27.9 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Legarda: Higit sa liderato, Konstitusyon ang nakataya

- Advertisement -
- Advertisement -

IGINIIT ni four-term Senator at Senate President Pro Tempore Loren Legarda na ang petisyong inihain sa Korte Suprema ay kinakailangan upang linawin ang mga usaping konstitusyonal kaugnay ng takeover ng isang paksyon sa Senado noong ikatlo ng Hunyo. Binigyang-diin ng Senador na walang grupo o opisyal ang maaaring magbaluktot sa Konstitusyon para lamang umayon sa pulitika.

Sa petisyon, hinihiling sa Korte Suprema na tukuyin kung naaayon sa Konstitusyon at sa Rules of the Senate ang mga kaganapan sa sesyon ng Senado noong ikatlo ng Hunyo.

Ayon kay Legarda, taliwas sa sinasabi ng ilang senador, maaaring desisyunan ng Korte Suprema ang kaso dahil ang mga isyung inihain ay tungkol sa paglabag sa malinaw na probisyon ng Konstitusyon. Aniya, kahit magpatuloy ang mga kaganapan sa pulitika, dapat pa ring resolbahin ng Korte kung may paglabag na naganap. Dagdag pa ni Legarda, kung hindi ito lilinawin ngayon ng Korte, maaaring maulit ang parehong isyu at muling magdulot ng kalituhan at “deadlock” sa Senado.

“Ito mismo ang dahilan kung bakit kami dumulog sa Korte Suprema. Hindi naman ito tungkol sa pulitika. Ang hinihiling lang namin ay linawin ang mga naganap base sa Konstitusyon dahil may posibleng paglabag. Simple lang ang isyu: sinunod ba ang mga probisyon at patakaran o hindi? Hindi ito tungkol sa kung sino ang nakaupo sa anong posisyon. Kapag hindi ito nilinaw, maaaring maulit ang parehong problema sa ibang leadership dispute,” ani Legarda.

Ayon pa kay Legarda, hindi lang ito tungkol sa kasalukuyang isyu sa liderato. Depende sa usapin, marami umanong probisyon sa Konstitusyon ang nangangailangan ng boto ng lahat ng miyembro ng Senado, o ng lahat ng miyembro ng buong Kongreso, kung saan kasamang boboto ang House of Representatives. Kaya naman mahalaga kung paano binibilang ang katagang “all of its members” o “lahat ng miyembro.”


“Ngayon, ang isyu, Senate Leadership, eh papaano bukas? Paano kung ibang constitutional vote na? Kapag pinayagan nating bagu-baguhin ang mga bilang na nakasulat sa Konstitusyon sa tuwing hindi ito gusto ng nasa kapangyarihan, ano pang proteksiyon ng Konstitusyon natin? Paano kung ang usapin na ay martial law na, impeachment conviction, o charter change? Mas malaking mga isyu yan kaysa sa leadership dispute.”

Binigyang-diin ng mambabatas na hindi maaaring baguhin ang constitutional requirements batay lamang sa pulitika ng panahon.

“Twenty-four is still twenty-four. Hindi nagbabago ang constitutional membership ng Senado dahil lamang may absent, nakakulong, suspendido, o pansamantalang hindi makadalo. Dapat may aktwal na vacancy. Hindi maaaring iba ang kahulugan ng Konstitusyon ngayon at iba na naman bukas depende sa pulitika.”

Nagbabala si Legarda na ang pagbalewala sa constitutional voting requirements ay maaaring magpahina sa kalayaan ng mga pangunahing sangay ng pamahalaan.

- Advertisement -

“May dahilan kung bakit iniaatas ng Konstitusyon ang mga numerong ito. Kapag mas mabigat ang desisyon, mas mataas ang botong kailangan. At ang basehan dapat ay lahat ng miyembro ng Senado. Lagi nating sinasabi na ang 1987 Constitution ay isang tugon sa ating mga dinanas noong martial law. Kaya inilagay ang mga proteksyong ito dahil may pinagmumulan tayo bilang bansa noon: na minsan nang umabuso ang mga nasa kapangyarihan, at humina ang mga institusyon ng pamahalaan. Gusto ba natin manumbalik sa ganito?”

Dagdag pa niya, mahalagang maresolba ito ng Korte Suprema para magkaroon ng malinaw na gabay kung ano ang tama sa ilalim ng Konstitusyon. Aniya, hindi ito usapin ng pagkampi sa alinmang panig, kundi ng pagprotekta sa kalayaan ng Senado at sa pagpapanatili ng balangkas ng Konstitusyon.

“Kung hindi ito sasagutin ng Korte, mananatili ang kalituhan. Baka sa susunod, may ibang pangkat na suportado ng administrasyon na gumamit ng parehong shortcut, at maipit muli ang Senado. Kailangan natin ng malinaw na sagot ngayon para hindi na ito maulit. Dapat linyahan at tuldukan na ito ng Korte Suprema. Dapat malinaw: ang masusunod ay ang Konstitusyon at ang batas,” ani Legarda. 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -