MASUSI at agarang imbestigasyon ang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng pagkamatay ng dalawang estudyante at manlalaro ng Ateneo De Manila University na nalunod sa gitna ng team-building activity ng mga ito sa Dipaculao, Aurora kamakailan.
Sinabi ni Palace Press Officer and Presidential Communications Office Undesecretary Atty. Claire Castro na ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang agarang pag-iimbestiga sa insidente na ikinamatay nina Rene Clert Baterbonia, 19, at Divine Adili, 21.

“Unang-una po, of course, ay nakikiramay tayo sa pangyayaring ito,” pahayag ni Castro sa isang news release ng PCO.
“Kailangan talaga ng imbestigasyon dahil hindi talaga naging maganda ang naging resulta ng nasabing training. Of course, hindi natin kailangan i-pre-empt or mag-prejudge dito. So kailangan talaga ng agarang imbestigasyon,” dagdag pa ni Castro.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation, sa direktiba ng Department of Justice (DOJ) na bumuo ito ng special task force na magsasagawa ng isang komprehensibo at patas na imbestigasyon sa insidente upang matukoy kung sino ang maaaring managot rito.
Ayon kay Castro, hindi lamang sa naganap na insidente ang kautusan ng Pangulo na magkaroon ng agarang imbestigasyon kundi sa lahat ng kaparehong kaso na kinabibilangan ng mga Pilipino.
Safety standards
Dahil sa insidente, nilalayon ngayon ng ilang mambabatas na makabuo ng mas istriktong pamantayang pangkaligtasan para sa lahat ng paaralan, palakasan, at mga aktibidad pang team-building.
Ayon kina Deputy Speaker Paolo Ortega, Deputy Speaker Jefferson Khonghun, at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, magsusumite sila ng isang resolusyon para sa isang congressional inquiry kaugnay ng trahedya, kasabay ng kanilang pahayag ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima at sa buong komunidad ng Ateneo.
“As champions of sports development for the Filipino youth, we have both the privilege and the responsibility to promote athletic excellence while ensuring the safety and welfare of every student-athlete,” ayon sa grupo. “Tragedies like this must compel us to act with urgency and purpose.”
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ni Pinoy Workers Rep. Karl Fernandez Legazpi na magsusumite rin sya ng resolusyon para magkaroon ng House inquiry “in aid of legistlation.”
“These young athletes had promising futures ahead of them. Beyond their talents on the court, they were sons, students, teammates, and individuals whose lives were filled with potential. Their untimely passing is a heartbreaking loss not only to their families and school, but also to Philippine sports,” aniya.
PSC aalamin ang buong pangyayari
Samantala, bumuo ang Philippine Sports Commission (PSC) ng isang panel na mag-iimbestiga sa pagkamatay nina Baterbonia at Adili.
Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio tutulong ang fact-finding body ng komisyon sa Philippine National Police at Department of Justice (DOJ) upang makabuo ng isang komprehensibong salaysay tungkol sa insidenteng naganap nitong Lunes, Hunyo 8, 2026, na ikinamatay ng dalawang manlalarong estudyante.
Kinabibilangan nina Erika D mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas, PSC Commissioner Fritz Gaston, Commission of Higher Education Chairman Shirley Agrupis, University Athletic Association of the Philippines Executive Director Rebo Saguisag, Adamson University Vice President for Student Affairs Fr. Aldrin Suan, National Youth Commission Chairman Jeff Ortega, at iba pa ang grupo ng PSC.
Kukuha ang PSC ng mga resource speakers upang makuha ang mga detalyeng may kaugnayan sa pagkamatay ng dalawang manlalaro ng Ateneo.
Panayam sa ina ni Rene
Sa panayam ng GMA News sa ina ni Rene Clert, sinabi nito ang kagustuhan niyang malinawan sa buong pangyayari kung bakit humantong sa pagkamatay ng kanyang anak ang team-building activity,
Sa maluha-luha nitong pahayag, sinabi niyang kailangan nyang malaman ang buong katotohanan upang matanggap nya ang sinapit ng kanyang anak.
May nakapagsabi umano na may pabigat sa mga paa ng mga manlalaro na pinalusong sa maalong dagat na pinagdausan ng training.
Nilinaw naman umano ng mga awtoridad na walang pabigat sa mga paa ng mga manlalaro gaya ng balitang nakarating sa kanya.
Sa video na ipinakita ng GMA News na kuha ng Aurora Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), makikita ang isa sa mga binti ng isinasalbang manlalaro na wala naman itong pabigat.
Kagagraduate lang ng senior high school
Tubong Talacogon, Agusan del Sur, naglaro para sa Ateneo de Davao University sa senior high school si Baterbonia na may palayaw na “Bobet.”
Bago sya kunin ng Ateneo De Manila, kinatawan nya ang Davao Region (DAVRAA) sa Palarong Pambansa.
Nito lamang nakaraang taon, pinangunahan niya ang Davao Region sa kauna-unahang gintong medalya sa boys’ basketball sa Palarong Pambansa, naging Most Valuable Player (MVP) at napabilang siya sa Mythical Five ng torneo.
Kasapi rin siya ng pambansang koponan na nagkamit ng ginto sa Asean School Games sa Brunei noong 2025.
Itinuturing ang 6’4” na manlalaro na isa sa pinakamahuhusay na high school prospects sa bansa bago siya i-recruit ng Ateneo.
Kakagradweyt lamang niya sa Ateneo de Davao at kalilipat lang sa Maynila ilang araw bago ang trahedya. Isa siyang incoming rookie ng Blue Eagles na maglalaro sana sa UAAP Season 89.
Manlalarong Nigerian
Samantala, isang dayuhan naman si Adili mula sa Nigeria. Nadiskubre sya sa New Era University.
Sa taas na 6’10” na may malakas na rebounding at interior presence, natulungan ni Adili ang New Era University na manalo ng magkasunod na high school championship.
Nagwagi siya ng back-to-back MVP awards sa juniors division noong 2023 at 2024.
Napatunayan na ni Adili sa Ateneo ang kanyang galing nang maglaro siya sa UAAP Season 88.
Naging isa siya sa pangunahing rebounders at promising young big men ng Blue Eagles.
Ayon sa ulat ng GMA News, base sa pahayag ng embahada ng Nigeria, hiniling ng pamilya ni Adili na magsagawa ng awtopsiya sa kanyang labi bago ito iuwi sa Nigeria.
Pananagutin
Nagpahayag ang Commission on Higher Education (CHED) nitong Myerkules na titiyakin nila na lalabas ang katotohanan at sino ang may pananagutan sa pagkamatay ng dalawang manlalaro..
“The safety and welfare of students must never be compromised. The Commission will pursue the truth without exception, ensure that accountability is imposed where warranted, and require corrective measures to prevent the recurrence of such tragedies,” pahayag ng CHED.
“No institution, official, or individual responsible for student welfare is exempt from accountability,” dagdag pa nito.
Inatasan din ng CHED ang ADMU na magsumite ng comprehensive incident report at makipagpulong ang mga opisyal nito.
“On 09 June 2026, CHED National Capital Region immediately mandated ADMU to submit a comprehensive incident report and called for a meeting with university officials. Based on information provided by the ADMU Crisis Management Team, the incident occurred during an off-season team-building and training camp involving twenty-four student-athletes and seven adult supervisors composed of coaches and staff members of the ADMU Men’s Basketball Team,” saad sa pahayag.
Paunang resulta ng imbestigasyon
Lumalabas sa paunang imbestigasyon ng mga pulis sa Aurora na walang naganap na foul play at aksidente ang nangyari sa dalawang manlalaro.

