NAGHAIN si Sen. Idol Raffy Tulfo ng isang resolusyon sa Senado na naglalayong repasuhin ang umiiral na monitoring measures na ipinatutupad ng Department of Migrant Workers (DMW) at Maritime Industry Authority (MIA) upang matiyak ang proteksyon at patuloy na kaligtasan ng mga Pilipinong marino, lalo na ‘yung mga naka-deploy sa high-risk maritime areas.
Sa paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 393, binanggit ni Tulfo ang mga insidenteng nagdulot ng matinding pangamba hinggil sa kaligtasan ng mga Pilipinong tripulante na naglalayag sa mga high-risk maritime areas, partikular sa Persian Gulf at mga karatig na rehiyon.
Aniya, noong Mayo 6, iniulat na tinamaan umano ng drone ang barkong MV CMA CGM San Antonio habang naglalayag palabas malapit sa Strait of Hormuz, isang high-risk maritime area na apektado ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
“This incident resulted in injuries to seven Filipino seafarers and one foreign national crew member, highlighting the urgent need for enhanced safety protocols,” he said.
“The psychological and physical toll on seafarers, coupled with regional instability, underscores the need for stricter enforcement of safety measures and monitoring systems.”
Bukod dito, binanggit din ni Tulfo na ang Dutch-vessel na MV Hondius, isang expedition cruise ship na may 38 Pilipinong marino na sakay, ay napaulat na tinamaan ng nakamamatay na Hantavirus noong Abril 24, na nagdulot ng pangamba sa buong mundo.
Kinumpirma ng mga opisyal na ulat na dalawang nahawaang pasahero ang nasawi, ngunit tiniyak ng DMW na nananatiling “uninfected” ang 38 Pilipinong crew members at ginagawa na ng ahensya ang lahat ng hakbang upang ligtas na maibalik sa Pilipinas ang mga Pilipinong tripulante, alinsunod sa mandatory health protocols.L
Dahil dito, iginiit ni Tulfo na dapat suriin ang umiiral na coordination at compliance mechanisms, gayundin ang pagiging epektibo ng monitoring systems para sa mga Pilipinong marino na saklaw ng Magna Carta of Seafarers.



