kinabibilangan ng mga mag-aaral katulad ng publikong sektor, pribadong orgasisasyon, pang-edukasyon na institusyon at larangan ng kawanggawa (cause-oriented groups).

·      Pahalagahan at paghalawan ng karunungan at inspirasyon ang aplikasyon ng kaalaman ng mga adult learner batay sa kanilang organisasyon, institusyon at larangan.

·      Bigyang diin ang problem-based learning at problem-centered approach sa paradigma at paraan ng pagtuturo upang tuwirang makatugon sa mga napapanahong problema at hamon sa empleyo, larangan at lipunan.

·      Hikayatin ang mga mag-aaral na hangarin ang patuloy na pag-aaral at pagsasanay hindi lamang para sa personal na pag-unlad kundi lalo na para sa pambansang kaunlaran.

 

·      Bigyang-puwang tuwina sa talakayan ang pakikipagtalaban ng mga mag-aaral sa buhay na karanasan (lived experiences and living encounters) sa pamantasan, empleyo, industriya, organisasyon, komunidad, larangan at lipunan.

·      Ikonteksto ang buhay at danas ng mga mag-aaral gamit ang socio-ecological model upang ganap na masaklaw ang micro (personal), meso (organisasyonal) at macro (panlipunan) na dimensyon ng pag-iral (existence).

·      Hikayatin ang mga adult learner na kritikal na pagnilayan ang mga nakaraan at kasalukuyang danas sa empleyo at larangan bilang bahagi ng pagiging reflective practitioners.

·      Ipaloob sa pedagohiya ang case studies, simulations and role plays upang holistikong makita ang nagtatambalan (converging) at nagtatalabang (diverging) mga salik at puwersa sa larangan at mas malawak na lipunan.

·      Itampok sa case analyses, simulations and role plays ang mga sumusunod na usapin: policy issues, procedural issues, resource allocation issues, recruitment issues, leadership issues at iba pang alalahanin.

·      Linangin ang kasanayan ng mga mag-aaral na tukuyin ang mga ugat ng problema (problem source) at makapagmungkahi ng mga likas-kayang solusyon (sustainable solutions).

·      Bigyang-diin ang kahalagahan ng pananaliksik sa pag-aaral, paglalatag ng solusyon at pagpapaunlad ng larangan.

·      Gawing sandigan ang pananaliksik sa pagbuo at pagpapayabong ng teorya at pagteteorya. Pinauunlad din ng pananaliksik ang praktika.

·      Hikayatin ang mga mag-aaral na magsulat ng journal para itala ang kanilang mga repleksyon ukol sa pag-aaral, pagsasanay at empleyo.  Maaari rin itong maging batayan at datos kapag sila ay nagsulat ng auto-ethnography ng kanilang damdamin, danas at direksyon katambal ang mas malawak na panlipunang koteksto.

·      Gamitan ng action research at participatory action research ang pagsisiyasat upang mas maging lapat at demokratiko ang pag-aaral. Bilang panimula, maaaring sumangguni sa dalawang artikulong ito: Action Research 101 – Pinoy Peryodiko at Participatory Action Research 101 – Pinoy Peryodiko

·      Paunlarin ang kasanayan ng mga adult learner sa mga kasalukuyang gawain at ihanda sila sa mga inaasahang gampanin sa hinaharap sa pamamagitan ng kurso at kurikulum.

·      Ikonsidera ang mga sumusunod na mungkahi bilang oportunidad na makapag-aral muli upang umunlad pa lalo sa larangan: Home | UPOU MODeL, Academics – University of the Philippines Open University (tingnan ang kategoryang graduate certificate, diploma, masters at doctorate) at Graduate Degree Programs – College of Arts and Sciences.

·      Buklurin at hikayatin ang mga mag-aaral na maging kolaboratibo at kolektibo sa pagtukoy ng problema at pagbalangkas ng solusyon upang mapalakas ang interpropesyonal, intersektoral at interdisiplinal na estratehiya.

·      Hikayatin din sila bumuo ng community of learners (CoL) at community of practice (CoP) upang higit na yumabong, lumawak, lumalim, tumatag at tumalas.

Bilang pagbubuo(d), mahalagang tandaan na ang pag-aaral at pagsasanay ay dapat naghahangad nang matayog hindi lamang para sa sarili at organisasyon kundi lalo na para sa mas malawak na lipunan. Lagi ring isaisip na ang pagkatuto ay walang hangganan at ang edukasyon ay hindi dapat makasarili.

Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaaring umugnay sa [email protected].

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -