(Ikalawang bahagi)
SA green light dalawa ang sangay nito. Ipinababatid na ginamit at hindi na kailangang ipabatid. Hindi kailangan ng patnubay ng guro sa green light. Malaya ang estudyante sa paggamit nito. Ito ang mga hindi na kailangang ipabatid—pag-eedit ng teksto at manuskrito. Kapag gumagamit tayo ng Google Docs at Microsoft Word (web-based), nagmumungkahi na ang mga ito ng tamang ispeling, gramatika, at ayos ng pangungusap. Minsan, annoying dahil makulit ang mga ito. Maaari itong i-disable sa settings. Ang feature na ito ay bahagi ng Weak AI ng nabanggit na word processing application. Tayo pa rin ang nagsusulat at nag-iisip. Isipin mo na lang na may nakaabang na virtual editor sa screen mo. Maski sa text input ng FB at iba pang web-based application na magsusulat ka, laging may auto-correct function hangga’t hindi mo ito pinapatay sa settings ng iyong iPhone, Android phone o kaya’y sa Google settings mo. Iyan ang mga dahilan kung bakit minsan mali-mali ang mensaheng napapadala mo dahil iba-iba ang mga salitang nakasulat. Iyan ay dahil sa predictive text input na naka-on sa iyong settings. Gayunpaman, kailangang kontrolado pa rin ng nagsusulat ang nilalaman. Sa kanya iyon manggagaling. Sa Gen AI, maaaring i-copy and paste ang naisulat at ipa-edit ito nang hindi dapat mababago ang istruktura ng pangungusap, talata, o buong teksto. Hindi rin dapat magdagdag ng anumang bagong impormasyon ang AI. Ang mga ito ay kailangang ilagay sa prompt. Kung paisa-isa ang paggamit, hindi na kailangang ipabatid ito. Subalit kapag buong dokumento, sanaysay, akda ang in-upload sa Gen AI para sa editing, kailangang ipabatid ito.
Sa kalkulasyon o simpleng math operation na MDAS (multiplication, division, addition, subtraction), hindi na kailangang ipabatid ito. Kasama diyan ang paggamit ng mga formula na ipapa-compute sa Gen AI. Kung nagsasanay ang estudyante para sa kanyang mathematical skills, gamitin niya ito upang magbigay ng maraming halimbawa at paraan ng pag-compute. Subalit sa pagsusulit, hindi dapat gumagamit ng AI, lalo na sa problem solving. Nagiging virtual math tutor niya ang AI at masusukat natin kung may natutuhan siya sa panahon ng eksamen na hindi ginagamitan ng AI.
Isipin natin na ang AI ang upgraded na bersyon ng Google. May ilang nagsasabi na hindi Google ang AI. Pero sa karanasan ko sa paggamit nito, itinutumbas ko ang kakayahan ng AI sa mga pamilyar na functionality ng Google. Maaaring gamitin ang Gen AI bilang search engine. Mas mainam na mag-organisa ng impormasyon ang AI batay sa tiyak na prompt na iyong ilalagay. Maaari ring magtanong at ilalabas ng AI ang mga posibleng sagot. Maaari ring mag-explore ng mga kaalaman at hingin ang tiyak na sources at links. Ang mga ito’y hindi na kailangang ipabatid dahil sumasaklaw ang mga ito sa independent learning ng mag-aaral.
Sa pagsasalin, kung paisa-isa ang mga salitang isasalin, ay hindi na rin kailangang ipabatid ang mga ito. Subalit kapag buong dokumento, sanaysay, at akda ang isinalin, kailangang naka-disclose ito. May reputational issue ito sa nagsalin dahil totoo namang ang AI ang nagsalin at hindi ang tao. Kung translator ka talaga, ikaw ang magsasalin at ipapa-edit mo lamang sa AI ang isasalin mo. Editing ito na katulad ng nabanggit ko sa itaas.
Sa kabuuan, ituring na Assistive AI ang Gen AI sa pagtuturo at pagkatuto. Pantulong ang AI bilang kasangkapan sa pagkatuto ng mga estudyante. Sa pagtuturo, hindi dapat ang AI ang nagtuturo sa loob ng klasrum kundi ang guro. Sa mga estudyante, hindi dapat ang AI ang kapalit ninyo. Kayo mismong mga estudyante ang dapat matuto sa tulong at gabay ng guro.
Paano ilalapat ang apat na pamantayan at ang traffic light model sa pagtuturo at pagkatuto? Dapat nakaugnay ito sa learning outcome ng kurso. Isa-isahin ng guro ang mga learning output na nakabatay sa mga learning outcome. Alin sa mga output ang kailangan ng AI (green at yellow light)? Alin naman sa mga ito ang hindi dapat gumagamit ng AI (red light)? Halimbawa, ganito ang learning outcome—“nakasusulat ang mga estudyante ng mungkahing paksa para sa kanilang pinal na papel-pananaliksik.” Ang panukalang papel ang inaasahang learning output.
| Mga hakbang | Pagtuturo at pagkatuto | Traffic light model |
| Pagninilay ng paksa batay sa interes, motibasyon, at paunang kaalaman ng estudyante | Mentoring ng guro | Red light |
| Pagsasaliksik sa katulad, kaugnay, at karatig na pag-aaral tungkol sa paksa | Pagpunta sa silid-aklatan at pagkalap sa database nito | Red light |
| Paghahanap ng RRL na gamit ang Consensus o Scopus AI atbp. | Yellow light | |
| Explorasyon sa iba pang impormasyon mula sa internet at Gen AI | Green light | |
| Pagsulat ng pangunahing ideya ng papel at paglalahad ng suliranin | Sa loob ng klasrum o kaya’y synchronous online learning sa gabay ng guro | Red light |
| Pagsulat ng mungkahing papel | Pagsulat ng buong burador | Red light |
| Editing ng burador | Green light | |
| Paggawa ng mga tsart, tables | Yellow light | |
| Pagpasa ng mungkahing papel | Kailangan ng disclosure sa paggamit ng AI | Green light (kung kailangang ipabatid)
Yellow light |
(Itutuloy)

