NAGPAABOT ng pakikiramay at pagluluksa ang Malacañang nitong Biyernes, Disyembre 19, 2025, sa pamilya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, na pumanaw makaraan umanong mahulog sa bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet noong Huwebes ng gabi.
“Nakikiramay po tayo sa pamilya ng naiwan po ni former Usec Cabral. At nakakalungkot po ang nangyari pero ‘yun po, muli nakikiramay po tayo,” ani Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Palasyo.
Inihayag ng Palace Press Officer na iginagalang ng Malacañang ang privacy ng pamilya ni Cabral.
Bagamat kasama si Cabral sa iniimbestigahan kaugnay sa mga iregularidad sa flood control projects sa DPWH, wala pa namang isinampang kaso laban sa kanya, ayon kay Castro.
“Sa ngayon ay wala pong kaso… Nasa kamay na iyan ng mga mag-iimbestiga. So, sa ngayon, wala pong kinakaharap na kaso si Usec. Cabral,” sinabi ni Castro.
“Ginagalang po natin muna pansamantala ang pribadong buhay at ang pamilya ni Usec. Cabral. Sa ngayon wala pong pinag-uutos ang Pangulo at muli walang kaso. At kung mayroon man pag-iimbestiga na gagawin bahala na po, nasa kamay na ito ng mga investigating bodies,” ani pa ni Castro.
Sinabi pa ng Palace Press Officer na iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pagkamatay ng dating opisyal ng DPWH. | PND



