Dalawampu’t apat na Pilipinong nakadetine sa Russia ang pinalaya na at nakatakdang makauwi sa Pilipinas ngayong Biyernes matapos ang bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Pangulong Vladimir Putin sa Kazan.
Inihayag ni Pangulong Marcos ang magandang balita sa panayam ng Philippine media sa Kazan, Russia, matapos dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit.
“I don’t know if people are aware of this, but 24 Filipinos have been in detention in Irkutsk for how many months now? Nine months,” ayon sa Pangulo.
(“Hindi ko alam kung alam ito ng publiko, pero may 24 na Pilipinong nakadetine sa Irkutsk sa loob ng ilang buwan na. Ilang buwan na ba? Siyam na buwan.”)
“Wala tayong balita. Hindi natin malaman kung ano na ang kalagayan nila. Sa pagkakaalam natin, hindi naman sila nakasuhan,” dagdag ng Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na binanggit niya kay Pangulong Putin ang kalagayan ng 24 na Pilipinong nakadetine sa Russia sa kanilang bilateral meeting. Sinabi umano ni Putin na hindi siya naabisuhan ukol sa usapin.
“Noong nag-bilateral meeting kami ni President Putin, binanggit ko ito. At nagulat din siya. Sabi niya, hindi ko alam ’yan. Pag-aaralan namin. Titingnan namin ang nangyayari,” ani Pangulong Marcos.
Ikinuwento rin ng Pangulo na muli siyang kinausap ni Putin sa hapunan kasama ang iba pang mga lider at nagbigay ito ng update hinggil sa kalagayan ng mga Pilipino.
“Noong dinner kagabi, kinausap niya ako, sabi niya, nakita na namin ’yung sitwasyon. We found out where the 24 Filipinos are. We found out what the problem is with their case, with their situation,” dagdag pa ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na sinabi rin ni Putin na hindi kinasuhan ng anumang paglabag ang mga Pilipino ngunit nanatili silang naka-detine sa loob ng siyam na buwan.
Ayon kay Pangulong Marcos, hiniling niya kay Putin na mabigyan ng impormasyon ang mga pamilya ng mga Pilipino at matulungan silang maresolba ang kanilang sitwasyon.
“So, I said as a request, especially speaking for the families, kung puwede naman, we can find a way that we get some information about them,” ayon sa Pangulo.
“Siyempre, respetado natin ang batas ng Russia. Respetado natin ang kanilang pamahalaan. Ngunit kung may paraan, sana magawan natin. At nagkaroon ng paraan,” dagdag niya.
“And now, the 24 Filipinos will be released. They are ready for deportation tomorrow at 5 p.m. So, those 24 will be going home, back to the Philippines, and back to their families,” pahayag pa ng Pangulo.
(“At ngayon, ang 24 na Pilipino ay palalayain na. Handa na silang i-deport bukas ng alas-5 ng hapon. Kaya ang 24 na Pilipinong ito ay makakauwi na sa Pilipinas at makababalik na sa kanilang mga pamilya.”)
Pumunta sa Russia si Pangulong Marcos para dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit at magsagawa ng bilateral talks kay Pangulong Putin. | PND

