28.6 C
Manila
Martes, Hunyo 23, 2026

Maligayang paglalakbay, DAA

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

IBIG ko sana na mauna akong pabaunan mo ng ganyang pagbati.  

Una, nauna kang isinilang, naunang nakaranas ng kahirapan, ang di pagkakatulog sa gabing umuulan dahil sa kawalan ng espasyong paglalatagan ng banig na hindi tinutuluan, at una kang pumasok sa eskwela na nakayapak dahil walang pambili ng sapatos. 

Kung bakit lahat ng hirap na dinaanan mo mula pagkabata hanggang sa pagbi-binata ay dinaanan ko rin, ultimong ang tadhana  ng pagsusulat na siya mo ring habampanahon nang kinasadlakan. Ngayon, ang tagumpay mo sa pagsusulat at publikasyon ay nagawa mo pang ipatikim na rin sa akin kahit papaano. Labing-anim na taon na akong nagsusulat ng kolum sa The Manila Times, dagdag ang dalawang  aklat na nagawa mong padrinuhang ipasulat sa akin at ipalimbag: Nation Above Self, talambuhay ni wartime President Jose P. Laurel; at Mandirigma, hinggil sa mahalagang yugto ng buhay ni General Alexander F. Balutan, ang dumurog sa Camp Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). 

Maging ang kahulihulihan kong aklat na nalathala, ang China The Way, The Truth and The Life, na nalimbag noong 2020, ay hindi magkakatotoo kung hindi dahil sayo. Ang aklat ay kalipunan ng mga artikulong sinulat ko hinggil sa China at pawang nalathala sa kolum kong My Say sa Manila Times.


Ang sarap balik-balikan ng mga alaala ng mga yugto sa buhay na tila sa basbas ng iisang kamay ay pinaging-dapat na ating pagsaluhan. 

Nitong tatlong nakaraang taon ang naging routine ng buhay ko ay sustenihan ang paghabol sa mga deadline ng aking mga kolum, at kada Lunes, Miyerkules at Biyernes ay pumailalim sa dialysis na kung natatandaan mo ay kaayaw-ayaw ko sa simula. 

“Wala akong alam na kaso ng tao na iniligtas ng dialysis,” sabi ko iyun sayo noon. 

Pero pilit mo pa rin, “At least, hahaba pa ang buhay mo.” 

- Advertisement -

Kaya sunod pa rin ako sa payo mo. 

Hanggang ngayon buhay pa rin ako. 

Wala kang sinabi na hinindian ko. 

Di tulad ng maraming writers na kung manindigan sa press freedom ay ganun na lang, sa akin ang press freedom ay kasingtotoo lamang ng kung hanggang saan ka papayagang sabihin ang ibig mo ng publisher. 

Minsan, isa sa mga pangunahing kolumnista ng Manila Times ay nangahas na tumuligsa sa mga patakaran mo nang wala sa katwiran. Unang inabot niya ay warning at payong ituwid ang pamumuna. Nang sa kabila nito ay nagtuloy-tuloy ang batikos na wari mo’y asal amo, atas mo sa kanya: “Isulat mo ang huli mong kolum.” 

Ngayong yumao ka na, sino pa ang magbibigay sa akin ng press freedom? 

- Advertisement -

Sino pa ang walang hinto ng pag-iisip ng mga paraan kung papaanong madaragdagan ang aking mga pang-agdong buhay? 

Tutal alam mo  na malapit na rin ang hangganan ng aking paglalakbay, ano ba naman kung naghintay-hintay ka muna ng isang sandali pa.  

Huwag lang na di masabing sa pag-uunahan, “Ikaw na naman?” 

May katigasan talaga ang ulo mo, DAA. Oras na napagpukosan ng utak mo, iyon na yun. 

Iyon nga ang ipinagdadalamhati ko. Sa Agosto 22, 85 na ako.  “Iyon ang  una ko nang itinakdang deadline ng aking tigil-hininga.” 

Tatlong buwan na lang sana, sa wakas ay makauuna rin ako sayo. 

Kung bakit pati ba naman sa paglisan sa mundo, nauna ka pa rin? 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -