NAGSUMITE ng panibagong datos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang remedyuhan ang hindi kumpletong impormasyong naunang ipinasa nito sa Senate committee on finance na magiging basehan ng pagtataya nito ng nararapat na alokasyon para sa kagawaran.
Ito, matapos igiit ng Senado na kaltasan pa ang pinababa nang budget para sa 2026 na inaprubahan ng mababang kapulungan ng kongreso na P624.48 bilyon. Para sa taong 2025, umabot sa P1.087 trilyon ang naging budget ng DPWH, kasama rito ang P26 bilyong na bi-neto ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa inilabas na pahayag ng DPWH nitong Disyembre 16, sinabi nito na nagsumite sila ng project-category-based data upang remedyuhan ang di kumpletong impormasyon ng nauna nilang ipinasa sa Senate committee on Finance kaugnay ng aplikasyon ng updated Construction Materials Price Data (CMPD).
Sa isinumite nitong impormasyon kasama na rito ang ibang gastos gaya ng transportasyon ng mga materyales at lokal na presyo na nagbabago dahil sa kalayuan o kalibliban ng lugar.
Natanto ng DPWH ang kakulangan sa impormasyon ng nauna nitong isinumiteng Regional Adjustment Factors kung kaya ayon sa DPWH, hindi makakalkula ng tama ng komite ang mga “specific project-level adjustments” para sa may 10,000 apektadong proyekto ng DPWH.
“We acknowledge our oversight in providing only the Regional Adjustment Factors and fully agree that this limited information was inadequate for the Committee to accurately determine the specific, project-level adjustments for the nearly 10,000 affected projects.
“To address this, the DPWH has submitted additional, project-category-based data that incorporates key variables such as hauling distances and localized market behaviors, resulting in a more realistic basis for funding.
“The DPWH is fully committed to transparency and to ensuring that all adjustments are made with technical integrity and operational feasibility.” ayon sa pahayag.
Bersyon ng mga kongresman at senador
Sa bersyon ng Mababang Kapulungan, inaprubahan nito ang P624.48 bilyon panukalang budget para sa 2026 ng DPWH ngunit kinaltasan ito ng Senado ng P54 bilyon para maging P570.48 bilyon.
Base sa P1.087 trilyong budget ng DPWH ngayong taon, lumalabas na mas mababa ng P462.52 bilyon ang budget sa susunod na taon kumpara ngayong 2025 base sa inaprubahan ng mababang kapulungan o P516.52 bilyong mas mababa kung base sa panukala ng mga senador.
Resulta ang mababang panukala ng DPWH sa pagbasura ng budget para sa lahat ng flood control projects dulot ng pagkakadiskubre ng multi-milyong halaga ng anomalya sa mga proyektong ito.
Pakiusap ng DPWH
Sa pagdinig ng bicameral conference committee, ang komite na kinabibilangan ng dalawang kapulungan ng Kongreso–Mababa at Mataas na Kapulungan, hiniling ni DPWH Secretary Vince Dizon na huwag na kaltasin pa ang kanilang proposed budget.
Dahil aniya, mananatili ang mababang presyo at walang flood-control projects o ano mang proyekto na ibabalik.
“Unang-una, hindi po totoo na ibinabalik na po ng DPWH yung dating presyo. Hindi po totoo ‘yun…Ang presyo na ibinababa natin ay hindi ibabalik sa lumang mas mataas na presyo. At sa tingin ko po, sa reporma ng Pangulo, hindi na ito maibabalik in the future,” ani Dizon sa deliberasyon ng panukalang P6.793-trilyong national budget para sa 2026.
“Ikalawa, wala pong ibang project na ipinapabalik ang DPWH. Wala po. Whether flood control project o kahit anong project. Wala pong laman yung ating kasulatan kay Senator Win Gatchalian at sa House contingent, na nagsasabi na ipinapabalik natin ang iba’t-ibang mga proyekto. Wala tayong pinapabalik na kahit anong proyektong tinanggal whether ayan ay flood control, tulay, kalye, multi-purpose building,” dagdag pa ng kalihim.
Kwestyon ni Kiko
Aminado si Secretary Dizon na overpriced ang presyong pinagbabasehan ng DPWH at sumang-ayon ito na kailangang bawasan ito, base sa mga nakaraang pagdinig sa Senado.
Kung kaya kinuwestyon siya ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kung bakit nais nito ngayong ibalik ang bilyong halagang tinapyas ng Senado sa budget para sa 2026.
“Secretary Dizon, I hope you understand, based doon sa hearings and the transcripts are here, inamin mo na overpriced, nagkaroon ng exchange, bawasan natin yung taba. Sinabi mo, ‘yes, bawasan natin yung taba,’ dahil nga yung taba na yun yun yung overpriced. Pero ngayon babalik ka sa amin at sasabihing wag na bawasan yung taba?” ani Pangilinan kay Dizon.
“Baka maaring bawasan pa rin natin, siguro mas maliit na halaga, pero bawasan pa rin natin dahil maliwanag na may taba,” dagdag ni Pangilinan.
Nagpahayag naman ng pagtitiyak si Dizon na siguradong bababa ang presyo ng mga proyekto sa 2026 dahil sa bagong Construction Materials Price Data (CMPD) na isinumite ng DPWH.
Sa mga ulat, sinabi rin ni Dizon na kinakailangang maging accurate ang pagtataya ng Senado para malapit sa aktwal na presyo ang kalabasan.
Posibleng epekto
Direktiba ni Pangulong Marcos na ibaba ang presyo ng mga materyales upang mawala ang overpricing.
Subalit, binigyang-diin din ng Pangulo, ayon kay Dizon, na mahalagang maisakatuparan ang mga proyektong pang imprastraktura ng pamahalaan upang tumakbo ang ekonomiya.
Aniya, pinapahalagahan din ng pangulo na mapalakas ang paggasta para sa mga imprastraktura at pagsasagawa ng mga proyektong ito na makatutulong upang palakasin ang ekonomiya ng bansa.
“Our fear is that the cut made using our adjustment factors, across the board, across roughly 10,000 projects in the General Appropriations Bill may result inevitably in projects that will end up being unimplementable because of the way that they were applied to the various projects.”
Saan ililipat ang budget
Upang hindi makaapekto ang malaking halagang mababawas sa budget ng DPWH, iniisip ng bicameral conference committee ang tamang paglalagakan ng kinaltas dito.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Angela Suansing, malaki ang magiging epekto sa ekonomiya, hanapbuhay at lokal na komunidad kung hindi maisasakatuparan ang mga proyekto.
“The DPWH, the Senate, and the Congress all believe that the overpriced component in the pricing of DPWH should be cut. That’s where we have a problem–with how we will apply it,” paliwanag ni Suansing.
“If we assume 25 percent of these projects become unimplementable, that’s P101 billion worth of projects that could be wasted,” saad ng kongresista.
National Budget
Parehong inaprubahan ng Senado at Kongreso sa magkahiwalay nitong deliberasyon ang panukala ng Department of Budget and Management sa P6.793-trilyong national budget para sa taong 2026.
Sinimulan ng dalawang kapulungan ang bicameral conference committee nitong Disyembre 13, 2025 ang deliberasyon para sa House Bill No. 4058, o ang proposed 2026 General Appropriations Act.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naka-livestream para mapanood ng publiko ang deliberasyon na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Pormal itong binuksan nina Senate Committee on Finance Chairperson Senador Sherwin Gatchalian at Nueva Ecija 1st District Rep. Suansing.
Layunin ng bicameral conference committee na pagkaisahin ang mga probisyon ng dalawang kapulungan kaugnay ng panukalang P6.793-trilyong national budget.

