NAGBUGA ng abo ang Bulkang Kanlaon bandang 4:38 ng hapon kahapon, Huwebes, Pebrero 19, 2026 na, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Batay sa tala ng seismic record, nagsimula ang pagsabog pasado alas-4:38 ng hapon at tumagal humigit kumulang sa dalawang minuto.
Sabi ng Phivolcs, nagbuga ang bulkan ng makapal na usok na umabot sa 2,000 metro ang taas mula sa bunganga nito bago ito hanginin patungong timog-kanluran.
Idinagdag pa ng Phivolcs na maaari itong magdulot ng ashfall sa ilang lugar kung kaya’t pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa Negros Oriental at Negros Occidental, na manatiling mapagbantay, magsuot ng face mask kung may pagpatak ng abo, manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan, at mahigpit na sundin ang mga abiso at babala ng Phivolcs at ng mga lokal na pamahalaan.
Naitala rin ang pagdaloy ng pyroclastic density current (PDCs) o “uson” pababa sa bahagi ng itaas na dalisdis ng bulkan, sa loob ng isang kilometro mula sa tuktok ng crater.
Ang Kanlaon, na kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 2, ay nanatiling naglalabas ng abo matapos ang “moderate explosive burst.”
Nag-ulat ang mga residente sa Sitio Guintubdan sa Barangay Ara-al, La Carlota City sa Negros Occidental na nagkaroon ng pagbagsak ng abo sa lugar.
Muling ipinaalala ng Phivolcs ang kanilang warning na pagbabawal sa pagpasok sa loob ng apat na kilometrong radius ng Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pag-ulan ng abo, at pagdaloy ng mapanganib na volcanic materials.

