26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Posibleng bakuna laban sa ulcer, sinasaliksik ng Ateneo

- Advertisement -
- Advertisement -

MULA pa noong unang panahon, pinaniniwalaan na ang ulcer sa tiyan ay dulot ng maanghang o di-wastong pagkain. Ngunit natuklasan ng mga siyentipiko na ang tunay na sanhi ng ulcer na nagpapataas din ng tsansang magkaroon ng kanser sa sikmura ay ang mikrobyong may pangalan na Helicobacter pylori. Taglay ng higit sa 60% ng populasyon ng buong mundo ang mikrobyong ito.

Gumamit ang mga mananalliksik sa Ateneo ng computer software at computational techniques na naglalayong pag-aralan ang immune system—isang prosesong tinatawag na “immunoinformatics.” SOURCE: Chacon et al., 2025

Pinag-aaralan ngayon ng mga siyentipiko mula sa Department of Biology ng Ateneo de Manila University School of Science and Engineering ang pagbuo ng posibleng bakuna laban sa H. pylori, na maaaring makapigil sa pagkakaroon ng ulcer at makabawas sa panganib na magkaroon ng kanser.

Pinangunahan nina Demy Valerie Chacon, Kiana Alika Co, Daphne Noreen Enriquez, Aubrey Love Labarda, Reanne Eden Manongsong, at Edward Kevin Bragais, ang pag-aaral ay gumamit ng “immunoinformatics”—isang makabagong paraan ng pananaliksik na gumagamit ng computer science at immunology — upang siyasatin ang H. pylori at tukuyin kung aling bahagi nito ang maaaring gamitin bilang pangpuksa rito. Sa pamamagitan ng pagsusuri ng libu-libong gene sequence, mabilis at mas madaling natukoy ng mga siyentipiko ang mga posibleng target ng bakuna, kumpara sa mga tradisyunal na paraan ng pagsasaliksik sa laboratoryo.

Natukoy ng mga biologist ng Ateneo ang mahahalagang protinang tumutulong sa H. pylori na mabuhay sa asido ng sikmura, dumikit sa lining nito, at iwasan ang natural na depensa ng katawan. Natukoy rin nila ang mga bahagi ng mga protinang ito na pinaniniwalaang ligtas, hindi nagdudulot ng allergy, at may kakayahang mag-activate ng mga protektibong selula ng immune system.

Bagama’t nasa paunang yugto pa lamang at nakabatay sa mga computer simulation pa lamang ang kanilang pag-aaral, umaasa ang mga Ateneo researchers na masundan ito ng pagsubok sa laboratoryo para mapatunayan kung mabisa nga ang gagawing gamot na galing dito. Sa ngayon, wala pang aprubadong bakuna laban sa H. pylori sa buong mundo. Subalit kung magtagumpay, ang pananaliksik ng Ateneo ay maaaring magbukas ng daan para sa unang bakuna laban sa H. pylori—isang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang mga tao laban sa ulcer at kanser sa sikmura.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -