GAGAWING gabay ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang “blindfold mentality” sa kanyang pamumuno ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa korapsyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects – habang idiniin niya na hindi kailangang tigilan ang imbestigasyon ng Senado ngayong nalikha na ng Malacanang ang independent probe commission, dahil “complementary” ang trabaho nila.
Binigyang-diin ni Lacson na nangangahulugang gagalaw ang komite base lamang sa ebidensya, at walang sasantuhin — kahit pa mga mambabatas o empleyado. Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Setyembre 18.
Ipinunto din ni Lacson na ang P355-milyong insertion sa 2025 budget, na sakop ng imbestigasyon, ay patunay na kailangang makilala ang mga nagmungkahi ng mga amendment o insertion sa paghubog ng badyet. Ang ganitong transparency ay matagal nang pinaglalaban ni Lacson.
“Let me emphasize that the committee’s ongoing inquiry is in aid of legislation and does not intend to target any senator or congressman, particularly Sen. Jinggoy Estrada. But in pushing for crafting legislation for full transparency in the entire budget process, the P355-million insertion brought to light the necessity of identifying proponents of amendments or insertions in the crafting of the annual General Appropriations Act,” diin ni Lacson.
“Ako, laging blindfold mentality. Hindi tama ang meron kang tinitingnan at pinagtatakpan. Maliligaw ang takbo ng investigation,” ani Lacson sa panayam ng Bombo Radyo Philippines nitong Biyernes. “Pag nag-imbestiga, maski sinong tamaan, huwag mamili, huwag maging selective… maski sino. Kasi kung meron kang titingnan o pagtatakpan, para ano pa tayo mag-imbestiga?” dagdag niya.
Trabaho ng Independent Commission at Blue Ribbon, ‘complementary’
Hindi pumayag si Lacson sa suhestyon na tigilan ang imbestigasyon ng Senado dahil may nalikha nang independent commission. “Mag-complement ang dalawa, hindi magtatagisan,” aniya sa panayam sa NET25.
“Hiwalay ang gawa sa independent commission. Dapat nagko-complement sila, di parang nagko-compete. Sa aking pananaw, close coordination assist kami sa nakalap na ebidensya padala namin sa independent commission. Kung may kailangan kami sa kanila in aid of legislation, hihiling kami sa kanila ng kung anong record meron sila para makatulong sa amin,” dagdag niya.
Mga imbitado sa pagdinig
Isa sa ipatatawag sa pagdinig ay si Mina Jose, isang umano’y kinatawan ng WJ Construction na base sa kuha ng Senate security cameras ay pumasok sa gusali ng Senado noong Agosto 19 at bumisita sa isang opisina sa ikatlong palapag.
Naugnay ang WJ Construction sa isyu matapos umanong magsagawa ng “delivery of obligation” o lagay matapos manalo ng proyekto mula kay dating Bulacan First District Engineering Office head Henry Alcantara.
“Pina-check ko ang logbook … dahil kailangang i-confirm sa pupuntahan for security reasons. Yan pinakukuha ko ngayon, kung sino ang nag-accommodate sa Mina ng WJ Construction,” ani Lacson. Sa panayam sa NET25, binanggit ni Lacson ang inisyal na impormasyon na ang pangalang WJ ay ang initial ng may-ari ng kumpanya na si Warren Jose.
Ipapatawag din ng komite ang mga kinatawan ng WJ Construction upang siyasatin ang akusasyon ni dating engineer Brice Hernandez hinggil sa umano’y “delivery of obligation” o lagay kay Sen. Jinggoy Estrada, na mariing itinanggi naman ni Estrada. Binanggit ni Lacson na ang screenshots na pinakita ni Hernandez ay noon pang 2022.
Dagdag ni Lacson, si Beng Ramos, na empleyado ng Blue Ribbon panel na naiugnay sa umano’y “delivery of obligation” ng WJ Construction, ay nailipat na sa motor pool section ng Senado.
Sinabi rin ni Lacson na ipatatawag ng komite si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, upang ipaliwanag ang kanyang Viber message na nag-aanyaya sa staff ni Senate President Vicente Sotto III na magmungkahi ng maagang insertions para sa 2026 budget.
Kasama ring ipatatawag ang tinaguriang “BGC Boys” ng DPWH, mga opisyal na umanong nagsusugal ng daan-daang milyong piso mula sa buwis ng bayan sa mga casino.
Ipapatawag din ang mag-asawang Discaya, sina Cezarah at Pacifico III. Binigyang-diin ni Lacson na nagbigay ang Discayas ng magkaibang testimonya sa Senado at Kamara. “Para maliwanagan din kung sila ba nag tell-all or nag tell-half,” aniya.
Samantala, inimbitahan din ni Lacson ang mga kinatawan ng Department of Budget and Management (DBM) upang magbigay-linaw sa P355 milyong insertion para sa mga proyektong nakalaan sa Bulacan.
Aniya, ang unang nakita nila ay ginawa ang insertion sa Senate version ng budget bill o kaya’y sa bicameral conference committee. Mula sa P355 milyon, pitong proyekto sa Bulacan ang na-award, kabilang ang lima noong Mayo 2025 at dalawa noong Hulyo 2025.
“Ipapa-formalize ko sa DBM ang story ng P355M kasi alam nila paano i-distribute,” ani Lacson.
“Di ko sinasabing illegal pero hindi proper. Ang na-violate doon ang rules, under our rules na disagreeing provisions lang ang dapat tinatalakay,” dagdag niya.
ASPN interview: https://www.youtube.com/watch?v=a22vAWq-6i4 Bombo Radyo interview: https://www.youtube.com/watch?v=FT1aYLtQc10



