BILANG chairperson ng Senate Committee on Public Services at bilang Auxiliary Rear Admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) Executive Squadron, patuloy na itinutulak ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang pagsasabatas ng kanyang Senate Bill No. (SBN) 2116 o “Revised Philippine Coast Guard Law”.
Sa kanyang Sponsorship Speech sa Senado , May 6, sinabi ni Sen. Raffy na layon ng SBN 2116 na palakasin ang manpower ng PCG upang mabigyan ng kapabilidad ang institusyon upang makapag-hire ng mas maraming kawani nang sa gayon ay mas malawak nitong magampanan ang kanilang tungkulin sa Maritime Safety Services, Marine Environmental Protection at Maritime Security Law Enforcement.
“Kung gaano sila kasipag gampanan ang kanilang trabaho, nakita ko rin ang maraming kakulangan upang maiangat ang estado ng mga tauhan at imahe ng institusyong ito,” saad niya.
“This is the very reason why I am here today to sponsor the Revised Philippine Coast Guard Law. While the PCG is the oldest coast guard in Southeast Asia at 125 years old, there remains critical gaps in their governing law that we aim to address through this landmark measure,” dagdag niya.
Bukod pa rito, ipinunto ni Sen. Idol na isa rin sa mga pangunahin layunin ng nasabing panukala ay tuluyan nang maresolba ang malaking gap o disparity sa sahod at mga benepisyong natatanggap ng PCG personnel at officers kumpara sa kanilang AFP at PNP counterparts.
Inihayag din ni Sen. Tulfo na sa oras na maisabatas agad ang SBN 2116 ay palalawakin din nito ang kapangyarihan ng PCG sa aspeto ng pagtatanggal ng mga shipwrecks, pagpapatupad ng anti-terrorism efforts sa ating mga karagatan, pagrekomenda ng tulong at suporta mula sa AFP kung kinakailangan at higit sa lahat ay ang pagiging bukas ng PCG upang pumasok sa mga international agreements.
Sinabi ni Sen. Raffy na kritikal ang rin ang pagsasabatas ng SBN 2116 upang mabigyan ng access ang PCG sa pagbili ng mga assets na may advanced technology upang masigurong nakakasabay tayo sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon pagdating sa maritime security at marine environmental protection.
Sa huli, mariing hinikayat ni Sen. Tulfo ang kapwa niya mga senador na suportahan ang kanyang panukalang batas para sa mas malakas ng structural organization ng PCG at masuklian ang tapang, dedikasyon at sakripisyo ng bawat kawani at opisyal ng Philippine Coast Guard lalo pa’t sila ngayon ang kinikilala nating frontliners sa pagtatanod sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea.
“The men and women of the PCG embody the best of the Filipino spirit – undaunted by challenge, undeterred by danger, and united in our purpose to serve the nation, and they deserve to have a stronger structural organization,” ani Tulfo.



