26.7 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Remulla: Courtesy resignation ipatutupad upang matiyak ang integridad at kahusayan ng serbisyo publiko

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING rerepasuhin ng Office of the Ombudsman ang organisasyon ng buong tanggapan upang bigyang puwang ang pagsasaayos at palakasin ang integridad nito.

Larawan mula sa The Manila Times

Base sa Office Order 347 na nilagdaan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Oktubre 22, 2025, sinabi rito: “The following Senior officials and employees with Salary Grades 25 to 29 amd whose appointments were issued covering the period May 29, 2025 – July 27, 2025 are hereby requested to tender their courtesy resignation within seven days from date hereof.”

Bukod pa sa halos 100 pangalan na nasa listahan ng kautusan, ipinag-utos rin ni Remulla na gawin din ito ng iba pang kawani na nasa salary grade 24 pababa na pawang naitalaga sa tungkulin dalawang buwan bago ang pagtatapos ng termino ni dating Ombudsman Atty. Samuel Martires.

Tiniyak ni Remulla na hindi lalabag sa labor at civil service ang pagrerebisa sa appointment ng mga kawani.

Ayon sa Ombudsman, may 204 na bagong tanggap na kawani nitong July sa Office of the Ombudsman.

“Unfortunately, last July, there were 204 new hires in the Office of the Ombudsman,” aniya. “I will ask these 204 people to reapply – lest they be treated as midnight appointees.”

Courtesy resignation o sapilitang pagbibitiw?

Sa ilalim ng batas, may kapangyarihan ang Ombudsman na mamahala at magtalaga ng mga opisyal at kawani sa kanyang tanggapan. Bilang pinuno, maaari siyang magsagawa ng reorganisasyon at magrepaso ng mga bagong appointment upang matiyak ang integridad at kahusayan ng serbisyo publiko na isinasaad sa Republic Act No. 6770 o Ombudsman Act of 1989.

Samantala, ayon sa Civil Service Commission (CSC), kusang-loob dapat ang anumang pagbibitiw at hindi bunga ng pamimilit o takot na matanggal sa trabaho.

Kapag ang isang opisyal ay napilitang magbitiw dahil sa utos o pagbabanta, maituturing itong coerced resignation, na labag sa batas.

Dagdag pa rito, may “security of tenure” ang mga career officials ng gobyerno — ibig sabihin, hindi sila maaaring tanggalin o piliting mag-resign maliban kung may just cause o due process.

Kung ang mga opisyal naman ay career employees na may plantilla position at nakuha sa pamamagitan ng regular civil service process, ang sapilitang pagpaparesign ay maaaring labag sa batas at maituturing na grave abuse of authority.

Sa pahayag ni Remulla, sinabi nitong hihilingin ng Office of the Ombudsman na muling mag-apply ang 204 na kawani na hinihinalang mga “midnight appointees.”

Rerepasuhin ng tanggapan ang kanilang aplikasyon gayong sila ay nasa six-month probationary period pa lamang.

Loyalty sa tanggapan

Samantala, sa pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano sa isang press briefing, sinabi nito na ang panawagan para sa mga bagong hire na kawani ng Office of the Ombudsman na magsumite ng kanilang ‘courtesy resignation’ ay upang ipakita nila ang kanilang loyalty sa tanggapan at hindi sa sino mang indibidwal.

Marami-rami na rin, aniya, ang nagsumite ng kanilang courtesy resignation bagama’t mayroon din namang ilan na kumikilos upang hindi ito isagawa.

“There are certain moves where they are gathering support to avoid the filing of courtesy resignations, and the Ombudsman is aware of that.  But again, he’s giving another chance to these individuals to really file their courtesy resignations as a show of good faith,” pahayag ni Clavano.

Sa naunang pahayag, sinabi ni Remulla na sa kanyang pagpasok sa tanggapan, nadiskubre niyang may mga nakapwesto na sa mga inaasahan niyang bukas  na posisyon para sa reorganisasyon.

“You don’t want to arrive in a place and see that all the seats expected for your team have been suddenly filled up,” saad ni Remulla . “That’s not how things should work.”

Reaksyon ni Martires

Sa panayam ng dzBB Super Radyo, sinabi ni Martires  na hindi naman isang political office ang Office of the Ombudsman para magkaroon ng midnight appointees.

Bukod pa rito, aniya, kinailangan  ng tanggapan ang kumuha ng mga bago at mag-promote ng mga tauhan nito noong nakaraang taon.

Sinang-ayunan umano ng Department of Budget and Management (DBM) na kumuha siya ng 60 bagong abogado nitong Agosto 2024 upang mapabilis ang resolusyon ng mga reklamo.

Inaprubahan ng DBM ang kanyang kahilingan noong Enero ngayong taon kung kaya mabilis na inilathala ang pangangailangan sa mga bagong posisyong ito ng Civil Service Commission. Bukod sa 60 bagong posisyon, inaprubahan din ng DBM ang pagkuha niya ng ibang kawani para sa iba pang plantilla position sa Office of the Ombudsman.

“These 204, mula driver ‘yun hanggang mga lawyer sa taas,” saad ni Martires.

Dinepensahan rin ni Martires ang pagkakatalaga sa dalawang Assistant Ombudsman. Aniya, na-promote sila dahil sa kanilang kakayahan upang punan ang nabakanteng posisyon ng mga nagretirong Assistant Ombudsman.

“Hindi mo pwede itengga ‘yun kasi ito ‘yung pinaka-supervisor ng bureau. So immediately it was also published. May nag-qualify, in-appoint,” dagdag pa niya.

Reorganisasyong naantala lang dahil sa pandemya

Sa isang facebook post ni Atty. Anthony Ludalvi Vista, dating nagtatrabaho sa Office of the Ombudsman, sinabi niyang hindi midnight appointees ang mga itinalagang kawani ni dating Ombudsman Martires dahil resulta ito ng malawakang reorganisasyon na naantala lamang dahil sa pandemya.

Aniya, sa panahon ni Martires bilang Ombudsman, hindi ito tumanggap ng mga bagong kawani at hindi rin nag-promote. Ito ay ginawa upang maisagawa ang pagrerepaso sa organisasyon at maireclassify ang mga posisyon upang masolusyunan ang overlapping function at hindi balanseng bilang ng kawani.

Ayon kay Vista, bumalik siya sa Office of the Ombudsman noong 2017 at nasaksihan niya ang isinagawang aksyon na ito ni Martires, kung saan siya mismo, hindi nakaranas ma-promote hanggang sa umalis siya taong 2022.

Planong isakatuparan, aniya, ang reorganisasyon taong 2020 o 2021 ngunit nagkaroon ng pandemya kung kaya naisakatuparan lamang ito taong 2025, bago magretiro si Martires.

Lahat, aniya, na appointment ay prinoseso at pinatunayan ng CSC kung kaya pinal at permanente na ang pagtatalaga sa kanila, kung saan nagkaroon na sila ng security of tenure, base Presidential Decree No. 807 (Civil Service Decree of the Philippines) and Book V, Title I, Subtitle A, Chapter 5 of the Administrative Code of 1987.

Hindi rin, aniya, matatawag na “midnight appointments” ang nangyari dahil hindi naman sila itinalaga ng Pangulo o ng Acting President, sa halip isang independent body ang Office of the Ombudsman na hindi sakop ng sangay na Ehekutibo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -