26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

May epekto ba ang pagtuturong online sa produktibidad ng mga manggagawa?

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo ay dumalo ako sa isang diskusyon tungkol sa mga hamon sa pagtuturong hybrid sa aming pamantasan. Ang pagtuturong hybrid ay pinaghahalo ang pagtuturong online at pagtuturong onsite o harap harapang pagtuturo sa pagitan ng professor at mga estudyante sa loob ng klasrum.

Ang mga sumasalungat sa hybrid na pamamaraan ng pagtuturo ay tutol lang talaga sa pagtuturong online. May naniniwalang hindi gaanong natututo ang mga estudyante sa ganitong pamamaraan dahil makitid lamang ang partisipasyon nila sa klase. Madalas hindi alam ng professor kung nakikinig sa lektyur ang mga estudyante dahil hindi nila binubuksan ang kanilang camera. May mga pagkakataon, hindi rin nagtuturo ang profesor at ginagawang asynchronous ang klase at nagbibigay na lamang ng mga takdang aralin. Mahirap ding magbigay ng pagtatasa sa pagtuturong online dahil maraming kopyahan ang nangyayari at madalas sumasangguni ang mga estudyante sa artificial intelligence.

Tinatanggap kong may mga limitasyon ang pagtuturong online ngunit naniniwala pa rin ako sa alternatibbong hybrid maraming positibong katangian ang alternatibong ito. Una, hindi napuputol ang paglalaan ng pagtuturo kahit may malakas na ulan, may jeepney strike, matindi ang trapik dahil sa parada o baha ang mga kalye.  Ikalawa, hindi kinakailangang maglektyur nang buong oras ang profesor dahil pwedeng panoorin ang kanyang mga video at video ng ibang professor sa YouTube. Ikatlo, maraming maisasagawang kreatibong alternatibo upang matuto tulad ng group discussion, tanungan, pagtatalo at iba pa. Ika-apat, matipid sa oras at salapi sa paghahanda, pananamit at transportasyon dahil hindi na pumupunta sa pisikal na pamantasan. Ikalima, may pagkakataon ding makapagturo nang harap harapan sa mga estudyante. Ika-anim, nakaaambag ang pagtuturong hybrid sa pagbabawas ng trapik dahil halos kalahati ng mga estudyante ay wala sa pamantasan. Kaya’t ang anumang hamon ng klaseng online ay tinugunan ko sa pamamagitan ng paghahati ng klase sa dalawang grupo at pagsasagawa ng tanungan, pagbibigay ng maikling talumpati at pagtatalo batay sa mga inihandang tanong at video.

Napansin ko sa aming diskusyon, kahit mga professor na ang mga nagsasalita, hindi pa rin  siyentipiko ang kanilang pananaw tungkol sa sanhi at epekto. Nakabatay ang kanilang argumento laban pagtuturong hybrid sa kuro kuro, sabi sabi, sariling karanasan at makitid na ebidensiya. Naisip ko tuloy na magbalak ng isang pananaliksik kung naging masama ba ang pagtuturo ng online sa kakayahan, kasanayan at kagalingan ng mga estudyante. Nais kong subukan kung ang mga estudyanteng nakaranas ng  purong klaseng online noong kasagsagan ng lockdown bunga ng pananalasa ng pandemya ng Covid ay nagbabaan ang kaalaman at nauwi sa mababang produktibidad sa bilihang paggawa.

Nais kong suriin kung ano ang epekto sa mga estudyanteng nag-aral sa pamamagitan ng online teaching sa kanilang partisipasyon, kita at iba pang tinatamasa sa bilihan ng paggawa. Maaaring gamitin ang pamamaraang pagtutugma ng propensity score.

Ang aking tanong saliksik ay bumaba ba ang produktibidad ng mga manggagawang aral sa online na pagtuturo?

Upang maisagawa ito dapat maglatag ng isang pagsusuring regression na susukat sa ambag ng iba’t ibang katangiang sosyo-ekonomiko at demograpiko sa probabilidad na makasama sa mga manggagawang nasa hukbong paggawa noong 2023 na may edad 22 hanggang 24 taong gulang na nagtapos ng kolehiyo. Pinili ang taong 2023 dahil ang mga estudyanteng aral sa pamamaraang online ay nagtapos na sa kolehiyo at kasama na sa hukbong paggawa sa taong nabanggit. Ito ang treatment group dahil tumanggap sila ng pagtuturong online.

Kasama sa mga potensiyal na nagpapaliwanag na varyabol na modelong regression na nakakaambag sa pagtatapos ng kolehiyo ay ang antas ng pag-aaral ng ama, antas pag-aaral ng ina, kita ng pamilya, lugar ng tahanan, laki ng pamahayan, kasarian, at uri ng bahay.

Ang natapos na pag-aaral ng ama ay nagsasaad ng kakayahang magbayad ng edukasyong pang kolehiyo. Samantala, ang edukasyon ng ina ay itinuturing senyas ng kakayahan ng indibidwal. Ang lugar kung saan naninirahan na malapit sa mga unibersidad ay may positibong ambag sa pagpasok sa kolehiyo. Ang uri ng bahay ay tanda ng yaman ng pamilya. Samantala, ang maliit na pamilya at kasarian ay maaaring makaapekto din sa partisipasyon sa pag-aaral.

Muli dito, hahanap ng mga manggagawa nasa hukbong paggawa noong 2018 (bago ang pandemya) na hindi tumanggap ng online teaching na may edad 22 hanggang 24 taong gulang at nagtapos sa kolehiyo. Sila ang control group na may mga katangiang sosyo-ekonomiko at demographiko tulad ng treatment group ngunit hindi nakaranas ng pagtuturong online.

Matapos sukatin ang mga propensity score ng mga indibidwal sa treatment at control group at mapatunayang balanse ang pagtutugma, isailalim sa pagsubok ang produktibidad, sahod at iba pang tinatamasa sa hukbong paggawa ng dalawang grupo.

Kapag napatunayang halos walang pagkakaibang makabuluhang estadistikal sa pagitan ng mga natuto sa online at natutuo sa onsite sa kanilang tinatamasa sa bilihan ng paggawa, hindi maaaring gamitin ang argumentong walang natutunan ang mga estudyante sa online na pagtuturo. Marahil sa pangangatwirang ito titigil na ang mga maling argumento laban sa pagtuturong online.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -