KASUNOD ng pagbubukas ng School Year 2026–2027, muling iginiit ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian ang kanyang panukalang hikayatin ang mas aktibong pakikilahok ng pribadong sektor sa pampublikong edukasyon, bagay na aniya’y makakatulong sa pagtugon sa patuloy na mga hamon sa sistema ng edukasyon ng bansa.
Nakasaad ang mungkahi ni Gatchalian sa inihain niyang Adopt-A-School Act of 2025 (Senate Bill No. 54). Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga pribadong organisasyon o indibidwal na may mabuting katayuan, dayuhan man o lokal, ay maaaring tumulong sa mga paaralang naghahatid ng early childhood education, basic education, technical-vocational education and training (TVET), higher education, at Alternative Learning System.
Layunin ng panukalang batas na bigyang prayoridad ang mga 4th at 5th class local government units (LGUs), gayundin ang iba pang mga LGU na nakararanas ng matinding kakulangan, hindi sapat na budget, o iyong may maraming mahihirap ngunit mga high performing na mga mag-aaral. Maaaring tumulong ang pribadong sektor sa pagsasanay ng mga guro, pagtatayo ng mga pasilidad sa paaralan, pag-upgrade ng instructional materials, at iba pa.
Kabilang sa mga insentibo para sa mga indibidwal at organisasyon na lalahok sa programa ang karagdagang 50% na deduction o bawas sa mga nagastos, karagdagang 20% na bawas o deduction para sa pagkuha ng mga senior high school graduates, ‘naming rights’, at mga exemption sa import duties at tax sa mga donasyon kung naaangkop.
“Kapag nagtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor, mas mabilis nating maibibigay sa bawat bata ang oportunidad na makatanggap ng dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian.



