IGINIIT ni Senadora Loren Legarda sa Department of Agriculture (DA) ang agarang pagharap sa tumataas na presyo ng langis at patuloy na pagmahal ng mga pangunahing bilihin. Binigyang-babala niya na nabubulok na ang ani ng mga magsasaka habang halos kalahati ng maliliit na mangingisda sa Luzon ay tumigil na sa pangingisda.
Binigyang-diin ni Legarda na ramdam na ang krisis sa mismong mga komunidad, batay sa datos mula sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na nagpapakitang maraming maliliit na mangingisda sa Cavite, Bataan, Zambales, at Pangasinan ang hindi na pumapalaot. Ayon sa ulat, malaking bahagi ng kanilang gastos ang napupunta sa krudo, na nagbabanta sa lokal na suplay ng pagkain.
Sa pagdinig ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform noong Abril 8, inilatag ng mga opisyal ng DA ang kanilang mga programa ngunit nabigo silang magpresenta ng isang komprehensibong plano upang tugunan ang krisis.
“What is your action plan, your contingency plan? We are already six weeks into this crisis. We don’t want to hear that you are still planning,” ani Legarda, habang binibigyang-diin na ang patuloy na pagkaantala ay nagpapabigat sa kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Tinukoy rin ni Legarda ang sitwasyon sa Benguet kung saan natutuyo na lamang ang mga pananim. Tinanong niya kung may naibigay bang sasakyan o subsidiya sa gasolina at kung may crop mapping ba upang direktang maiugnay ang mga magsasaka sa merkado.
Inamin ng mga opisyal ng DA na limitado pa rin ang kanilang kakayahang tumugon dahil sa kakulangan ng pondo, kawalan ng nakalaang subsidiya sa gasolina, at mga problemang logistikal na pinabagal ng burukrasya.
Mariing tinutulan ni Legarda ang paliwanag na ito at iginiit na ang problema ay hindi kakulangan sa pondo kundi ang kabiguang gamitin ang resources nang may agarang aksyon at malikhaing paraan. Binigyang-diin niya na bilyon-bilyon ang pondo ng DA ngunit kulang pa rin sa agarang tulong, samantalang ang mga non-government organization ay nagagawang tumulong nang mas mabilis kahit limitado ang badyet.
Nanawagan si Legarda ng agarang hakbang tulad ng tulong sa transportasyon at gasolina, pagpapatupad ng cold chain, crop mapping, at emergency procurement. Ipinaalala rin niya na may mga pondong maaaring gamitin sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ng 2025, kabilang ang mga continuing appropriations na maaaring i-realign para sa agarang interbensyon.
“Kailangan nang tapusin ang masalimuot na proseso ng gobyerno para magamit sa fuel subsidy ng mga magsasaka at mangingisda. Hinihiling ko sa DA na maglatag ng malinaw na action plan kung saan ang mga food producers ay direktang ikokonekta sa merkado,” aniya.
Bilang mga posibleng agarang hakbang, iminungkahi ng senadora ang paggamit ng mga sasakyan ng gobyerno na hindi gaanong nagagamit dahil sa austerity measures upang gamitin sa paghakot ng mga produktong agrikultural. Maaaring kunin ang pondo para sa gasolina at iba pang logistics mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) upang matiyak ang mabilis na pagdadala ng ani mula sa bukid patungo sa merkado
Tinapos ni Legarda ang kanyang pahayag sa pagbibigay-diin sa agarang pangangailangang harapin ang krisis, at sinabing kinakailangan ang mabilis at matibay na hakbang upang maprotektahan ang mga magsasaka, mangingisda, pamilya, at mga mamimiling apektado ng tumataas na presyo at kakulangan sa suplay.



