PERSONAL na namigay ng tulong si Senate President Pro Tempore Win Gatchalian sa mga biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Maynila.

Binigyang-diin niya na ang pagtugon sa mga pang-ekonomiyang kahirapan ng mga ordinaryong Pilipino ay dapat mas pahalagahan kaysa sa ingay at mga panggugulo sa politika.
Binigyang-pansin ni Gatchalian na dapat magpatuloy ang paglilingkod sa bayan sa loob at labas man ng Senado, lalo na sa panahong marami ang pamilyang nahihirapang makabangon dahil sa kawalan ng tirahan, mataas na gastusin, at pang-araw-araw na hamong pinansyal.
Nagpamahagi ang senador ng 3,100 sako ng bigas sa 2,984 pamilyang nawalan ng mga tirahan dahil sa sunog noong Mayo 23 sa San Nicolas, Maynila. Nagbigay din siya ng karagdagang 150 sako ng bigas sa 134 na pamilyang naapektuhan ng isa pang sunog sa Baseco, Maynila noong Mayo 30, pati na rin sa mga biktima ng mga naunang sunog na naganap sa pagitan ng Pebrero at Mayo.
“Iwan na natin ang mga pamumulitika sa Senado at magpokus na sa trabaho. Hindi na makakapaghintay ang ating mga mahihirap na kababayan. Ngayon na nila kailangan ng tulong,” pahayag ni Gatchalian.
Isa sa kanyang mga pangunahing prayoridad ay ang pagtugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na labis na nakaaapekto sa mga pamilyang may mababang kita.



