PANATILIHING buhay ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos, sa sarili, at sa pag-asa na posible ang pagbabago upang mapanatili ang pag-asa at tapang sa laban para sa hustisya.
Ito ang paalala ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa ating mga kababayan nitong September 21, 2025, ilang oras bago ang mga protesta sa Luneta Park at EDSA Shrine.
“How do we walk, is it by sight or is it by faith? Faith in God ang number one. Pero maraming faith. (Tulad ng) faith in government. Maraming nawawala ng pag-asa,” wika ng senador nitong umaga ng Linggo.
Aniya, kahit na magkakaiba ang paraan ng pagprotesta, iisa pa rin ang layunin ng marami – ang labanan ang korapsyon at paghangad ng mas mabuting buhay para sa lahat.
“Marami po sa ating mga kababayan ang magpo-protest in different ways. Ang unifying or common denominator is good governance, better life, and anti-corruption,” aniya.
Ibinahagi rin niya ang pagninilay ng mga ipinaglalaban ng iba’t ibang sektor sa lipunan.
“To those in politics now, ano ba talaga pinaglalaban natin? To educators — anong core values ang pinaglalaban natin? Sa mga kapwa Christians — What does it mean to us, yung Kingdom of God? What does it mean to us to be a Christian? What does it mean to us na tinatawag natin sariling Christian nation? Anong pinaglalaban natin?” tanong niya.
Ipinaalala rin niya ang bigat ng kapalit sa tuwing ipinaglalaban ang paniniwala. “Basta’t lumaban ka, may cost. So yung iba, hirap na hirap… But yu’ng cost na iyon nagiging magaan kung natatandaan natin kung ano ang ating pinaglalaban,” paliwanag ng senador..
Nagbahagi rin siya ng personal na karanasan na nagpatibay sa kanyang layunin bilang lingkod-bayan, at kung paano ang simpleng kilos na ito ay nagbigay inspirasyon sa kanya.
“Ito pong sulat (na natanggap mula sa flight attendant) sabi, ‘Thank you for your service, Senator. Huwag po sana kayong magsawa na ipaglaban ang Pilipino.’ Itong small gesture reminded me to repent kung may mali. Restitute. Account. Do better. It not only encouraged me, but also showed me that I have to do better and that may nag-appreciate,” kwento niya.
Tinapos niya ang live sa pagpapaalala sa kahalagahan ng pagdarasal kasabay ng pagkilos para sa tunay na pagbabago.
“Keep praying for our nation. Start with gratitude in our heart, kahit galit na galit po tayo,” aniya.



